MAYO 18, 2021
RUSSIA
Brother Andrey Stupnikov, Nagtitiwala kay Jehova Para Matiis ang mga Pagsubok
UPDATE | Hindi Tinanggap ang Apela ni Brother Stupnikov
Noong Setyembre 7, 2021, hindi tinanggap ng Krasnoyarsk Territory Court ang apela ni Brother Stupnikov. Pinagtibay ng korte ang hatol sa kaniya.
Noong Hunyo 3, 2021, sinentensiyahan ng Zheleznodorozhny District Court ng Krasnoyarsk si Brother Andrey Stupnikov ng anim-na-taóng pagkabilanggo. Mula sa hukuman, agad siyang ikinulong.
Profile
Andrey Stupnikov
Ipinanganak: 1973 (Norilsk, Krasnoyarsk Territory)
Maikling Impormasyon: Nag-aral ng engineering (oil and gas drilling). Napangasawa si Olga noong 1993. Pareho silang mahilig sa arts at mamasyal
Mula noong kabataan niya, gusto na niyang makilala ang Diyos. Nakakita siya ng mga kalupitan habang nakatira siya sa Chechnya noong unang digmaang Chechen. Naisip kung bakit nangyayari ang masasamang bagay at kung paano siya mapoprotektahan ng Diyos. Nag-Bible study sila ni Olga sa mga Saksi ni Jehova. Tuwang-tuwa silang malaman kung paano natutupad ang mga hula ng Bibliya at na ang Bibliya ang pinakamabuting patnubay para tulungan tayo sa mahihirap na panahon
Kaso
Noong Hulyo 3, 2018, inaresto ng mga agent ng Federal Security Service (FSB) si Brother Andrey Stupnikov sa Krasnoyarsk International Airport. Siya ang unang Saksi mula sa Krasnoyarsk na inaresto at kinasuhan. Kinabukasan, iniutos ng Zheleznodorozhny District Court ng Krasnoyarsk na ikulong si Andrey bago litisin.
Sinusulatan si Andrey ng asawa niyang si Olga para patibayin siya. Nag-alala si Andrey nang biglang wala na siyang natatanggap na sulat mula kay Olga. Pagkatapos, lalo pa siyang kinabahan kasi sabi niya: “Isang lalaki ang dumating at tinanong ako: ‘Ano’ng nangyari sa asawa mo? Alam mo ba?’” Di-nagtagal, naisip ni Andrey na hindi ibinibigay sa kaniya ng namamahala sa bilangguan ang mga sulat ni Olga. Sinabi ni Andrey: “Makakauwi na raw ako sa asawa ko kung makikipagtulungan ako sa kanila o aaminin kong nagkasala ako.” Nagtiwala si Andrey kay Jehova at hindi siya nakipagkompromiso. Pagkatapos magtiis nang walong buwan sa bilangguan, inilipat siya sa house arrest nang apat na buwan.
Noong Hulyo 2, 2019, pinalaya na siya mula sa house arrest. Pinagbawalan siyang magpadala o tumanggap ng sulat at gumamit ng Internet. Sinabi rin sa kaniya kung sino lang ang puwede niyang kausapin.
Habang hinihintay ang desisyon ng korte, isinasaisip at pinapahalagahan ni Andrey ang pag-aalay niya kay Jehova. Buong pagtitiwala niyang sinabi: “Ipinagmamalaki kong kilala ko si Jehova at kakampi ko siya.”
Nagpapasalamat tayo sa halimbawa ni Andrey na lubos na nagtitiwala sa tulong ni Jehova.—Awit 28:7.