Pumunta sa nilalaman

Si Brother Mark Sanderson, habang nagsasalita sa isang pantanging programa sa Warsaw, Poland

MAYO 3, 2022
BALITA SA BUONG DAIGDIG

“Panatilihing Matibay ang Kaugnayan Mo kay Jehova”

Pinatibay ng Espesyal na Programa ang mga Kapatid sa Ukraine at Poland

“Panatilihing Matibay ang Kaugnayan Mo kay Jehova”

Noong Abril 26, 2022, dumating sa Poland si Brother Mark Sanderson, isang miyembro ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova, para patibayin ang mga kapatid na naapektuhan ng digmaan sa Ukraine.

Mga kapatid sa Poland na nagtatrabaho sa Assembly Hall

Inanyayahan ang lahat ng kongregasyon sa Poland at Ukraine sa isang espesyal na programa na ginanap noong Abril 30, 2022. Sa Poland, kabilang sa mga inanyayahang manood ng programa sa Assembly Hall sa Warsaw ang mga nagsilikas mula sa Ukraine at ang mga nagsasagawa ng relief work. Tinatayang mahigit 250,000 sa Poland at sa Ukraine ang nakadalo sa programa kasama na ang mga nakakonekta sa pamamagitan ng videoconference.

“Inaalala kayo at ipinapanalangin ng mga kapatid sa buong daigdig,” ang sabi ni Brother Sanderson. “Sa pandaigdig na punong-tanggapan, ipinapanalangin ng mga kapatid ang mga kapatid sa Russia at Ukraine. Laman din sila ng panalangin sa mga miting ng Lupong Tagapamahala.” Tiniyak niya sa mga tagapakinig na “ang mahihirap na kalagayan ay hindi nangangahulugan na hindi kayo sinasang-ayunan ni Jehova. Nakikita niya kayo, minamahal niya kayo, at malapít siya lalo na sa mga napipighati.”

Isang grupo ng mga kapatid na inilikas mula sa Mariupol, Ukraine, habang nanonood ng pantanging programa

Sinabi pa ni Brother Sanderson: “Panatilihing matibay ang kaugnayan n’yo kay Jehova. Gusto nating hindi lang makaligtas, kundi gusto nating magkaroon ng mas matibay na pananampalataya at maging mas malapít kay Jehova pagkatapos maranasan ang mahihirap na kalagayan. Iyan ang itinuturo sa atin ni Jehova.”

Sinabi ni Serhiy, isang elder sa Odessa, Ukraine: “Sa nakalipas na mga linggo, hindi ako makatulog dahil sa pag-aalala, kalungkutan, at takot. Pero, napatibay ng [espesyal na programa] ang pananampalataya ko na nagmamalasakit si Jehova sa kaniyang bayan at gayundin sa bawat isa sa atin.”

Sinabi naman ni Tatiana, isang sister na lumikas mula sa Kyiv, Ukraine: “Ngayon, damang-dama ko na napakalapit sa akin ni Jehova. Parang niyayakap niya ako at ipinaparamdam ang pagmamahal niya sa akin. Nasaan man tayo, lagi nating kasama si Jehova.”

Mahal na mahal natin ang ating mga kapatid, at nagtitiwala tayo na ipinaalala sa kanila ng espesyal na programa ang “tapat na pag-ibig” ni Jehova sa kaniyang bayan.—Awit 136:1.