Pumunta sa nilalaman

Si Sister Lyudmila Ponomarenko

ABRIL 15, 2021
RUSSIA

Tapat na Nagtitiis ng Paglilitis ang 70-Taóng-Gulang na si Sister Lyudmila Ponomarenko

Tapat na Nagtitiis ng Paglilitis ang 70-Taóng-Gulang na si Sister Lyudmila Ponomarenko

Iskedyul ng Paghatol

Malapit nang ilabas ng Leninskiy District Court ng Rostov-on-Don ang hatol nito sa kaso ni Sister Lyudmila Ponomarenko. a

Profile

Lyudmila Ponomarenko

  • Ipinanganak: 1950 (Ola, Magadan Region)

  • Maikling Impormasyon: Nagtrabaho bilang electrician sa isang pabrika bago nagretiro. May dalawang anak na babae at dalawang apo. Mahilig magbasa at maggantsilyo. Inaalagaan niya ang asawa niya na may sakit

  • Tuwang-tuwa siya nang malaman niya na may personal na pangalan ang Maylalang. Nakaantig din sa puso niya ang layunin ng Diyos para sa lupa at sa tao. Nabautismuhan bilang Saksi ni Jehova noong 1998

Kaso

Noong Hunyo 6, 2019, sinampahan ng kasong kriminal si Sister Lyudmila Ponomarenko. Akusado siya dahil sa paglalaan ng lugar para sa relihiyosong pagtitipon ng isang “ekstremistang” organisasyon at sa pagsasabi sa iba ng mensahe ng Bibliya.

Inaasahan ni Lyudmila na pag-uusigin din siya gaya ng iba pang mga kapatid sa Russia. Sabi niya: “Nang pag-usigin nila ang mga kapatid sa Moscow at sa lunsod ng Taganrog, naging malinaw sa akin na darating ang panahon na ang lahat ay pag-uusigin din.”

Dahil sa mga restriksiyon sa COVID-19, hindi makapunta ang ibang mga Saksi sa paglilitis para suportahan at patibayin ang mga kapatid. Ganito ang sabi ni Lyudmila tungkol sa sitwasyong iyon: “Nag-alala ako na baka mag-isa lang ako sa korte sa panahon ng paglilitis, kaya ugali ko nang kumanta nang mahina ng mga awiting pang-Kaharian at manalangin kay Jehova papunta sa korte. Talagang napatibay ako nito. Kalmado lang ako habang nagaganap ang paglilitis sa korte, at mabilis lang na lumilipas ang oras.”

Ikinuwento rin ni Lyudmila ang epekto nito sa kaniyang asawa at dalawang anak na babae, na hindi mga Saksi. “Hindi nila maintindihan kung bakit ako nililitis. Nag-aalala sila kasi naaapektuhan nito ang kalusugan ko,” ang sabi niya. “Pero sa paglipas ng panahon, nakita ng pamilya ko na hindi tama ang [sitwasyong ito] at natitiis ko ito sa [tulong nila].”

Masigasig pa rin siya kahit pinag-uusig siya. Sinabi niya: “Masayang-masaya ako dahil hindi ako natatakot sa nangyayari sa akin ngayon, o sa mangyayari sa hinaharap ayon sa mga hula sa Bibliya. Lalo lang akong nagiging malapít kay Jehova. Naging mas makabuluhan ang mga panalangin ko, mas mahaba, mas personal.”

Alam natin na patuloy na tatanggap si Sister Ponomarenko ng espiritu ni Jehova at na lagi siyang nasa ilalim ng proteksiyon ng “lilim ng Makapangyarihan-sa-Lahat.”—Awit 91:1.

a Hindi laging ipinapaalám kung kailan ang petsa ng paghatol ng korte.