Pumunta sa nilalaman

PEBRERO 10, 2017
AZERBAIJAN

Pinawalang-sala ng Azerbaijan Supreme Court Sina Irina Zakharchenko at Valida Jabrayilova

Pinawalang-sala ng Azerbaijan Supreme Court Sina Irina Zakharchenko at Valida Jabrayilova

Noong Pebrero 8, 2017, pinawalang-sala ng Supreme Court ng Azerbaijan sina Irina Zakharchenko at Valida Jabrayilova na nahatulan dahil sa pamamahagi ng relihiyosong literatura nang walang pahintulot ng Estado. Idineklara ni Judge Hafiz Nasibov, ng Criminal Board of the Supreme Court, na walang nakitang krimen ang Hukuman sa mga pagkilos ng dalawang babaeng Saksi at pinawalang-bisa ang mga desisyon ng mabababang hukuman.

Sa panahon ng paglilitis, ipinakita ng mga abogado nina Ms. Zakharchenko at Ms. Jabrayilova na nilabag ng gobyerno ang mahahalagang karapatang pantao ng dalawang babaeng Saksi dahil sa di-makatuwiran at mapang-abusong pagtrato sa kanila. Pinahintulutan ng Hukuman ang dalawang babae na isalaysay ang mga tiniis nila sa loob ng mahigit 11 buwan na pagkabilanggo bago ang paglilitis at kung paano ito nakaapekto sa kanila.

Ang international human rights lawyer na si Jason Wise ay nagsabi: “Tuwang-tuwa kami na kinansela ng Criminal Board of the Supreme Court ang mga hatol. Para sa mga Saksi ni Jehova sa Azerbaijan, ito ay isang wala pang katulad na pagbaligtad sa desisyon ng mabababang hukuman. Umaasa kami na kikilalanin din ng Baku Sabail District Court ang karapatan ng dalawang babaeng ito na tumanggap ng bayad-pinsala.”