HULYO 1, 2014
RUSSIA
Itinaguyod ng European Court of Human Rights ang Karapatan ng mga Saksi ni Jehova sa Russia na Magtipon Para sa Pagsamba
Noong Hunyo 26, 2014, kinatigan ng European Court of Human Rights (ECHR) ang mga Saksi ni Jehova at ang kanilang kalayaang sumamba nang di-pinakikialaman ng mga awtoridad sa Russia. Sa nagkakaisang desisyon nito, natuklasan ng Korte na nilabag ng Russia ang Article 5 (karapatan sa kalayaan at seguridad) at Article 9 (kalayaan ng pag-iisip, budhi, at relihiyon) ng European Convention on Human Rights (Convention) nang ilegal na ni-raid ng mga pulis ang isang relihiyosong pagtitipon noong gabi ng Abril 12, 2006.
Nang gabing iyon, ang mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig ay nagtipon para sa kanilang taunang pag-alaala sa kamatayan ni Jesu-Kristo. Dalawang kongregasyon sa Moscow ang umupa ng isang awditoryum ng paaralan para sa espesyal na pagtitipong ito na inaasahan nilang dadaluhan ng mahigit 400 mananamba. Habang nagaganap ang pagtitipon, dumating ang mga riot police na sakay ng 10 sasakyan ng pulis at 2 minibus, kasama ang isang armadong yunit ng Special Police Force (OMON) at napakaraming unipormadong pulis. Agad nilang hinarangan ang gusali at pinahinto ang pagtitipon kahit wala silang warrant. Pinaalis nila sa gusali ang lahat ng naroroon, saka nila hinalughog ang awditoryum, kinumpiska ang mga relihiyosong babasahin, at puwersahang dinala at idinitine sa lokal na istasyon ng pulis ang 14 sa mga lalaking dumalo. Isang abogado na kinontak para kumatawan sa mga Saksing nakaditine ang dumating sa istasyon ng pulis para tulungan sila. Kinapkapan siya ng mga pulis, itinulak sa sahig, tinutukan ng patalim sa leeg, at pinagbantaan na kung magsasampa siya ng reklamo, may mangyayaring di-maganda sa pamilya niya. Pagkatapos nang halos apat na oras, pinalaya ang mga nakaditine at pinayagang umuwi.
Si Nikolay Krupko, kasama ang tatlo pang Saksi na idinitine, ay nagsampa ng kaso laban sa mga awtoridad dahil sa ilegal na pagpapahinto sa pagtitipon at di-makatarungang pagdiditine sa kanila. Nang tanggihan ng Lyublino District Court at ng Moscow City Court ang kanilang reklamo, nagsumite sila ng petisyon sa ECHR noong Hunyo 2007.
Sa Hunyo 26 na desisyon nito na pinamagatang Krupko and Others v. Russia, sinabi ng ECHR: “Nanghahawakan ang Korte na, kahit sa mga kaso kung saan hindi naipagbigay-alam sa mga awtoridad ang tungkol sa isang pampublikong pagtitipon pero ang mga kasali rito ay hindi naman banta sa katahimikan ng lipunan, ang pagbuwag ng mga pulis sa mapayapang pagtitipon ay hindi maituturing na ‘kailangan sa isang demokratikong lipunan.’ ... [Lalo na] itong kapit sa kalagayan ng kasalukuyang kaso kung saan ang pagtitipong tinutukoy ay hindi naman isang magulong pagtitipon sa labas kundi isang mapitagang relihiyosong seremonya sa isang bulwagan at hindi naman nakagagambala ni banta man sa katahimikan ng lipunan. Ang pakikialam ng napakaraming armadong riot police para pahintuin ang seremonya, kahit pa ipinapalagay ng mga awtoridad na ilegal iyon dahil hindi naipagbigay-alam sa kanila nang patiuna, na sinundan ng pag-aresto sa mga lalaking ito at ng kanilang tatlong-oras na pagkaditine, ay di-makatuwiran bilang pangangalaga sa katahimikan ng lipunan.”
Ito na ang ikaapat na desisyon laban sa Russia dahil sa paglabag sa mga karapatan ng mga Saksi ni Jehova. Sa isang desisyon nito noong 2007 na pinamagatang Kuznetsov and Others v. Russia, ipinasiya ng ECHR na nilabag ng Russia ang Convention nang ilegal na pahintuin ng lokal na mga awtoridad ang isang pagtitipon sa Chelyabinsk ng mga Saksing may diperensiya sa pandinig. Noong 2010, humatol ang ECHR laban sa Russia sa kasong Jehovah’s Witnesses of Moscow v. Russia, kung saan ilegal na binuwag at ipinagbawal ng Moscow City Prosecutor’s Office ang legal na korporasyon ng mga Saksi sa Moscow. Noong 2013, ipinasiya ng ECHR sa Avilkina and Others v. Russia na nilabag ng Russia ang mga karapatan sa privacy nang ipag-utos ng St. Petersburg City Prosecutor’s Office na isiwalat ang kompidensiyal na impormasyong medikal.
Ang mga desisyon ng ECHR ay karagdagang katibayan na ang mga awtoridad sa Russia, sa pagtatangkang supilin ang pagsamba ng mga Saksi ni Jehova roon, ay lumabag sa mga karapatang ginagarantiyahan ng Constitution of the Russian Federation at ng Convention.