Pumunta sa nilalaman

ABRIL 21, 2020
BALITA SA BUONG DAIGDIG

2020 Memoryal—JW.ORG

Pinakamaraming Bisita sa Opisyal Nating Website

2020 Memoryal—JW.ORG

Dahil sa COVID-19 at sa mga pagsisikap ng mga Saksi ni Jehova na mangaral sa panahon ng Memoryal, mas maraming tao na ang bumibisita sa website na jw.org para makakuha ng pampatibay at impormasyon mula sa Bibliya, pati na ng mga balita. Noong Marso, tumaas ang bilang ng mga bumibisita sa website nang mahigit 50 porsiyento kumpara sa nakaraang buwan, at nagkaroon ng bagong peak ang mga request para sa pag-aaral sa Bibliya.

Nang magsimula ang pandemic, unti-unting dumami ang mga bumibisita sa jw.org. Noong Pebrero, ang karaniwang bilang ng bumibisita sa website ay mga dalawang milyon bawat araw. Pero noong Marso, mahigit 3 milyon na ito bawat araw, at mahigit 4.5 milyon ang bumisita noong may mga update tungkol sa coronavirus. Noong Abril 7, 2020, araw ng Memoryal, mahigit pitong milyon ang bumisita sa website, na ang karamihan ay nanood ng espesyal na programa ng pang-umagang pagsamba at ng pahayag sa Memoryal.

Mga bumisita: Malaki ang itinaas ng bilang ng bumisita sa jw.org sa panahon ng pandemic, at ang pinakamataas ay mahigit pitong milyon noong araw ng Memoryal

“Kapag panahon ng Memoryal, marami ang bumibisita sa jw.org para malaman kung saan at kailan puwedeng dumalo ng Memoryal,” ang sabi ni Brother Clive Martin, na nangangasiwa sa MEPS Programming Department sa pandaigdig na punong-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova sa Warwick, New York. “Ngayong taon, dahil marami ang hindi makakapagtipon kasama ng kanilang kongregasyon, inilagay namin sa website ang 2020 espesyal na pahayag at pahayag sa Memoryal sa mahigit 500 wika. Milyon-milyon ang nag-download o nanood ng mga programang ito. Ipinapakita ng mataas na bilang ng mga bisita sa panahong ito ng krisis na malaking tulong ang jw.org sa pagbibigay ng pampatibay at tagubilin mula sa Bibliya, hindi lang para sa mga Saksi ni Jehova, kundi para din sa maraming iba pa.”

Mga download: Bilang ng download ng espesyal na pahayag (orange) at pahayag sa Memoryal (blue)

Marami sa mga bisita ang interesado sa kalusugan at pag-iwas sa sakit, pati na sa mga artikulo tungkol sa stress at pag-aalala. Marami rin ang naghahanap ng impormasyong mula sa Bibliya tungkol sa tanda ng mga huling araw at sa apat na mangangabayo ng Apocalipsis kabanata 6.

Dumami rin ang bilang ng request para sa pag-aaral sa Bibliya. Karaniwan na, mga 250 ang nagre-request bawat araw. Pero noong buwan ng Marso, tumaas ito nang 40 porsiyento at naging mga 350 bawat araw o halos 11,000 para sa buong buwan. Sa loob lang ng 48 oras—ang araw ng Memoryal at ang sumunod na araw—mahigit 1,000 request ang natanggap sa jw.org.

Sinabi ni Jesus na ang mga taong nakauunawa na kailangan nila ang Diyos ay magiging maligaya. (Mateo 5:3) Masaya tayong makita na marami ang lumalapit kay Jehova at sa kaniyang organisasyon para mapatibay sa mahirap na panahong ito.​—2 Corinto 1:3, 4.