Pumunta sa nilalaman

SETYEMBRE 24, 2014
ERITREA

Pagkabilanggo Nang 20 Taon sa Eritrea—Matatapos Pa Ba?

Pagkabilanggo Nang 20 Taon sa Eritrea—Matatapos Pa Ba?

Dalawampung taon na ang nakakaraan, tatlong kabataang lalaki ang inaresto ng mga awtoridad sa Eritrea at ikinulong sa Sawa prison camp, kung saan nananatili sila hanggang ngayon. Hindi sila sinampahan ng kaso, ni binigyan man ng pagkakataong ipagtanggol ang kanilang sarili sa korte. Bakit sila basta na lang ibinilanggo?

Sina Paulos Eyasu, Negede Teklemariam, at Isaac Mogos ay mga Saksi ni Jehova na tumangging magsundalo dahil sa kanilang relihiyosong paninindigan. Kung kinasuhan sila ng “krimen” dahil sa pagtangging maglingkod sa militar, may takdang haba sana ang sentensiya sa kanila. Sa ngayon, si Paulos ay 41 anyos na, at sina Negede at Isaac naman ay parehong 38 anyos. Napagkaitan sila ng pagkakataong makapag-asawa at magpamilya, masuportahan ang kanilang nagkakaedad na mga magulang, o mamuhay nang malaya. Napagkaitan din silang sumamba kasama ng kanilang kapananampalataya.

Matapos arestuhin noong Setyembre 24, 1994, sina Paulos, Negede, at Isaac ay dumanas ng kalupitan, at ng torture pa nga, sa kamay ng mga awtoridad sa Sawa prison camp. Pero nitong nakaraang mga taon, hindi na sila pinagmamalupitan. Dahil determinado silang manatiling tapat sa kanilang relihiyosong paniniwala, nakamit nila ang respeto ng mga guwardiya sa bilangguan.

Masaklap na kalagayan ng iba pang Saksi na nakakulong

Sa Eritrea nakakaranas ng pinakamalupit na pag-uusig ang mga Saksi ni Jehova. Sa panahong isinusulat ang artikulong ito, 73 Saksi ang nakabilanggo na kinabibilangan ng mga babae, bata, at may-edad. Tinitiis ng marami ang hirap sa disyerto, kakulangan ng pagkain at tubig, at malupit na pagtrato ng mga warden. Tatlo pang Saksi ang mahigit 10 taon nang nakabilanggo sa Sawa, pero sina Paulos, Negede, at Isaac ang mga Saksing pinakamatagal nang nakabilanggo sa Eritrea.

Nananawagan ang buong mundo na itigil ng Eritrea ang pag-uusig

Alam na alam ng buong mundo ang malupit na pagtrato ng Eritrea sa mga Saksi ni Jehova at sa iba pang grupo ng relihiyon.

  • Taon-taon mula 2004, ang Eritrea ay itinuturing ng U.S. Department of State bilang isang “bansang dapat ikabahala,” na tumutukoy sa “anumang bansa na ang pamahalaan ay nakikisangkot o nangungunsinti sa planado, patuluyan, at lantarang paglabag sa kalayaan sa relihiyon.”

  • Nagpahayag ng pagkabahala ang United Nations Human Rights Council sa “tahasang paglabag ng mga awtoridad sa Eritrea sa karapatang pantao ng kanilang mga mamamayan at kababayan.” Nananawagan ito sa pamahalaan ng Eritrea na “igalang ang karapatan ng bawat isa sa kalayaan . . . ng pag-iisip, budhi at relihiyon o paniniwala.”

  • Sinabi ng U.S. Commission on International Religious Freedom sa Annual Report nito para sa taóng 2014: “Ang lalo nang apektado ng paglabag sa kalayaan sa relihiyon ay ang . . . mga Saksi ni Jehova.”

  • Sa 2013 World Report ng Human Rights Watch, sinabi nito na patuloy ang pag-aresto, pagditine, at pag-torture ng pamahalaan ng Eritrea sa mga miyembro ng mga relihiyong “di-kinikilala” at na ang “mga Saksi ni Jehova ang laging pinagdidiskitahan.”

  • Noong Disyembre 2005, pinagtibay ng African Commission on Human and Peoples’ Rights ang Resolution on the Human Rights Situation in Eritrea, na nanawagan sa Eritrea na “garantiyahan, sa lahat ng panahon, ang karapatan sa patas na pagdinig, kalayaan ng opinyon at pagpapahayag pati na ang karapatan sa mapayapang pagtitipon.”

Nagsalita si Philip Brumley, punong abogado ng mga Saksi ni Jehova, para sa mga Saksi sa buong mundo: “Umaasa kami na palalayain ng pamahalaan ng Eritrea ang lahat ng Saksing bilanggo, kabilang na ang tatlong kalalakihan na 20 taon nang nakakulong, at itigil na ang pag-uusig sa aming kapananampalataya.”