MAYO 20, 2021
RUSSIA
Brother Rustam Seidkuliev, Ipinakulong ng Korte sa Russia Nang Dalawa at Kalahating Taon
Ibinilanggo Dahil sa Kaniyang Pananampalataya sa Ikatlong Pagkakataon
UPDATE | Hindi Tinanggap ng Korte sa Russia ang Apela ni Brother Rustam Seidkuliev
Noong Agosto 5, 2021, hindi tinanggap ng Saratov Regional Court ang apela ni Brother Rustam Seidkuliev, pero ginawang 28 buwan sa halip na 30 buwan ang sentensiya sa kaniya. Malapit na siyang ilipat sa bilangguan mula sa pretrial detention, kung saan siya nakaditine mula nang mahatulan siya noong Mayo 20, 2021.
Noong Mayo 20, 2021, hinatulan ng Leninskiy District Court sa Saratov na nagkasala si Brother Rustam Seidkuliev at sinentensiyahan siyang makulong nang dalawa at kalahating taon. Ikinulong agad siya pagkatapos ng desisyon ng korte.
Profile
Rustam Seidkuliev
Ipinanganak: 1977 (Ashgabat, Turkmenistan)
Maikling Impormasyon: Pinalaki ng kaniyang nagsosolong ina. Nagpa-Bible study sa mga Saksi ni Jehova noong 1993. Pagkalipas ng dalawang taon, nag-Bible study na rin ang nanay niya. Bago mabautismuhan, dalawang beses na nakulong sa Turkmenistan dahil tumanggi siyang magsundalo udyok ng konsensiyang sinanay sa Bibliya
Natutuhan ang tungkol sa natupad na mga hula ng Bibliya at ang praktikal na payo ng Bibliya kaya nag-alay siya at nagpabautismo noong 1998. Lumipat ang pamilya niya sa Russia noong 2000 nang i-deport ang amain niya dahil sa pagiging Saksi ni Jehova
Isang construction worker at technician ng telepono. Noong 2001, nakilala niya si Yuliya na naging asawa niya. Mahilig sila sa bowling, picnic, at table tennis. Mula noong Setyembre 2019, sila na ang nag-aalaga sa mga magulang ni Rustam
Kaso
Noong Marso 2019, pinuntahan ng isang opisyal ng Federal Security Service (FSB) ang bahay ni Brother Rustam Seidkuliev at ng asawa niyang si Yuliya. Iniharang ng opisyal ang kotse niya sa driveway ng mag-asawa at magkahiwalay silang pinagtatanong. Pagkatapos, pinag-report sila sa opisina ng FSB para sa higit pang interogasyon.
Noong Pebrero 15, 2020, inaresto ng mga pulis sina Rustam at Yuliya sa isang shopping center. Idinitine si Rustam. Pagkatapos, ipinag-utos ng isang lokal na korte na i-house arrest siya. Pansamantala, inilipat muna siya sa isang institusyon sa loob ng dalawang buwan, at sa panahong iyon, hindi niya puwedeng makita ang asawa niya. Nang mailipat na siya sa bahay nila, hindi siya puwedeng gumamit ng Internet o iba pang anyo ng komunikasyon sa mga nasa labas ng bahay niya. Pitong beses na na-extend ang house arrest ni Rustam, at lahat-lahat, umabot nang 217 araw ang house arrest niya.
Iba’t bang problema ang naranasan ni Rustam habang naka-house arrest siya. May mga panahon na pinapayagan lang siyang maglakad sa pagitan ng alas 9:00 n.u. at alas 11:00 n.u. Sa ibang panahon naman, hindi man lang siya puwedeng lumabas para maglinis ng bakuran o kumpunihin ang tumutulong bubong. Sinabi niya kung paano niya napanatili ang isang positibong saloobin: “Dahil naka-house arrest ako, marami akong panahon para manalangin at magbulay-bulay ng mga katotohanan sa Bibliya. At dahil abala ako sa pagpaplano ng mga gagawin ko, hindi ako na-depress o nainis. Alam kong mas mahirap pa ang kalagayan ng ibang kapatid kasi nasa kulungan sila.”
Napalakas din si Rustam ng mga napagdaanan niyang pagsubok. Naalala niya noong nakakulong siya sa Turkmenistan: “Maraming beses na akong natulungan ni Jehova, lalo na nang makulong ako noong kabataan ako. Nakatulong iyon sa akin na lubusang magtiwala kay Jehova at manatiling kalmado.”
Patuloy na ginagawa ni Rustam ang buo niyang makakaya para paglingkuran si Jehova. Sinabi niya: “Huwag nating pabayaan ang mga pulong o ang espirituwal na rutin natin. At huwag nating hayaang maagaw ng mga panggambala ang limitadong panahon natin para sa pagpapatotoo at pagpapatibay sa mga kapatid. Determinado akong patuloy na paglingkuran si Jehova nang buong makakaya ko, saanman niya ako gustong maglingkod, dahil kaunting-kaunting panahon na lang ang natitira.”
Nagtitiwala tayo na patuloy na bibigyan ni Jehova ang ating tapat na mga kapatid sa Russia “ng bawat mabuting bagay para magawa . . . ang kalooban niya.”—Hebreo 13:21.