MARSO 13, 2014
BALITA SA BUONG DAIGDIG
Mga Saksi ni Jehova Naglabas ng Malaking Edisyon ng Nirebisang Bibliya
NEW YORK—Sa pagsisikap na maipaabot ang Bibliya sa pinakamaraming tao, ang mga Saksi ni Jehova ay naglabas ng malaking edisyon ng nirebisang New World Translation of the Holy Scriptures. Ang edisyong ito, na inililimbag sa Estados Unidos at Japan, ay magkakaroon ng kabuuang 424,000 kopya sa unang pag-iimprenta nito.
Inilabas ng mga Saksi ang regular na edisyon ng nirebisang New World Translation sa isang espesyal na miting na naka-broadcast sa 31 bansa noong Oktubre 5-6, 2013. Ang 2013 rebisyon ang pinakakomprehensibong pagbabagong ginawa sa saling ito mula noong 1984. Noong Oktubre 7, 2013, inilabas din ng mga Saksi ang saling ito ng Bibliya sa isang multiplatform app, ang JW Library, na nai-download na nang halos 1.4 milyong ulit. Ang nirebisang New World Translation ay available na rin sa iba’t ibang electronic format sa www.dan124.com.
Ang nirebisang New World Translation ay naglalaman ng halos 60,000 marginal reference, na tutulong sa mga mambabasa na mas maunawaan ang konteksto ng mga ulat sa Bibliya. Mayroon din itong makukulay na dayagram, mga mapa ng lupain sa Bibliya, at mga chart na nagpapakita ng pang-araw-araw na pamumuhay noong panahon ng Bibliya. Isang apendise ang nagpapaliwanag ng mga paksang gaya ng mga simulain sa pagsasalin ng Bibliya at ng kasaysayan kung paano isinulat at naingatan ang Bibliya.
Sa 1984 edisyon ng New World Translation, mga 7,000 ulit nang makikita sa mga teksto ang personal na pangalan ng Diyos. Pero sa 2013 rebisyon, makikita ang resulta ng pinakabagong pananaliksik tungkol sa mga paglitaw ng pangalan ng Diyos sa pinakamatatandang manuskrito ng Bibliya. Batay sa higit pang pagsusuri sa Dead Sea Scrolls at sa iba pang sinaunang manuskrito, makikita sa nirebisang New World Translation ang anim na karagdagang paglitaw ng banal na pangalan. Ang mga ito ay matatagpuan sa Hukom 19:18; 1 Samuel 2:25; 6:3; 10:26; 23:14; 23:16. Higit pang tinatalakay ng isang apendise ang paggamit sa banal na pangalan sa sinaunang manuskritong Hebreo at Griego, gayundin ang paglitaw nito sa mga salin ng Bibliya sa ilang diyalekto at wika ngayon.
Napakahaba na ng kasaysayan ng mga Saksi sa pag-iimprenta, pamamahagi, at pagsasalin ng New World Translation, na iginagalang ng mga iskolar dahil sa pagiging tumpak nito. Ang kumpletong teksto ng saling ito ay naging available sa Ingles noong 1961. Noong 1963, iniulat ng The New York Times na ang New World Translation ay magiging available sa anim pang wika, gaya ng ipinatalastas sa isang kombensiyon ng mga Saksi na idinaos sa Yankee Stadium. Mula noon, naisalin na ito ng mga Saksi sa mahigit 120 wika. Nitong nakaraang mga taon, ipinasiya ng New World Bible Translation Committee na rebisahin ang New World Translation para makasabay sa pagbabago ng wika at para linawin ang ilang pananalita sa Bibliya, nang sa gayo’y mas madali itong basahin at maunawaan. Mapapansin sa nirebisang New World Translation ang mga pinakabagong pagsulong na ito sa pagsasalin ng Bibliya.
“Masaya ang lahat nang makatanggap sila ng unang edisyon ng New World Translation mahigit 50 taon na ang nakararaan, pero mas masayang makatanggap ng pinakabagong nirebisang edisyon,” ang sabi ni J. R. Brown, isang tagapagsalita ng mga Saksi ni Jehova sa kanilang pandaigdig na punong-tanggapan. “Layunin namin na gawing madali para sa lahat na maunawaan ang Banal na Kasulatan, anupat gumagamit ng mga salitang tumpak, may dignidad, at napapanahon.”
Media Contact:
International: J. R. Brown, Office of Public Information, tel. +1 718 560 5000