MAYO 7, 2018
RUSSIA
Nagpasiya ang Saint Petersburg City Court Laban sa mga Saksi ni Jehova sa Kaso Tungkol sa Property
Noong Mayo 3, 2018, ibinasura ng Saint Petersburg City Court ang apela na isinampa ng mga Saksi ni Jehova para hindi makumpiska ng Estado ang kanilang pambansang tanggapan sa Solnechnoye. Ang desisyon ay ipinatutupad na ngayon, at maaaring kunin ng Estado ang property anumang oras.
Sinusuportahan ng desisyong ito ang naunang pasiya ng Sestroretskiy District Court na ipinahayag na walang-bisa ang 17-taóng kontrata na naglilipat ng pagmamay-ari ng Solnechnoye property sa Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania. Dahil sa pagpapawalang-bisa sa kontrata, maaaring igiit ng korte na ang Administrative Center ng mga Saksi ni Jehova sa Russia ang siyang may-ari ng property. Kaya puwedeng kumpiskahin ng Estado ang property dahil ang Administrative Center ay binuwag ng Supreme Court noong Abril 2017. Dahil sa di-patas na “pangangatuwiran” ng gobyerno na nagpapalabas na ito’y legal, puwede nitong kumpiskahin ang property.
Si Philip Brumley, General Counsel para sa mga Saksi ni Jehova ay nagsabi: “Ang desisyong ito ay lantarang pagkabigo ng katarungan. Ang property ay inialay sa Diyos at ginamit para sa mapayapang relihiyosong gawain ng mga Saksi ni Jehova sa Russia. Kinukuha ito ng gobyerno, at idudulog namin ang kawalang-katarungang ito sa European Court of Human Rights.”