Pumunta sa nilalaman

ENERO 22, 2018
ISRAEL

Tema ng Exhibit sa Tel Aviv—Mga Saksi ni Jehova Noong Panahon ng Nazi

Tema ng Exhibit sa Tel Aviv—Mga Saksi ni Jehova Noong Panahon ng Nazi

TEL AVIV—Mula Nobyembre 26 hanggang Disyembre 2, 2017, mga 1,700 ang pumunta sa exhibit ng mga Saksi ni Jehova sa makasaysayang Hatachana compound. Ginawa ang exhibit para marami ang makaalam sa dinanas na hirap ng mga Saksi ni Jehova sa rehimeng Nazi.

May video footage at makasaysayang mga litrato na makikita sa exhibit, pati na isang replika ng unipormeng jacket sa concentration camp na mano-manong tinahi ng isang Saksing nakaligtas sa concentration camp. Ang pinakatampok sa exhibit ay ang kopya ng “The Buchenwald Series”—27 watercolor painting ni Johannes Steyer (1908-1998). Si Mr. Steyer ay isang Saksi ni Jehova na dumanas ng 10-taóng pag-uusig mula sa mga Nazi. Ibinilanggo siya sa mga concentration camp ng Buchenwald, Mauthausen, Sachsenburg, at Sachsenhausen. Noong dekada ’70, natapos niya ang kaniyang mga watercolor painting na batay sa mga litrato at alaala niya sa bilangguan.

Tinitingnan ng bisita ang replika ng unipormeng jacket sa concentration camp na mano-manong tinahi ng isang Saksing nakaligtas sa concentration camp.

Professor Emeritus Yair Auron

Nakita ni Yair Auron, isang historian na Israeli at professor emeritus sa Open University of Israel, na mahalaga ang ganitong exhibit sa Tel Aviv. Sinabi niya: “Sa tingin ko, napakahalagang makita ng mga kabataan sa high school ang exhibit na ito kasi kaunting-kaunti lang ang alam ng mga tao tungkol sa mga Saksi ni Jehova. Karamihan ng mga Israeli ay walang alam sa mga Saksi ni Jehova at sa naranasan nila noong panahon ng Nazi.”

Sinabi ni Mauro Trapanese, tagapagsalita ng mga Saksi ni Jehova sa Israel: “Sa tulong ng exhibit, gusto sana naming malaman ng mga tao hindi lang ang pagdurusa ng mga Saksi ni Jehova sa rehimeng Nazi kundi kung ano ang kakaiba sa karanasan nilang iyon. Halimbawa, hindi alam ng maraming nagpunta sa exhibit na puwede sanang makalaya ang mga Saksi ni Jehova sa mga concentration camp kung itatakwil nila ang relihiyon nila. Hindi inalok ng ganiyan ang ibang grupong ibinilanggo. Dahil naitampok ng exhibit ang simple pero mahalagang impormasyong gaya nito, masasabing naging matagumpay ito.”

Professor Gideon Greif

“Ang mga Saksi ni Jehova ay mababait na tao na pinag-usig at pinatay dahil tapat sila sa mga paniniwala nila at sa idinidikta ng konsensiya nila,” ang sabi ni Professor Gideon Greif, isang historian na nagpakadalubhasa sa kasaysayan ng Auschwitz.

Dr. Batya Brutin

Pagkatapos pumunta sa exhibit, sinabi naman ng Holocaust art historian na si Dr. Batya Brutin: “Kapag nalaman ng mga tao ang naging karanasan ng mga Saksi ni Jehova noong panahon ng Nazi, makikita nila kung ano ang mga katangiang kailangan natin para maging maayos ang mundong ito.”

Pagkatapos ng isang-beses na exhibit na iyon, ang mga kinatawan ng mga academic institution na pumunta rito ay humiling ng karagdagang impormasyon tungkol sa karanasan ng mga Saksi ni Jehova.

Media Contacts:

International: David A. Semonian, Office of Public Information, +1-845-524-3000

Israel: Mauro Trapanese, +972-54-568-1912