DISYEMBRE 20, 2018
RUSSIA
Huling Araw ng Pagdinig kay Brother Arkadya Akopyan, Disyembre 21
Si Brother Arkadya Akopyan, isang 70-taóng-gulang na retiradong sastre mula sa Russian Republic of Kabardino-Balkaria, ay magkakaroon ng huling pagdinig sa Disyembre 21, 2018. Mahigit isang taon na siyang nililitis sa Prohladniy District Court, at ipinagtatanggol niya ang sarili niya sa akusasyong namamahagi siya ng literaturang “ekstremista” at naghahasik ng poot sa relihiyon sa pahayag niya sa Kingdom Hall.
Hindi pa tiyak kung maglalabas ng desisyon ang judge sa Disyembre 21. Kung mahatulan siyang nagkasala, magmumulta nang malaki si Brother Akopyan at makukulong nang hanggang apat na taon.
Si Brother Akopyan ay isa sa mahigit 100 Saksi ni Jehova sa Russia na napapaharap sa kasong kriminal dahil sa kanilang pananampalataya. Kaya nananalangin tayo para sa lahat ng kapatid nating naninindigan sa kanilang pananampalataya para magkaroon sila ng kapayapaang Diyos lang ang makapagbibigay.—Efeso 6:11-14, 23.