Pumunta sa nilalaman

Ang Munich Documentation Centre for the History of National Socialism (sa kanan) ay nag-host kamakailan ng isang espesyal na eksibit tungkol sa mga Saksi ni Jehova noong panahon ng Nazi. Itinayo ito sa mismong lugar ng dating punong-tanggapan ng partido ng Nazi.

PEBRERO 18, 2019
GERMANY

Isang Eksibit sa Munich Tungkol sa Pag-uusig ng Nazi sa mga Saksi ni Jehova

Ang Munich Documentation Centre for the History of National Socialism ay nagtampok ng 60 displey—mga dokumento at mga larawan—na nag-uulat ng pag-uusig ng Nazi sa mga Saksi ni Jehova.

Isang Eksibit sa Munich Tungkol sa Pag-uusig ng Nazi sa mga Saksi ni Jehova

Noong Setyembre 26, 2018 hanggang Enero 6, 2019, nag-host ng espesyal na eksibit ang Munich Documentation Centre for the History of National Socialism. Dinisenyo ito para malaman ng publiko ang mga naranasan ng mga Saksi ni Jehova noong panahon ng Nazi. Ang Centre ay nasa mismong lugar ng dating punong-tanggapan ng partido ng Nazi.

Sa pagbubukas ng programa, ipinaliwanag ni Dr. Hans-Georg Küppers, cultural advisor sa Munich, kung bakit nila ginawa ang eksibit na iyon: “Mahalaga ang eksibit na ito, dahil sa loob nang mahabang panahon, hindi alam ng mga tao na pinag-usig ng rehimeng Nazi ang mga Saksi ni Jehova. . . . Tunguhin ng eksibit na malaman ng publiko ang totoo tungkol sa mga biktimang ito.”

Ang makasaysayang ulat tungkol sa karanasan ng ating mga kapatid sa Munich sa ilalim ng rehimeng Nazi ay ipinakita sa 60 displey na punô ng kuwento tungkol sa lakas ng loob, katapatan, at tagumpay. Isang displey ang naglahad ng karanasan nina Martin at Gertrud Pötzinger, na inaresto at dinala sa magkahiwalay na kampong piitan mga ilang buwan lang matapos silang ikasal. Hindi sila nagkita nang siyam na taon. Pareho silang nakaligtas, at nang maglaon, naglingkod si Brother Pötzinger bilang miyembro ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova.

Pinatay ng Nazi si Therese Kühner noong Oktubre 6, 1944.

Isang displey naman ang nagpakita sa istorya ni Therese Kühner, na naging isa sa mga Saksi ni Jehova (dating International Bible Students) noong 1929. Nang ipagbawal sa Germany ang mga Saksi, nagsimula silang magpulong nang palihim sa bahay niya at patago rin siyang nag-imprenta ng mga literatura gamit ang isang mano-manong mimeograph machine. Nang madiskubre ito ng mga Nazi, inaresto siya at inakusahan ng “paglilimbag at pamamahagi ng literaturang laban sa gobyerno at nagpapahina ng loob ng mga sundalo.” Nanatiling tapat si Sister Kühner hanggang kamatayan. Siya ay pinatay noong Oktubre 6, 1944.

Ipinapakita naman sa iba pang displey ang pagiging neutral sa politika ng mga kapatid nating hindi sumaludo kay Hitler, na naging dahilan kung bakit pinuntirya sila ng rehimeng Nazi.

Noong 1934, nanata si Hitler na lilipulin niya ang mga Saksi ni Jehova. Sinabi niya: “Ang grupong ito ay malilipol sa Alemanya!” Tiniis ng mga Saksi ang malupit na pag-uusig habang isinasagawa ni Hitler ang kaniyang napakasamang plano. Wala na ngayon si Hitler at ang partido niya, pero ang mga kapatid natin ngayon sa Germany ay mahigit nang 165,000. Nagpapasalamat tayo kay Jehova na kapag nagdurusa tayo, binibigyan niya tayo ng pag-asa na “hindi mabibigo.”—Roma 5:3-5.