Pumunta sa nilalaman

NOBYEMBRE 14, 2013
PILIPINAS

Super Typhoon Haiyan, Hinagupit ang Gitnang Bahagi ng Pilipinas

Super Typhoon Haiyan, Hinagupit ang Gitnang Bahagi ng Pilipinas

MAYNILA, Pilipinas—Noong Nobyembre 8, 2013, hinagupit ng Super Typhoon Haiyan (tinawag na Yolanda sa Pilipinas) ang ilang bahagi ng Pilipinas. Isa ito sa pinakamalakas na bagyong naranasan ng bansa.

Noong Nobyembre 13, 2013, iniulat ng tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa Pilipinas na 27 Saksi na ang kumpirmadong namatay. Mahigit 100 bahay ng mga Saksi at 5 Kingdom Hall nila ang nawasak.

Ang Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova sa pandaigdig na punong-tanggapan sa Brooklyn, New York, ang nag-oorganisa sa pagpapadala ng tulong mula sa iba’t ibang bansa. Bilang bahagi ng kaayusang ito, ang tanggapang pansangay sa Pilipinas ay gumawa ng paraan para makapaghatid ng pagkain, tubig, gamot, at iba pang mga suplay sa mga apektadong lugar. Noong Linggo, Nobyembre 10, mga 10 van na punô ng suplay ang naipadala na. Kinabukasan, may mga trak pa na naghatid ng suplay.

Hindi pa nakaka-recover ang rehiyong ito mula sa 7.2-magnitude na lindol na yumanig sa Pilipinas noong Oktubre 15, 2013, na ikinamatay ng 218 katao. Ayon sa ulat, tatlong Saksi ni Jehova ang namatay dahil sa lindol, isa sa landslide at ang dalawa naman ay natabunan ng gumuho nilang bahay. Bago ang lindol, hinagupit ng Bagyong Nari (tinawag na Santi sa Pilipinas) ang Pilipinas noong Oktubre 12, 2013, na ikinasawi ng di-bababa sa 13 katao.

Ginamit ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova ang pondong nakalaan sa pambuong-daigdig na gawain para sa mga gastusin sa pagtulong sa mga biktima. Inalam din ng Lupong Tagapamahala ang pangangailangan para sa mga may-kasanayang boluntaryo, at nakipag-ugnayan sila sa iba’t ibang tanggapang pansangay para makapagpadala ng mga kuwalipikadong personnel na tutulong sa mga biktima ng kalamidad. Ang mga personnel na ito ay makikipagtulungan sa lokal na mga awtoridad at iba pang ahensiya.

Sinabi ni Dean Jacek, tagapagsalita ng mga Saksi ni Jehova sa Pilipinas: “Labis-labis ang aming pagdadalamhati sa dami ng namatay sa magkakasunod na kalamidad na iyon. Dahil sa laki ng pinsala at tindi ng trauma na dinanas ng mga biktima, kailangang-kailangan nila ngayon ang kaaliwan. Gagawin namin ang lahat para patuloy na makapaglaan ng materyal at espirituwal na tulong sa aming mga kaibigan at sa aming kapuwa.”

Media Contacts:

International: J. R. Brown, Office of Public Information, tel. +1 718 560 5000

Pilipinas: Dean Jacek, tel. +63 2 411 6090