HUNYO 28, 2017
RUSSIA
Ibinasura ng Korte ang Apela Laban sa Pagkakakulong ni Dennis Christensen Bago Pa man Litisin
Noong Hunyo 21, 2017, ibinasura ng Oryol Regional Court ang apela laban sa pagkakakulong ni Dennis Christensen bago pa man litisin. Si Mr. Christensen, isang mamamayan ng Denmark, ay inaresto noong Mayo 25, 2017, sa isang raid ng mga agent ng Federal Security Service (FSB) at ng may takip sa mukha at armadong mga opisyal ng pulis dahil sa pakikibahagi sa relihiyosong pagtitipon na idinaraos ng mga Saksi ni Jehova.
Idineklara kamakailan ng Supreme Court ng Russian Federation na ang legal na mga korporasyon ng mga Saksi ni Jehova sa Russia ay “ekstremista” at nagdesisyong wakasan agad ang gawain ng legal na mga korporasyon ng mga Saksi. Ang mga dumalo ay sinabihan ng mga opisyal na nag-raid sa relihiyosong pagtitipon ng mga Saksi noong Mayo 25 na kakasuhan sila dahil sa pagpapatuloy sa gawain ng isang organisasyon na binuwag na dahil sa ekstremismo. Kumuha ng court order ang FSB para panatilihing nakakulong si Mr. Christensen hanggang sa paglilitis sa Hulyo 23, 2017—bagaman siya ay isang mapayapang tao na walang kriminal na record—para magkaroon sila ng panahon na gumawa ng kaso laban sa kaniya sa paratang na ekstremismo.
Iniaapela ng mga Saksi ni Jehova ang di-makatarungang desisyon ng Supreme Court at naghahanda rin sila ng depensa sa kanilang karapatang magpatuloy sa mapayapang pagsamba nang walang paghadlang, gaya ng iginagarantiya ng Konstitusyon ng Russia at ng European Convention on Human Rights.