Pumunta sa nilalaman

HUNYO 3, 2022
BENIN

Ini-release ang Aklat ng Mateo sa Wikang Fon

Ini-release ang Aklat ng Mateo sa Wikang Fon

Noong Mayo 29, 2022, ini-release ni Brother Sylvain Bois, miyembro ng Komite ng Sangay sa Benin, ang aklat na Ang Bibliya—Ang Mabuting Balita Ayon kay Mateo sa wikang Fon. Ang digital na aklat ng Bibliya ay ini-release sa isang programa na patiunang inirekord. Napanood ito ng halos 7,000 Saksi ni Jehova at mga interesadong tao via streaming. Ang inimprentang mga kopya ay magiging available sa Disyembre 2023.

Kahit may mga Bibliya na sa wikang Fon bago nito, inalis ng mga ito ang pangalan ng Diyos, at maraming parirala na ginamit sa mga salin na iyon ay hindi tumpak ang pagkakasalin ayon sa orihinal na teksto ng Bibliya. Mahal din ang mga ito, at ayaw itong ipagbili ng ibang tindahan sa mga Saksi ni Jehova.

Tumpak na itinatawid ng bagong salin na ito ng aklat ng Bibliya na Mateo ang kahulugan ng orihinal na wika ng Bibliya. Halimbawa, mababasa sa Mateo 10:28: “Huwag kayong matakot sa makapapatay sa katawan pero hindi makapupuksa sa buhay.” Ipinapaliwanag ng talababa sa talatang ito na ang termino sa orihinal na wika para sa “buhay” ay nangangahulugang “buhay ng tao sa hinaharap sa pamamagitan ng pagkabuhay-muli.” Tutulong ito sa mga Saksi ni Jehova kapag nagtuturo sila sa mga interesado sa kanilang ministeryo.

Ang Fon remote translation office sa Abomey, Benin

Sinabi ni Brother Palle Bjerre, miyembro ng Komite ng Sangay sa Benin: “Maraming reperensiya sa Mateo sa mga publikasyon natin. Malaking tulong ang tumpak na saling ito ng Ebanghelyo ni Mateo sa pangangaral at pagtuturo ng mabuting balita. Nagpapasalamat tayo kay Jehova at sa sakripisyo ng translation team para mai-release ang aklat na ito ng Bibliya.”

Nagtitiwala tayo na tutulong ang release na ito sa ating mga kapatid na nagsasalita ng Fon na patuloy na pangalagaan ang kanila mismong espirituwal na pangangailangan at gayundin ang sa iba.—Mateo 5:3.