HUNYO 19, 2023
GREECE
Ini-release sa Wikang Romany (Southern Greece) ang Aklat ng Mateo
Noong Hunyo 10, 2023, ini-release ni Brother Geoffrey Jackson, isang miyembro ng Lupong Tagapamahala, ang The Bible—The Good News According to Matthew sa wikang Romany (Southern Greece). Ini-release ang aklat na ito sa isang espesyal na programa sa sangay sa Piraeus, Greece. Mahigit 29,000 mula sa lahat ng kongregasyon sa Greece at Cyprus ang nakapanood ng programa via streaming. Pagkatapos ng programa, naging available ang aklat na ito sa digital format. Makakakuha rin ng inimprentang mga kopya ang mga kongregasyon sa susunod na mga buwan.
Mas mahirap ang pagsasalin sa wikang Romany (Southern Greece) kasi wala itong opisyal na mga tuntunin sa pagsasalita at pagsusulat. May 10 translator sa Romany (Southern Greece) translation team na nagtatrabaho sa sangay sa Greece. Tumutulong din ang ilang mga remote volunteer.
Pagkatapos basahin ang aklat ng Mateo sa wikang Romany (Southern Greece), sinabi ng isang sister: “Nakilala ko si Jehova nang may mag-Bible study sa akin sa wikang Griego. Naintindihan ko naman ang mga nabasa at narinig ko noon. Pero mas na-touch ako nang mabasa ko ito sa sarili kong wika, at lalo akong napakilos nito na isabuhay ang mga natututuhan ko.”
Sinabi pa ng isang sister: “Talagang nagustuhan ko ang pagkakasalin sa Mateo 26:38, 39 sa Romany (Southern Greece). Sa tekstong ’yon, sinabi ni Jesus sa mga alagad niya na ‘sukdulan ang kalungkutang nararamdaman niya.’ Nanalangin siya kay Jehova para magawa ang kalooban Niya. Ipinapakita ng mga talatang ’yon na okey lang na malungkot. Ipinaalala rin nito na dapat akong manalangin kay Jehova para makayanan ko ang mga problema. Natutuhan ko rin na magandang magsabi sa mga kapatid ng mga nararamdaman ko.”
Masaya tayo para sa mga kapatid natin sa Romany habang nakikinabang sila sa napakahalagang regalong ito, na tutulong sa kanila na maging mas malapít kay Jehova.—Santiago 4:8.