Pumunta sa nilalaman

HUNYO 21, 2017
RUSSIA

Video Tungkol sa Pag-raid ng mga Awtoridad ng Russia sa Mapayapang Relihiyosong Pagtitipon

Video Tungkol sa Pag-raid ng mga Awtoridad ng Russia sa Mapayapang Relihiyosong Pagtitipon

NEW YORK—Sa isang video kamakailan na ipinalabas sa glavny.tv, isang news agency sa Central Federal District of Russia, makikitang niri-raid ng armadong mga opisyal ng pulis ng Russia at mga agent ng Federal Security Service (FSB) ang mapayapang relihiyosong pagtitipon ng mga Saksi ni Jehova sa Oryol, Russia, noong Mayo 25, 2017.

Ni-raid ng armadong mga awtoridad ng Russia ang mapayapang pagtitipon sa pagsamba ng mga Saksi ni Jehova sa Oryol, Russia, noong Mayo 25, 2017.

Makikita sa video si Dennis Christensen, isang mamamayan ng Denmark, na mahinahong nakikipag-usap sa mga awtoridad. Inaresto siya sa raid na iyon at ikinulong bago pa man siya litisin.

Si Dennis Christensen, isang mamamayan ng Denmark at isang elder sa kongregasyon, ay makikitang nakikipag-usap sa mga awtoridad. Ikinulong siya ng FSB mula noong Mayo 25, 2017.

Si David A. Semonian, isang tagapagsalita para sa mga Saksi ni Jehova sa kanilang pandaigdig na punong-tanggapan, ay nagsabi: “Malinaw na ipinakikita ng video na ito ang mapayapang paggawi ng mga Saksi ni Jehova, sa kabila ng pananakot ng mga awtoridad upang pahintuin ang kanilang pag-uusap tungkol sa Bibliya. Ang kakila-kilabot na panghihimasok na ito sa kalayaan ng pagsamba ay magpapatuloy malibang baligtarin ng Supreme Court ng Russia ang di-makatarungang desisyon nito laban sa mga Saksi ni Jehova. Labis din naming ikinababahala ang kalagayan ng aming kapuwa mananamba, si Dennis Christensen, na hindi pinayagang dalawin o tawagan sa telepono ng kaniyang asawa. Umaasa kami na palalayain siya sa di-makatarungang pagkakulong sa lalong madaling panahon.”

Media Contact:

David A. Semonian, Office of Public Information, +1-845-524-3000