Pumunta sa nilalaman

Gusali ng Federal Supreme Court sa Brasília, Brazil

OKTUBRE 15, 2024
BRAZIL

Sinuportahan ng Korte Suprema ng Brazil ang Karapatan ng mga Pasyente na Pumili ng Paraan ng Panggagamot

Nagdesisyon ang Lahat ng Hukom sa Korte Pabor sa mga Saksi ni Jehova Tungkol sa Dalawang Kaso

Sinuportahan ng Korte Suprema ng Brazil ang Karapatan ng mga Pasyente na Pumili ng Paraan ng Panggagamot

Noong Setyembre 25, 2024, gumawa ng mahalagang desisyon ang Federal Supreme Court ng Brazil na sumusuporta sa karapatan ng mga adultong pasyente na tumangging magpasalin ng dugo at pumili ng panggagamot na hindi ginagamitan ng dugo. Iniutos din ng Korte na dapat tiyakin ng Ministry of Health na makukuha ng mga pasyente na tumatangging magpasalin ng dugo, dahil sa kanilang personal o relihiyosong paniniwala, ang medikal na pangangalaga na kailangan nila.

Ang desisyong ito ay may kaugnayan sa kaso ng dalawang Saksi ni Jehova sa Brazil. Noong 2018, pagkatapos tumanggi ni Sister Malvina Silvana na pirmahan ang isang form na magpapahintulot sa kaniyang mga doktor na salinan siya ng dugo sa kaniyang operasyon sa puso, kinansela ng ospital ang operasyon. Halos dalawang taóng naghintay si Malvina bago siya maoperahan nang hindi ginagamitan ng dugo.

Noong 2014, nakaiskedyul na operahan si Brother Heli de Souza. Pero ang ospital sa lugar nila ay walang kagamitan para sa pag-oopera nang walang pagsasalin ng dugo. Tinanggihan ng ospital ng gobyerno ang kahilingan ni Heli na lumipat sa ibang ospital na handang makipagtulungan at ooperahan siya base sa mga kahilingan niya ayon sa kaniyang paniniwala. Naghihintay pa rin si Heli sa operasyon niya. Problema ito ng maraming Saksi ni Jehova sa Brazil, pati na ang pagsasalin sa kanila ng dugo nang labag sa kanilang kalooban.

Si Sister Malvina Silva at Brother Heli de Souza

Nang banggitin ang desisyon, sinabi ng presidente ng Hukuman na si Justice Luís Roberto Barroso: “Ang karapatang tumangging magpasalin ng dugo dahil sa relihiyosong paniniwala ay karapatan ayon sa konstitusyon batay sa mga prinsipyo ng dignidad ng tao at kalayaang sumamba. Dahil dito, may kaugnayan sa karapatan sa buhay at kalusugan, may karapatan ang [mga Saksi ni Jehova] na tumanggap ng alternatibong panggagamot [at] may karapatan silang tumangging magpasalin ng dugo at gumawa ng sarili nilang desisyon.”

Hinihiling ng pinakahuling desisyong ito sa lahat ng korte sa Brazil na igalang ang desisyon ng pasyente tungkol sa paraan ng panggagamot. Ang desisyong ito ay katulad ng mga desisyon ng Korte Suprema sa ibang bansa, kasama na ang Australia, Canada, Japan, South Africa, at United States. Kahawig din ito ng desisyon ng Grand Chamber ng European Court of Human Rights noong Setyembre 17, 2024, na umoobliga sa 46 na bansa sa Europe na igalang ang desisyon ng pasyente.

Pagdinig sa Federal Supreme Court noong Setyembre 25, 2024

Nagpapasalamat tayo sa naging desisyon ng Federal Supreme Court sa Brazil tungkol sa paggalang sa personal na paniniwala ng lahat ng mamamayan nito at ang karapatan nilang magdesisyon tungkol sa paraan ng panggagamot.