MARSO 21, 2023
BALITA SA BUONG DAIGDIG
Isang Dekada Na ang JW.ORG—Bahagi 3
Ginagamit sa Ministeryo
Nabasa natin sa naunang mga bahagi ng seryeng ito kung paano ginamit ang jw.org para makapag-release ng mga video at publikasyon sa digital format, at makapagbigay ng tumpak na mga balita tungkol sa mga kapatid natin. Mababasa naman natin sa huling bahagi ng seryeng ito kung paano ginagamit ang jw.org sa gawaing pangangaral natin sa buong mundo.
Mga Wika: Nang i-release ang bagong disenyo ng website noong Agosto 2012, available lang ang home page nito sa 139 na wika. Noong Agosto 2014, nang may kampanya tayo sa pamamahagi ng tract para i-advertise ang website, naging available na ang website sa mahigit 500 wika. Kasama na rito ang 22 sign language. Ngayon, available na ang website natin sa mahigit 1,070 wika, kasama na ang mahigit 100 sign language.
Napapanahong mga Artikulo: Noong Oktubre 2019, binago ulit ang disenyo ng home page para i-feature ang isang pangunahing artikulo na may larawan at tatlo pang artikulo sa ilalim nito. Nakatulong ang disenyong ito para mas madaling makita ang impormasyon sa website na puwedeng gamitin sa ministeryo. Pagkatapos, gumawa ng paraan ang Writing at Art Department para mabilis na makagawa ng mga pangunahing artikulo at larawan na lalabas sa home page na tungkol sa pinakabagong mga pangyayari sa mundo. Halimbawa, ipinakita sa home page ang mga artikulo tungkol sa COVID-19 pandemic, digmaan sa pagitan ng Russia at Ukraine, at ang mga nagsilikas dahil sa digmaan.
Impormasyon Tungkol sa Amin: Nakakatulong ang jw.org para makita ng mga tao ang tumpak na impormasyon tungkol sa organisasyon at mga gawain natin. Itinuturo din nito sa mga tao kung paano nila makokontak ang mga Saksi ni Jehova kung gusto nilang matuto pa nang higit pa. Isang babaeng bingi ang nagpa-Bible study sa mga Saksi ni Jehova noong teenager pa siya, pero hindi na niya sila makontak nang lumipat siya. Gusto niyang magpa-Bible study ulit pero hindi pa siya nadadalaw ng mga Saksi sa bagong bahay na nilipatan niya. Naalala niya ang jw.org website at nag-request gamit ang online form para dalawin siya ng mga Saksi. Sa loob lang ng ilang araw, dalawang special pioneer ang dumalaw sa kaniya. Itinuloy niya ang Bible study at dumadalo na rin sa mga pulong. Nabautismuhan na siya at tinuturuan ang tatlong anak niya tungkol kay Jehova. Sabi niya: “Nagpapasalamat ako kay Jehova dahil sa website. Kung wala iyon, kailangan kong maghintay hanggang sa may makilala ulit akong Saksi.”
Habang pinapabilis ni Jehova ang pangangaral, nakakapagpatibay malaman na patuloy na nagbibigay ang organisasyon ni Jehova ng epektibong mga tool para tulungan ang mga interesado.—Isaias 60:22.
Mga video na dina-download kada buwan
Mga nagpupunta sa website kada buwan
Release ng opisyal na logo ng jw.org, Marso 2013
Naging available ang website sa sign language, Hulyo 2014
Ang binagong disenyo ng home page para madaling mapansin ng mga tao, Oktubre 2019
Release ng aklat na Masayang Buhay Magpakailanman, Enero 2021