PEBRERO 14, 2024
RUSSIA
Pinalaya sa Bilangguan sa Russia ang 71-Anyos na si Brother Vilen Avanesov
Noong Pebrero 9, 2024, pinalaya si Brother Vilen Avanesov mula sa pagkakabilanggo nang halos limang taon. Naaresto si Vilen noong Mayo 2019. Nahatulan siya ng anim-na-taóng pagkabilanggo noong Hulyo 29, 2021. Dahil nakulong na siya bago pa litisin, hindi na niya kailangang buoin ang anim-na-taóng sentensiya sa kaniya. Naaresto rin ang anak niyang si Arsen at nakulong kasabay niya. Nakakulong pa rin si Arsen.
Bago mapalaya si Vilen, sinabi ng asawa niyang si Sister Stella Avanesova: “Napakahirap para sa aming lahat ang unang dalawa at kalahating taon na nakakulong siya habang naghihintay ng paglilitis. Alalang-alala ako. Hindi kami puwedeng makipag-usap kay Vilen, kahit sa sulat man lang. Isa pa, nang makulong ang asawa’t anak ko, inisip ko kung paano ko tutustusan ang pangangailangan ng pamilya namin.”
Sa kabila nito, damang-dama nina Vilen at Stella ang tulong ni Jehova. Sinabi ni Stella: “Sinabi sa akin ni Vilen na tuwing dadalhin siya sa korte para sa paglilitis ng kaso niya, nandoon ang mga kapatid. Para sa kaniya, patunay iyon ng pag-ibig ni Jehova. Hindi rin ako pinapabayaan ni Jehova. Lagi niyang tinitiyak na mayroon ako ng lahat ng kailangan ko. Kumbinsidong-kumbinsido ako na tinutulungan ni Jehova ang mga nagtitiwala sa kaniya.”
Masaya tayo para kina Vilen at Stella dahil magkasama na sila ulit. At patuloy nating ipapanalangin ang anak nilang si Arsen at ang lahat ng kapatid na nasa bilangguan pa. Sigurado tayo na patuloy na magiging liwanag, kaligtasan, at moog si Jehova sa lahat ng tapat sa kaniya.—Awit 27:1.