HULYO 5, 2019
RUSSIA
Korte sa Russia—Hinatulang Nagkasala si Brother Aleksandr Solovyev
Noong Huwebes, Hulyo 4, 2019, ibinaba ng Ordzhonikidzevskiy District Court sa Perm’ ang hatol kay Brother Aleksandr Solovyev at pinatawan siya ng multang 300,000 ruble ($4,731 U.S.).
Inaresto si Brother Solovyev noong gabi ng Mayo 22, 2018, sa isang istasyon ng tren pagdating niya mula sa ibang bansa kasama ang asawa niyang si Anna. Pinosasan ng mga pulis si Brother Solovyev at dinala siya sa isang detention center. Isinama rin ng mga pulis si Sister Solovyev at isinakay sa bukod na sasakyan. Magdamag na hinalughog ng mga pulis ang apartment nila at kumuha ng mga litrato, gadyet, at koleksiyon nila ng Bibliya.
Matapos pagtatanungin, pinakawalan si Sister Solovyev at hindi na kinasuhan. Pero sinampahan ng kasong kriminal si Brother Solovyev, at noong Mayo 24, inilagay siya sa house arrest hanggang Nobyembre 19, 2018. Habang naghihintay ng paglilitis, binigyan siya ng ilang restriksiyon.
Mag-aapela ang mga abogado ni Brother Solovyev. Nagsumite na rin sila ng aplikasyon sa United Nations Working Group Against Arbitrary Detention.
Kahit tumitindi ang pag-uusig sa mga lugar gaya ng Russia, ‘hindi tayo natatakot sa mga kalaban natin.’ Nagtitiwala tayo na patuloy na ibibigay ni Jehova ang kailangan natin para makapagtiis tayo hanggang sa dumating ang kaligtasan natin.—Filipos 1:28.