Pumunta sa nilalaman

HULYO 2, 2013
RUSSIA

Karapatan sa Privacy ng mga Saksi ni Jehova Pinrotektahan ng European Court

Karapatan sa Privacy ng mga Saksi ni Jehova Pinrotektahan ng European Court

NEW YORK—Noong Huwebes, Hunyo 6, 2013, inutusan ng European Court of Human Rights (ECHR) ang Russia na magbayad ng danyos-perhuwisyo na 5,000 euro ($6,622) kina Ms. V. Zhukova at Ms. Y. Avilkina. Basta na lang kinuha ng mga opisyal sa Russia ang medical record nina Ms. Zhukova at Ms. Avilkina nang walang pahintulot ng mga ito. Nagdesisyon ang Korte na ito ay paglabag sa karapatan sa privacy, na itinuturing nilang isang “napakahalagang prinsipyo” na aprobado ng European Convention.

Ito ang naging desisyon ng Korte matapos ang mahigit limang-taóng paglilitis. Noong 2007, inutusan ng isang Deputy City Prosecutor sa St. Petersburg ang mga pagamutan sa lunsod na ipadala sa kaniya ang “rekord ng mga Saksi ni Jehova na tumangging magpasalin ng dugo o ng mga sangkap nito”—nang hindi man lang ipinagbibigay-alam o humihingi ng pahintulot sa pasyente. Kaya noong Marso 9, 2009, isinumite ng mga Saksi sa ECHR ang aplikasyong Avilkina and Others v. Russia. Ayon sa desisyon ng Korte, ang ginawang ito ng Russia ay isang “paniniil” at pinagtibay nito na walang “mahalaga o sapat na dahilan” para isiwalat ang pribadong impormasyong ito sa mga opisyal sa Russia.

Tungkol sa magandang kinalabasan ng kaso, sinabi ni Grigory Martynov, tagapagsalita ng mga Saksi ni Jehova sa Russia: “Ang desisyong ito ng Korte ay tutulong sa lahat ng mamamayan ng Russia, at sa mas malaking internasyonal na komunidad sa Council of Europe, na maprotektahan ang kanilang mga karapatan.”

Media Contacts:

International: J. R. Brown, Office of Public Information, tel. +1 718 560 5000

Russia: Grigory Martynov, tel. +7 812 702 2691