ENERO 26, 2021
RUSSIA
Brother Artur Lokhvitskiy, Napapaharap sa Apat-na-Taóng Pagkabilanggo Matapos Halughugin ang Bahay Nila sa Birobidzhan
Iskedyul ng Paghatol
Sa Pebrero 2, 2021, a nakatakdang ibaba ng Birobidzhan District Court ng Jewish Autonomous Region ang hatol nito sa kaso ni Brother Artur Lokhvitskiy. Napapaharap siya sa apat-na-taóng pagkabilanggo.
Profile
Artur Lokhvitskiy
Ipinanganak: 1986 (Belgorodskoye, Jewish Autonomous Region)
Maikling Impormasyon: Namatay ang tatay ni Artur noong pitong taon siya. Isa siyang electrician at mahusay sa fire protection. Nakatanggap siya ng pagkilala dahil sa kasipagan niya sa trabaho
Noong bata si Artur, itinuro sa kaniya ng nanay niya na mahalin si Jehova. Nabautismuhan siya bilang Saksi ni Jehova noong 1998 sa edad na 11. Ikinasal sa asawa niyang si Anna noong 2018. Mahilig silang mag-travel at gumugol ng oras sa labas ng bahay
Kaso
Noong Mayo 2018, tatlong buwan pagkatapos ikasal sina Artur at Anna, hinalughog ng mga pulis ang bahay nila. Ang raid na ito ay kasama sa operasyon na tinatawag na “Araw ng Paghuhukom,” kung saan hinalughog ng 150 pulis ang 22 bahay ng mga Saksi ni Jehova. Hinalughog din ang bahay ng nanay ni Artur, si Irina. Noong Hulyo 31, 2019, sinampahan ng mga opisyal ng Federal Security Service (FSB) ng Birobidzhan ng kasong kriminal si Artur dahil sa diumano’y pakikisangkot sa ekstremistang gawain. Sinampahan din sina Anna at Irina ng hiwalay na mga kaso.
Dahil sa mga kasong isinampa sa kanila, nagkaproblema sa pinansiyal ang pamilya nila. Hindi rin pinapayagan si Artur ng awtoridad na ma-access ang account niya sa bangko. Tinatakot din siya ng employer niya na tatanggalin siya sa trabaho.
Ang imbestigasyon sa kaso ay nakaapekto sa araw-araw na rutin ng pamilya ni Artur. Sinabi niya: “Ang laki ng ipinagbago ng buhay namin. Hindi namin alam kung paano paplanuhin ang mga gagawin sa buong linggo (o kahit sa loob ng isang araw). Basta na lang kami ipinapatawag [ng mga pulis] kung kailan nila gusto. Kaya kailangan naming paulit-ulit na baguhin ang iskedyul namin.”
Nagpapasalamat sina Artur at Anna sa suporta ng mga kapananampalataya nila. Sinabi ni Artur: “Napakalaki ng naitulong ng mga kapatid sa amin sa emosyonal at espirituwal na paraan. . . . Hindi namin masabi kung gaano kami kasaya na kabilang kami sa bayan ni Jehova at na nabigyan kami ng pagkakataon na maipagtanggol ang pangalan ni Jehova sa mga pagdinig na ito! Talagang hindi pinapabayaan ni Jehova ang mga lingkod niya!”
Dahil sa patuloy na pananalangin at pag-aaral ng Bibliya, naging matibay at malakas ang loob ng pamilyang Lokhvitskiy. Pero hindi iyon naging madali. Matapos ang mga raid, naalala ni Artur, “Wala kaming kahit anong espirituwal na pagkain.” Kaya nag-alala si Artur kung paano na ang espirituwal na rutin ng pamilya nila. Pero naalala niya ang isang mahalagang katotohanan: “Hindi kami mapipigilan [ng FSB] na manalangin. Iyon agad ang ginawa namin. Talagang nakatulong sa amin ang panalangin.”
Sinagot agad ni Jehova ang mga panalangin nila at naglaan ng espirituwal na pagkain para makapagpatuloy sila sa kanilang espirituwal na rutin. Sinabi ni Artur: “Sinikap namin na magkaroon ng regular na iskedyul ng pampamilyang pagsamba, paghahanda sa pulong, at pagbabasa ng Bibliya bilang pamilya. Nakatulong ito para maging mas malapít kami sa isa’t isa, makita ang kamay ni Jehova, at manatiling positibo.”
Bukod sa pagbabasa at pag-aaral ng Bibliya, nakatulong din sa kanila ang pagbubulay-bulay sa mga pagpapala sa hinaharap. Sinabi ni Artur: “Lagi naming iniisip ang pag-asa sa hinaharap at ini-imagine ang sarili namin sa bagong sanlibutan.” Sinabi pa niya: “Gusto naming makasama sa paglilinis ng lupa, at pagkatapos ay sa pagtatayo. Napapalakas at napapatibay kami nito.”
Pero hangga’t hindi pa dumarating ang araw na iyon, laging pinag-iisipan nina Artur at Anna ang Hebreo 13:6, na nagsasabi: “Si Jehova ang tumutulong sa akin; hindi ako matatakot. Ano ang magagawa sa akin ng tao?” Sinabi ni Artur: “Kahit alisin ng awtoridad ang kalayaan namin, ang mga pulong, o ang pagkakataon na makasama ang isa’t isa, alam naming hindi nila kayang alisin ang pinakamahalaga para sa amin—ang kaugnayan namin kay Jehova, panalangin, at pag-asa sa hinaharap.”
a Posible pang magbago.