Pumunta sa nilalaman

Si Teymur Akhmedov bago mabilanggo

OKTUBRE 13, 2017
KAZAKHSTAN

Kazakhstan—Nagkasala ng Di-makatuwirang Pagkulong kay Teymur Akhmedov

Kazakhstan—Nagkasala ng Di-makatuwirang Pagkulong kay Teymur Akhmedov

Kinondena ng UN Working Group on Arbitrary Detention (WGAD) ang gobyerno ng Kazakhstan dahil sa pagbilanggo kay Teymur Akhmedov at nanawagan na palayain ito agad. * Sa desisyon nito na inilathala noong Oktubre 2, 2017, ipinasiya ng WGAD na nagkasala ang Kazakhstan ng abitrary detention, o di-makatuwirang pagkulong kay Mr. Akhmedov, na ibinilanggo mula noong Enero 18, 2017, dahil sa mapayapang pagsasabi ng kaniyang relihiyosong paniniwala sa iba.

Mga Konklusyon ng WGAD

Sa desisyon nito, ipinasiya ng WGAD na ang pagbilanggo kay Mr. Akhmedov ay maituturing na di-makatuwirang pagkulong. Nakita nito na ipinagkait ng gobyerno kay Mr. Akhmedov ang kalayaang isagawa ang kaniyang mahalagang karapatan sa kalayaan sa relihiyon at pagpapahayag, at ang karapatan sa patas na paglilitis, at na dumanas siya ng diskriminasyon dahil lang sa kaniyang relihiyosong gawain bilang isang Saksi ni Jehova.

Kinondena pa ng WGAD ang Kazakhstan dahil sa di-makatuwirang pag-aresto at pag-uusig kay Mr. Akhmedov. Sinipi nito ang naunang desisyon mula sa UN Human Rights Committee na tumutuligsa sa Kazakhstan sa ginawa nitong “malawak na pagpapakahulugan sa ideya ng ‘ekstremismo’ ... at ang paggamit sa gayong batas tungkol sa ekstremismo para labis na higpitan ang mga kalayaan sa relihiyon, pagpapahayag, kalayaang magtipon at magsama-sama.” Binanggit ng WGAD na ang batas na ito ay “isang seryosong banta sa lubos na pagtatamasa ng karapatan sa kalayaan sa relihiyon sa Kazakhstan” at na “ang kaso ni Mr. Akhmedov ang patunay nito.”

Sa kabaligtaran, paulit-ulit na inilarawan ng WGAD ang relihiyosong gawain ni Mr. Akhmedov bilang “lubusang mapayapa” at binanggit na ang kaniyang pakikipag-usap sa iba tungkol sa kaniyang relihiyon ay hindi nag-uudyok ng karahasan o relihiyosong pagkapoot. Idiniin ng WGAD na ang gobyerno ay “walang binanggit na halimbawa ng isang marahas na pagkilos ni Mr. Akhmedov o pag-udyok sa iba sa karahasan” at na “hindi ipinaliwanag [ng gobyerno] kung paanong ang mga pagtitipong kasama ng iba at ang mapayapang pag-uusap tungkol sa relihiyon ay maituturing na isang krimen.” Sinabi pa nito na “maliwanag sa Working Group na si Mr. Akhmedov ay nagsagawa lamang ng kaniyang karapatan sa kalayaan sa relihiyon sa ilalim ng article 18 ng Covenant.” *

Isa pa, iniugnay ng WGAD ang pagtrato ng gobyerno kay Mr. Akhmedov sa iba pang ebidensiya ng relihiyosong diskriminasyon ng mga awtoridad sa Kazakhstan laban sa mga Saksi ni Jehova. Nakumpirma ito nang ni-raid ng mga awtoridad ang dakong pinagtitipunan ng mga Saksi at kinumpiska ang relihiyosong mga literatura nang araw ding iyon na maaresto si Mr. Akhmedov.

“Maliwanag sa Working Group na si Mr. Akhmedov ay nagsagawa lamang ng kaniyang karapatan sa kalayaan sa relihiyon sa ilalim ng article 18 ng Covenant.”—Opinion, paragraph 39.

Dapat Kumilos ang mga Awtoridad sa Kazakhstan

Hiniling ng WGAD sa Kazakhstan na “gumawa ng kinakailangang hakbang para agad na malunasan ang sitwasyon ni Mr. Akhmedov.” Sinabi ng WGAD na ang angkop na lunas ay “palayain kaagad si Mr. Akhmedov at bigyan siya ng bayad-pinsala at iba pang danyos-perhuwisyo.” Hiniling din ng WGAD na baguhin ng Kazakhstan ang mga batas nito at gawain para maging kaayon ng internasyonal na mga obligasyon ng gobyerno, na hahadlang sa Kazakhstan na maulit nito ang mga pagkakamali sa maling pagtrato kay Mr. Akhmedov.

Noong Oktubre 13, 2017, ang mga abogado ni Mr. Akhmedov ay nagsampa ng apela sa Supreme Court ng Kazakhstan, na humihiling na ipatupad nito ang desisyon ng WGAD, pawalang-sala ang mga paratang laban sa kaniya, at ipag-utos ang agad na pagpapalaya sa kaniya.

Ang mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig ay nagpapasalamat na ang kaso ni Teymur Akhmedov ay kinilala sa mga bansa bilang isang kawalang-katarungan at na itinatampok nito ang pangangailangan para sa higit na paggalang sa kalayaan sa relihiyon sa Kazakhstan. Umaasa sila na ipatutupad ng gobyerno ng Kazakhstan ang desisyon ng WGAD at agad na palalayain si Mr. Akhmedov.