Pumunta sa nilalaman

Kaliwa sa itaas: Ipinapaliwanag ng isang kinatawan mula sa tanggapang pansangay sa Ghana ang isang bahagi ng exhibit. Kaliwa sa ibaba: Ang labas ng Ghana National Museum sa Accra, Ghana. Kanan: Ilang displey sa espesyal na exhibit

HUNYO 19, 2024
GHANA

Itinampok sa Ghana National Museum ang Gawaing Pagsasalin ng mga Saksi ni Jehova

Itinampok sa Ghana National Museum ang Gawaing Pagsasalin ng mga Saksi ni Jehova

Noong Abril 11 hanggang Hunyo 11, 2024, nagkaroon ng isang special exhibit sa Ghana National Museum sa Accra, Ghana, na pinamagatang “Promoting Literacy and Bible Education in the Native Languages of Ghana.” Mahigit 1,300 ang nagpunta sa exhibit.

Noong 1937, nagsimulang magsalin ang mga Saksi ni Jehova ng mga publikasyong batay sa Bibliya sa Ghana, na tinatawag noong Gold Coast. Sa ngayon, ang sangay sa Ghana ay nagsasalin ng mga literatura sa 12 wika sa bansa. Kasama sa exhibit ang mga video, publikasyon, at iba pang mga artifact para malaman ng mga tao kung ano na ang nagawa ng mga Saksi ni Jehova sa Ghana. Ipinakita rin doon kung gaano kadaling mahanap at magamit ang naisalin nang mga publikasyon sa jw.org.

Nakipagtulungan sa sangay ang Ghana National Museum at isang team ng apat na propesor mula sa University of Ghana para mabuo ang exhibit. Pinag-aralan ng mga propesor na ito ang paraan ng pagsasalin ng mga Saksi para matulungan ang mas maraming tao sa Ghana na matutong bumasa at sumulat at makapagsalin ng mga publikasyon sa mas marami pang wika sa bansa. Bilang bahagi ng kanilang research, pumunta ang isa sa mga propesor, si Dr. Araba Osei-Tutu, sa Pandaigdig na Punong-Tanggapan ng mga Saksi ni Jehova sa Warwick, New York, U.S.A. Nag-tour din ang team ng mga propesor sa tanggapang pansangay ng Ghana.

Kaliwa: Nagbibigay ng speech si Dr. Araba Osei-Tutu sa pagbubukas ng exhibit. Kanan: Displey ng literatura sa maraming wika sa Ghana

Sa speech ni Dr. Osei-Tutu sa pagbubukas ng exhibit, sinabi niya: “Malaki ang nagawa ng mga Saksi ni Jehova para matutong bumasa at sumulat ang mga tao sa ating lokal na mga wika. . . . Gusto kong samantalahin ang pagkakataong ito para . . . pasalamatan ang lahat ng nakikibahagi sa gawaing ito.”

Pagkatapos mag-tour sa exhibit, sinabi ni Professor Yaw Sekyi-Baidoo ng University of Education, Winneba: “Dati ko pa alam na magagaling magturo ang mga Saksi ni Jehova, pero mas humanga ako sa kanila nang malaman ko ang tungkol sa pagsasalin nila ng napakaraming publikasyon.”

Mga propesor mula sa University of Ghana, mga empleyado sa Ghana National Museum, at iba pang propesor, kasama ng ilang kapatid na tumulong sa exhibit

Sinabi naman ng isang tagapagsalita ng mga Saksi ni Jehova sa Ghana: “Nakakatuwang makita na pinapahalagahan ng mga tao ang magagandang epekto sa komunidad ng edukasyong ibinibigay ng bayan ni Jehova. Maliwanag na pinagpapala ni Jehova ang mga pagsisikap nating tulungan ang lahat ng uri ng tao na makilala siya.”—Juan 17:3.