Pumunta sa nilalaman

BAHAGI 5

Ang Katotohanan Tungkol sa Mahika, Panggagaway, at Pangkukulam

Ang Katotohanan Tungkol sa Mahika, Panggagaway, at Pangkukulam

1. Gaano kaimpluwensiya ang paniniwala sa mahika, panggagaway, at pangkukulam?

“SA Africa, walang saysay ang pagtatanong kung may mga mangkukulam ba talaga o wala,” ang sabi ng aklat na African Traditional Religion. Sinabi pa dito: “Para sa mga taga-Africa, totoo ang pangkukulam.” Marami ang naniniwala sa mahika, panggagaway, at pangkukulam—edukado man o walang pinag-aralan. Naniniwala rin dito ang mga lider ng relihiyon ng Islam at Sangkakristiyanuhan.

2. Ano ang pinapaniwalaan ng ilan tungkol sa mahiwagang kapangyarihan?

2 Naniniwala ang mga taga-Africa na may umiiral na mahiwaga o espirituwal na kapangyarihan. Sinasabi nila na kontrolado ito ng Diyos, at puwede itong gamitin ng mga espiritu at ninuno nila. Alam pa nga ng ilan kung paano ito makukuha at gagamitin—sa mabuti man (white magic) o masama (black magic).

3. Ano ang black magic, at ano raw ang kayang gawin nito?

3 Pinapaniwalaan na ang black magic, o panggagaway ay ginagamit na panlaban sa kaaway. Ang mga gumagamit nito ay may kapangyarihang kontrolin ang mga hayop gaya ng paniki, ibon, o insekto para atakihin ang mga tao. Marami rin ang naniniwala na ito ang dahilan ng mga away, pagkabaog, sakit, at kamatayan pa nga.

4. Ano ang paniniwala ng marami tungkol sa mga mangkukulam, at ano ang sinabi ng ilang dating mangkukulam?

4 May kaugnayan din sa black magic ang pangkukulam. Sinasabi ng ilan na kapag natutulog sa gabi ang isang mangkukulam, may isang bahagi sa katawan nito na humihiwalay. Lumilipad ito para makipagkita sa ibang mangkukulam o para pahirapan ang mga biktima nito. Sinasabi ng mga dating mangkukulam na ganiyan daw ang naranasan nila. Halimbawa, sa isang magazine sa Africa, mababasa roon ang sinabi ng mga dating mangkukulam, na ang karamihan ay mga teenager na babae. Sinabi nila: “Pumatay ako ng 150 tao sa pamamagitan ng mga aksidente sa motor.” “Sinipsip ko ang dugo ng limang bata hanggang mamatay sila.” “Pinatay ko ang tatlong boyfriend ko kasi hiniwalayan nila ako.”

5. Ano ang white magic, at paano ito ginagamit?

5 Pinapaniwalaan naman na ginagamit ang white magic pangontra sa kasamaan. Nagsusuot ng mga mahiwagang singsing o pulseras ang mga gumagamit nito. May gamot sila na iniinom o ipinapahid sa katawan nila. May itinatago rin silang aklat ng mahika sa bahay nila o sa ilalim ng lupa. Pinapaniwalaan nila na mapoprotektahan sila ng mga ito. May mga anting-anting sila na may nakasulat na mga teksto mula sa Koran o Bibliya.

Mga Kasinungalingan at Pandaraya

6. Ano ang ginawa ni Satanas at ng mga demonyo noon, at ano ang dapat nating isipin tungkol sa kanila?

6 Totoong mapanganib na kaaway si Satanas at ang mga demonyo. Kaya nilang impluwensiyahan ang isip at buhay ng mga tao. Sinapian pa nga nila ang ilang tao at hayop noon. (Mateo 12:43-45) Hindi natin sila dapat maliitin, pero hindi tayo dapat matakot sa kanila.

7. Ano ang gusto ni Satanas na isipin natin, at saan ito inilarawan?

7 Eksperto sa pandaraya si Satanas. Gusto niyang isipin ng mga tao na napakamakapangyarihan niya. Bilang paglalarawan: Nang magkaroon ng labanan sa isang bansa sa Africa, gumamit ang mga sundalo ng sound equipment para takutin ang mga kalaban nila. Bago sila umatake, pine-play nila nang malakas ang recording ng mga putok ng baril at pagsabog. Gusto nilang isipin ng kalaban na inaatake sila ng isang hukbo na may malalakas na sandata. Ganiyan din si Satanas. Gusto niyang isipin ng mga tao na walang limitasyon ang kapangyarihan niya. Layunin niyang takutin ang mga tao para gawin nila ang gusto niya, hindi ang kalooban ni Jehova. Talakayin natin ang tatlong kasinungalingan ni Satanas.

8. Ano ang isang kasinungalingan ni Satanas?

8 Una, hindi nagkataon ang isang masamang pangyayari. Kung hindi ito ginawa ng isang tao, galing ito sa isang mahiwagang kapangyarihan. Halimbawa, namatay ang isang bata dahil sa malaria. Alam ng nanay niya na galing ito sa isang lamok. Pero baka naniniwala rin siya na may gumamit ng pangkukulam para kagatin ng lamok ang bata.

Nangyayari talaga kung minsan ang masasamang bagay

9. Ayon sa Bibliya, bakit hindi si Satanas ang dahilan ng lahat ng masamang bagay?

9 May kapangyarihan si Satanas na gumawa ng masama. Pero maling isipin na galing sa kaniya ang lahat ng masamang bagay. Sinasabi ng Bibliya: “Hindi laging ang matulin ang nananalo sa takbuhan, hindi laging ang malakas ang nananalo sa labanan, hindi laging ang marunong ang may nakakain, hindi laging ang matalino ang nagiging mayaman, at hindi laging ang may kaalaman ang nagtatagumpay, dahil lahat sila ay naaapektuhan ng panahon at di-inaasahang pangyayari.” (Eclesiastes 9:11) Baka may isang runner na mas mabilis kaysa sa iba, pero posible pa rin siyang matalo dahil sa “di-inaasahang pangyayari.” Puwede siyang matalisod, matumba, o pulikatin. Puwedeng mangyari iyan sa lahat. Hindi iyan galing kay Satanas o sa pangkukulam; talagang nangyayari iyan.

10. Ano ang karaniwang paniniwala tungkol sa mga mangkukulam, at bakit ito isang kasinungalingan?

10 Ikalawa, may humihiwalay sa katawan ng mangkukulam para makipagkita sa ibang mangkukulam o para pahirapan ang mga biktima nila. Tanungin ang sarili: ‘Kung nagagawa ito ng mga mangkukulam, anong bahagi ng katawan nila ang humihiwalay?’ Gaya ng natutuhan natin, ang kaluluwa ay ang mismong tao. Hindi ito humihiwalay sa katawan ng tao. Bukod diyan, ang espiritu ang puwersang nagbibigay ng buhay sa katawan ng tao pero hindi rin ito humihiwalay sa isang katawan.

Walang humihiwalay sa katawan ng mga mangkukulam

11. Bakit walang humihiwalay sa katawan ng mga mangkukulam, at bakit ka naniniwala rito?

11 Hindi kayang humiwalay ng kaluluwa o espiritu sa isang katawan para gumawa ng mabuti o masama. Kaya walang humihiwalay sa katawan ng mga mangkukulam. Hindi totoo ang sinasabi ng mga tao tungkol sa ginagawa ng mga ito o kaya nitong gawin.

12. Ano ang ginagamit ni Satanas para paniwalain ang mga tao na nakagawa sila ng isang bagay na hindi talaga nangyari?

12 Kumusta naman ang sinabi ng ilang dating mangkukulam? Kayang paniwalain ni Satanas ang mga tao na naranasan nila ang isang bagay na hindi naman talaga nangyari. Gamit ang panaginip o pangitain, ipinapa-imagine ni Satanas sa mga tao na nakakita sila, nakarinig, o nakagawa ng mga bagay na hindi naman talaga nangyari. Dahil dito, nailalayo ni Satanas ang mga tao mula kay Jehova. Gusto rin niyang isipin nila na mali ang sinasabi ng Bibliya.

13. (a) Mabuti ba ang white magic? (b) Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa mahika?

13 Ikatlo, makakatulong ang white magic para labanan ang black magic. Walang sinasabi ang Bibliya tungkol sa black magic at white magic. Hinahatulan nito ang lahat ng mahika. Tingnan ang mga batas na ibinigay ni Jehova sa bansang Israel tungkol sa mahika at sa mga nagsasagawa nito:

  • “Huwag kayong . . . magsasagawa ng mahika.”​—Levitico 19:26.

  • “Sinumang lalaki o babae na isang espiritista o manghuhula ay dapat patayin.”​—Levitico 20:27.

  • “Hindi dapat magkaroon sa gitna ninyo ng . . . mahiko, naghahanap ng tanda, mangkukulam, nanggagayuma, kumokonsulta sa espiritista.”​—Deuteronomio 18:10-14.

14. Bakit gumawa si Jehova ng mga batas tungkol sa mahika?

14 Ipinapakita ng mga batas na ito na ayaw ng Diyos na gumamit ng mahika ang mga lingkod niya. Iniutos ito ni Jehova sa kanila dahil mahal niya sila at ayaw niya silang matakot at maniwala sa pamahiin. Ayaw niya silang pahirapan ng mga demonyo.

15. Paano ipinapakita ng Bibliya na mas makapangyarihan si Jehova kay Satanas?

15 Hindi sinasabi ng Bibliya ang lahat ng detalye tungkol sa kaya at hindi kayang gawin ng mga demonyo. Pero ipinapakita nito na mas makapangyarihan ang Diyos na Jehova kay Satanas at sa mga demonyo. Pinalayas ni Jehova si Satanas mula sa langit. (Apocalipsis 12:9) Pansinin din na nagpaalam si Satanas na subukin si Job at sinunod ang utos ng Diyos na huwag itong patayin.​—Job 2:4-6.

16. Kanino tayo dapat umasa para sa proteksiyon?

16 Sinasabi ng Kawikaan 18:10: “Ang pangalan ni Jehova ay matibay na tore. Doon tumatakbo ang matuwid at tumatanggap ng proteksiyon.” Kaya dapat tayong umasa sa proteksiyon ni Jehova. Hindi gumagamit ang mga lingkod ng Diyos ng mga anting-anting o gamot panlaban kay Satanas at sa mga demonyo. Hindi rin sila natatakot sa kayang gawin ng mga mangkukulam. Naniniwala ang mga lingkod ng Diyos sa sinasabi ng Bibliya: “Ang mga mata ni Jehova ay nagmamasid nang mabuti sa buong lupa para ipakita niya ang kaniyang lakas alang-alang sa nagbibigay ng buong puso nila sa kaniya.”​—2 Cronica 16:9.

17. Ano ang tinitiyak sa atin ng Santiago 4:7, at ano ang dapat nating gawin?

17 Magkakaroon ka rin ng ganitong pagtitiwala kung maglilingkod ka kay Jehova. Sinasabi ng Santiago 4:7: “Magpasakop kayo sa Diyos; pero labanan ninyo ang Diyablo, at lalayo siya sa inyo.” Kung paglilingkuran mo ang tunay na Diyos at magpapasakop sa kaniya, makakapagtiwala ka na poprotektahan ka ni Jehova.