OKTUBRE 14, 2016
RUSSIA
Ibinasura ng Korte sa Russia ang Apela ng mga Saksi Laban sa Babala
Noong Oktubre 12, 2016, ibinasura ng Tverskoy District Court ng Moscow ang apela ng mga Saksi na kumukuwestiyon sa legalidad ng babala ng Prosecutor General laban sa Administrative Center, na matatagpuan malapit sa St. Petersburg. Binabanggit sa babala, na may petsang Marso 2, 2016, na ang ilang lokal na relihiyosong organisasyon ng mga Saksi ni Jehova, hindi ang Administrative Center mismo, ay diumano’y sangkot sa “ekstremistang gawain.” Dahil iyon ang sentro ng gawain ng mga Saksi ni Jehova sa Russia, sinasabing dapat panagutan iyon ng Administrative Center. Ang totoo, ang ipinaparatang na “ekstremistang gawain” ay resulta ng gawa-gawang ebidensiya at di-totoong testimonyo na isinaayos ng lokal na mga awtoridad. Sa paglilitis, hindi pinahintulutan ng hukom ang mga akusado na magharap ng mga testigo o mga video recording na magpapatunay na ang diumano’y ekstremistang literatura ay sadyang ‘itinanim’ sa mga lugar ng pagsamba ng mga Saksi ni Jehova.
Iaapela ng mga Saksi ang desisyong ito sa Moscow City Court. Kung magdedesisyon ang korte laban sa kanila, puwede nang ipatupad ang babala ng Prosecutor General, na posibleng mag-alis sa kalayaan sa pagsamba ng mga Saksi ni Jehova sa buong Russia. Bilang resulta ng di-paborableng desisyong ito at ng bagong gawa-gawang ebidensiya ng “ekstremistang gawain” ng lokal na mga komunidad ng mga Saksi ni Jehova, maaari nang simulan ng Prosecutor General ang paglilitis sa korte para ipasara at buwagin ang Administrative Center.