MARSO 8, 2017
RUSSIA
Malapit Na Bang Ipagbawal ang mga Saksi ni Jehova sa Russia?
Noong Pebrero 21, 2017, nagbigay ng isang bagong utos ang Ministry of Justice ng Russian Federation sa Administrative Center ng mga Saksi ni Jehova sa Russia. Hinihingi naman ngayon ng Ministry sa Administrative Center ang impormasyon tungkol sa lahat ng 2,277 kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa buong Russia.
Inilabas ng Ministry of Justice ang pinakabagong utos na ito habang isinasagawa ang inspeksiyon sa Administrative Center, na iniutos ng Prosecutor General’s Office. Sa inspeksiyong iyon, nagpokus lang ang mga awtoridad sa legal na mga korporasyong ginagamit ng mga Saksi. Kabilang sa mga korporasyong ito ang Administrative Center mismo at pati ang mga Local Religious Organization, kung saan ipinapangalan ng mga kongregasyon ang titulo ng mga ari-ariang ginagamit nila sa relihiyosong mga gawain. Noong Pebrero 27, 2017, natapos ng Ministry of Justice ang inspeksiyong iyon at inireport na ang Administrative Center ay lumalabag sa batas at kinakitaan ng mga palatandaan ng “ekstremistang gawain.”
Labis na nag-aalala ang mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig sa kanilang mga kapananampalataya sa Russia. Sa ikalawang utos na ito, pinupuntirya ng Ministry of Justice ang mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova. Batay sa pinakahuling mga hakbang ng mga awtoridad, naniniwala ang mga Saksi na kumikilos na ang Prosecutor General hindi lang para buwagin ang lahat ng legal na korporasyon ng mga Saksi ni Jehova sa Russia kundi para ganap na ipagbawal ang mga Saksi ni Jehova sa buong Russian Federation.