ABRIL 24, 2015
MEXICO
Bagong Sanlibutang Salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan sa Wikang Tzotzil, Inilabas sa Mexico
MEXICO CITY—Noong Disyembre 26-28, 2014, sa isang kombensiyon sa Tuxtla Gutierrez, Chiapas, inilabas ng mga Saksi ni Jehova ang Bagong Sanlibutang Salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan sa wikang Tzotzil. Ang “Patuloy na Hanapin Muna ang Kaharian ng Diyos!” na Panrehiyong Kombensiyon ay idinaos sa Tzotzil, isang wikang Mayan, at naka-hook-up sa isa pang lugar sa Comitan, Chiapas. Bukod sa Bibliya, ang 5,073 dumalo ay nakatanggap ng anim pang bagong publikasyon sa wikang Tzotzil.
Sinabi ni Gamaliel Camarillo, isang tagapagsalita ng mga Saksi ni Jehova sa Mexico: “Masayang-masaya kami nang ilabas ang Bagong Sanlibutang Salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan sa wikang Tzotzil. Gustong-gusto namin itong ibahagi sa mga kapuwa naming nagsasalita ng Tzotzil.”
Ayon sa Secretariat of Public Education for Mexico, ang wikang Tzotzil ay sinasalita ng mahigit 350,000 katao sa Baja California, Campeche, Chiapas, Oaxaca, at Veracruz. Para maibahagi ang mensahe ng Bibliya sa wikang Tzotzil, nag-set up ang mga Saksi ng isang remote translation office sa San Cristobal de las Casas, Chiapas, na binubuo ng 15 tagapagsalin. Noong 2002, inilabas ng mga Saksi ang kanilang unang publikasyon sa wikang Tzotzil. Sa ngayon, ang mga Saksi ni Jehova ay mayroon nang mahigit 60 publikasyon sa wikang Tzotzil na mada-download sa kanilang opisyal na website na jw.org.
Media Contacts:
International: J. R. Brown, Office of Public Information, tel. +1 718 560 5000
Mexico: Gamaliel Camarillo, tel. +52 555 133 3048