Pumunta sa nilalaman

OKTUBRE 29, 2019
AZERBAIJAN

Napatunayan ng European Court of Human Rights na ang Limang Saksi ni Jehova sa Azerbaijan ay Hindi mga Kriminal

Napatunayan ng European Court of Human Rights na ang Limang Saksi ni Jehova sa Azerbaijan ay Hindi mga Kriminal

Noong Oktubre 17, 2019, nagdesisyon ang European Court of Human Rights (ECHR) na hindi dapat parusahan bilang kriminal ang mga kapatid natin sa Azerbaijan dahil sa pagtangging sumali sa militar. Pinagtibay ng hatol na ito na ang pagpaparusa dahil sa pagtangging sumali sa militar ay paglabag sa karapatan ng kalayaan sa konsensiya, pag-iisip, at relihiyon. Ito ang unang hatol ng ECHR na pabor sa mga Saksi ni Jehova sa Azerbaijan.

Ang desisyong ito ay para sa apat na kaso na nangyari sa pagitan ng 2008 at 2015. Kasama rito ang limang kapatid: sina Mushfig Mammadov, Samir Huseynov, Farid Mammadov, Fakhraddin Mirzayev, at Kamran Mirzayev. Lahat sila ay nahatulan at ibinilanggo sa Azerbaijan dahil sa pagtangging sumali sa militar. Nakita ng Korte na ang pagtanggi nilang sumali sa militar ay base sa kanilang “relihiyosong paniniwala,” kaya sinabi nitong ang pagpaparusa ng Azerbaijan sa mga kapatid ay paglabag sa European Convention on Human Rights. Idinagdag ng Korte na hindi lang ang klero at mga estudyante ng mga relihiyosong institusyon ang dapat payagang gumawa ng alternatibong serbisyo. Sinabi rin ng Korte na dapat bayaran ng Azerbaijan ang nawalang pera ng mga kapatid dahil sa kanilang pagkakabilanggo.

Gaya ng ipinaliwanag ng Korte, pumayag ang Azerbaijan na gumawa ng batas para sa alternatibong serbisyo nang maging kabilang ito sa Council of Europe noong 2001. Sinasabi rin sa sariling Konstitusyon ng Azerbaijan na ang mga tumatangging sumali sa militar dahil sa paniniwala nila ay may karapatang gumawa ng ibang serbisyo sa komunidad. Pero wala pang ginagawang batas ang gobyerno tungkol dito, at kinakasuhan pa rin bilang kriminal ang mga kapatid natin na tumatangging sumali sa militar.

Umaasa tayong ang desisyong ito ng Korte ay magpapakilos sa mga awtoridad sa Azerbaijan na gumawa ng plano para sa alternatibong serbisyo sa komunidad. Pero sa ngayon, ipinapanalangin natin na ang mga kapatid natin sa Azerbaijan ay patuloy na maglilingkod kay Jehova nang may lakas ng loob.—Awit 27:14.