Pumunta sa nilalaman

OKTUBRE 19, 2018
RUSSIA

Mga Saksi ni Jehova sa Russia—Inakusahang May mga “Armas” Para sa Gawaing “Ekstremista”

Mga Saksi ni Jehova sa Russia—Inakusahang May mga “Armas” Para sa Gawaing “Ekstremista”

Ayon sa ilang internasyonal na balita, may nakita raw na mga “armas” na pag-aari ng mga Saksi noong maghalughog ang mga awtoridad kamakailan sa bahay ng mga Saksi ni Jehova sa Kirov, na rehiyon ng Russia. Pero ang mga “armas” na iyon ay nakita ng mga awtoridad sa bahay ng isang lalaking hindi Saksi ni Jehova. Kinakalawang at hindi na magagamit ang mga “armas”—dalawang granada at isang landmine—na mula pa noong Digmaang Pandaigdig II. Saksi ni Jehova ang misis ng lalaking iyon, pero lumilitaw na hindi nito alam na nagtatago pala ang mister niya ng gayong mga bagay.

Ang nagmamay-ari ng mga iyon ay dating chief ng kilalang grupo na “Poisk” sa Russia. Naghahanap sila noon ng mga sundalong namatay sa WWII para mabigyan ang mga ito ng maayos na libing. Sa trabaho nila, madalas silang nakakakuha ng mga kagamitan sa digmaan, kasama na ang mga armas na wala nang silbi.

Ang mga awtoridad sa Russia ay patuloy na nag-iimbento ng mga kasinungalingan para sirain ang reputasyon natin bilang mapagpayapa at mapagmahal na mga tao. Nangyayari ang mismong inihula ni Jesus na ang mga mananalansang ay ‘may-kasinungalingang magsasalita ng bawat uri ng balakyot na bagay’ sa kaniyang mga alagad.—Mateo 5:11.