AGOSTO 29, 2023
COLOMBIA
Ini-release ang Bagong Sanlibutang Salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan sa Wikang Wayuunaiki
Noong Agosto 18, 2023, ini-release ni Brother Giacomo Maffei, isang miyembro ng Komite ng Sangay sa Colombia, ang Bagong Sanlibutang Salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan sa Wayuunaiki sa “Maging Matiisin”! na Panrehiyong Kombensiyon sa Maicao, La Guajira, Colombia. May 265 dumalo. Mada-download na ang digital format nito. Available naman sa mga kongregasyon ang inimprentang edisyon sa 2024.
Ang Wayuunaiki ay sinasalita ng mahigit 700,000 tao, na kilala bilang mga Wayuu. Karamihan sa kanila ay nakatira sa rehiyon ng La Guajira sa Colombia at sa Zulia na hilagang estado ng Venezuela. Nagsimulang magsalin ang mga Saksi ni Jehova ng mga publikasyon sa Wayuunaiki noong 1998. Isang remote translation office ang nasa Riohacha, ang kabisera ng La Guajira. Mga 445 mamamahayag ang naglilingkod sa 17 kongregasyon at 4 na grupo na nagsasalita ng Wayuunaiki sa Colombia at Venezuela.
Bilang pasasalamat para sa Bagong Sanlibutang Salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan sa Wayuunaiki, sinabi ng isang brother, “Ang pagkakaroon ng isang tumpak na salin ng Bibliya sa wikang Wayuunaiki ay isang kahanga-hangang regalo mula sa ating Ama sa langit!” Sinabi pa ng isang brother, “Siguradong makakatulong ang salin na ito para maging mas malapít kay Jehova ang mga mambabasa.”
Tiyak na ang salin na ito ng Bibliya ay magpapasaya sa mga kapatid natin na nagsasalita ng Wayuunaiki at tutulong sa marami pang iba na makilala ang Diyos.—Mateo 5:3.