Pumunta sa nilalaman

Sina Franz at Hilda Kusserow na nakatayo sa likod ng kanilang 11 anak bago ang kamatayan ng dalawa nilang anak na lalaki, sina Wilhelm at Wolfgang (pangalawa at pampito mula sa kaliwa), na pinatay ng mga Nazi dahil sa pagtangging magsundalo udyok ng relihiyosong paniniwala

ENERO 25, 2022
GERMANY

Sinisikap Makuha ng mga Saksi ni Jehova ang Kusserow Archive

Sinisikap Makuha ng mga Saksi ni Jehova ang Kusserow Archive

Ngayon, iniulat ng The New York Times na sinisikap makuha ng Jehovas Zeugen in Deutschland a ang archive ng pamilyang Kusserow, na kasalukuyang nasa Bundeswehr Military History Museum sa Dresden, Germany. Ang Jehovas Zeugen in Deutschland ang legal na tagapagmana ng archive. At ang mas mahalaga, maitutuwid nito ang kawalang-katarungan na ginawa sa pamilya.

Malupit na pinag-usig ng gobyernong Nazi ang 13 miyembro ng pamilyang Kusserow dahil mga Saksi ni Jehova sila. Pinatay sina Wilhelm at Wolfgang dahil tumanggi silang maglingkod sa militar ng Nazi. Kaya sinabi ng bunso at tanging nabubuhay nilang kapatid na si Paul-Gerhard Kusserow: “Namatay ang mga kapatid ko dahil ayaw nilang maglingkod sa militar. Kaya hindi dapat ilagay ang pamanang ito sa isang museo ng militar.” Kaya naman para ituwid ang malaking pagkakamaling ito, sinisikap ng Jehovas Zeugen in Deutschland na makuha ang Kusserow archive sa museo.

Isa pa, may dokumento ang mga Saksi ni Jehova na nagpapatunay na ang archive na maingat na tinipon ni Annemarie Kusserow, ang panganay sa magkakapatid, ay ibinigay na niya sa Jehovas Zeugen in Deutschland. Ang archive ay binubuo ng 1,000 item na may kasamang mga larawan, drowing, mga liham ng pamamaalam bago ang pagpatay, mga kapahayagan ng parusang kamatayan, at mga report ng Gestapo. b

Namatay si Annemarie noong 2005. Nang maglaon, nalaman ng mga Saksi na nakuha ng Bundeswehr Military History Museum ang archive. Sinasabi ng museo na legal nilang binili ang archive sa isang miyembro ng pamilyang Kusserow—na hindi na Saksi ni Jehova at namatay na.

Sa loob ng halos pitong taon, ayaw makipagkasundo ng museo sa Jehovas Zeugen in Deutschland, kaya napilitan ang mga Saksi ni Jehova na idaan ito sa korte para makuha ang archive na legal na pagmamay-ari nila.

Kung makukuha ng mga Saksi ang archive, ididispley nila ito sa museo sa tanggapan sa Central Europe sa Selters, Germany. Doon, libreng makikita at malalaman ng libo-libong dumadalaw mula sa buong daigdig ang di-natitinag na pananampalataya ng pamilyang Kusserow. c

a Mga Saksi ni Jehova sa Germany (legal na korporasyon).

b German secret state police.

c Kasalukuyang suspendido ang mga tour dahil sa COVID-19. Pero bago ang pagkalat ng COVID-19, libo-libong Saksi ni Jehova at iba pang interesado mula sa buong daigdig ang dumadalaw sa museo taon-taon.