Pumunta sa nilalaman

Mula kaliwa pakanan: Brother Aleksey Berchuk at ang asawa niya, si Anna; Brother Dmitriy Golik at ang asawa niya, si Kristina

MARSO 9, 2021
RUSSIA

Brother Aleksey Berchuk at Dmitriy Golik, Nahaharap sa Kasong Kriminal sa Blagoveshchensk

Brother Aleksey Berchuk at Dmitriy Golik, Nahaharap sa Kasong Kriminal sa Blagoveshchensk

UPDATE | Hindi Tinanggap ng Korte sa Russia ang Apela

Noong Setyembre 2, 2021, hindi tinanggap ng Amur Regional Court ang apela nina Brother Aleksey Berchuk at Dmitriy Golik. Hindi nagbago ang sentensiya kay Aleksey, pero binawasan ng 10 buwan ang kay Dmitriy. Mula sa pretrial detention, ililipat na sila sa bilangguan.

Korte sa Russia, Sinentensiyahan ang Dalawang Brother ng Ilan sa Pinakamahahabang Pagkakabilanggo Mula Noong 2017

Noong Hunyo 30, 2021, sinentensiyahan ng Blagoveshchensk City Court ng Amur Region sina Brother Aleksey Berchuk at Dmitriy Golik; walong-taóng pagkabilanggo kay Brother Berchuk, at pitong taon naman kay Brother Golik. Kamakailan, pito’t-kalahating-taon ang pinakamahabang sentensiya sa isang Saksi ni Jehova sa Russia mula nang ipagbawal ang organisasyon doon noong 2017. Mula sa korte, kinuha na ng mga awtoridad ang dalawang brother.

Profile

Aleksey Berchuk

  • Ipinanganak: 1975 (Kartaly, Chelyabinsk Region)

  • Maikling Impormasyon: Nagtrabaho sa konstruksiyon at isa ring karpintero. Nag-Bible study noong 1990’s. Inihinto ang paglalaro ng mararahas na sports at nag-e-enjoy ngayong maglaro ng soccer kasama ang mga kaibigan niya. Nabautismuhan noong 1998. Napangasawa si Anna noong 2008

Dmitriy Golik

  • Ipinanganak: 1987 (Tokhoy, Republic of Buryatia)

  • Maikling Impormasyon: Nagtatrabaho bilang translator ng Chinese-to-Russian. Mahilig magbuhat ng weights, maglaro ng soccer, at tumugtog ng gitara

    Nagsimulang mag-Bible study ang buong pamilya nila noong 1990’s. Nabautismuhan siya noong 2002. Nang tawagin siya para magsundalo, humiling siya ng alternatibong serbisyong pansibilyan. Inatasan siyang magtrabaho sa isang nursing home. Napangasawa niya si Kristina noong 2012. Magkasama silang nag-aaral ng English at Chinese para mapalawak ang kanilang ministeryo

Kaso

Noong mga unang buwan ng 2018, palihim na naglagay ang mga tauhan ng gobyerno ng CCTV sa bahay ni Brother Golik. Noong Hunyo 2018, ni-raid ng mga tauhan ng Federal Security Service (FSB) ang pitong bahay ng mga Saksi ni Jehova sa buong Blagoveshchensk. Kaya sina Brother Dmitriy Golik at Aleksey Berchuk ay sinampahan ng kasong kriminal. Inakusahan silang nag-oorganisa ng ekstremistang gawain.

Hindi agad ipinaalám kay Aleksey na sinampahan siya ng kasong kriminal. Noong Enero 21, 2019, idinitine siya sa passport control sa Domodedovo Moscow Airport. Pagkatapos, ibinalik si Aleksey ng isang senior FSB investigator sa sarili niyang bayan at pinagbawalang magbiyahe.

Sinabi ng dalawang brother na ito na napakahalaga ng paghahanda. Sinabi ni Dmitriy, “Magandang umasa na malaya nating masasamba si Jehova, pero dapat pa rin nating paghandaan ang pag-uusig.” Sinabi pa niya: “Siyempre, nakatulong ang praktikal na mga bagay na pinaghandaan ko. Pero mas importante ang espirituwal na paghahanda. Kapag pinag-uusig tayo, ang mahalaga ay tapat tayo sa Diyos, hindi kung gaano tayo katalino o kung gaano tayo kagaling magtago sa mga mang-uusig. Kayang-kayang taguan ni Jesus ang mga kaaway niya, pero hindi iyon ang layunin niya. Bilang mga alagad niya, hindi natin layunin na iwasan ang mga problema, kundi harapin ang mga ito nang may dignidad.”

Sinabi naman ni Aleksey: “Maling isipin na ‘Hindi ’yan mangyayari sa akin.’ Malinaw na ipinapahintulot ni Jehova na mangyari ang pag-uusig. Kung ihahanda mo na ang isip mo at may positibo kang saloobin, kapag nangyari na ’yon, mas madali mo na ’yong matatanggap at matitiis, habang umaasa sa tulong ni Jehova.”

Alam nating patuloy na madarama ng ating mga kapatid sa Russia, kasama na sina Aleksey, Dmitriy, at ang kanilang mga asawa, ang sinabi ng salmista: “Ang Diyos ang tumutulong sa akin; si Jehova ay kasama ng mga sumusuporta sa akin.”—Awit 54:3, 4.