MARSO 30, 2016
RUSSIA
Pinupuntirya ng Russia ang mga Saksi Gamit ang Batas Kontra-Ekstremista, Ayon sa Ulat ng UN Human Rights Committee
ST. PETERSBURG, Russia—Ang 2016 ang ika-125 taon mula nang ipatapon ng mga awtoridad sa ilalim ng czar si Semyon Kozlitskiy, isa sa mga unang Saksi ni Jehova sa Russia, dahil sa pangangaral tungkol sa mensahe ng Bibliya. Noong 1891, kahit walang paglilitis, ikinadena si Mr. Kozlitskiy at ipinatapon sa Siberia, kung saan siya nanirahan hanggang sa mamatay siya noong 1935.
Sa nagdaang siglo, halos hindi nagbago ang pananaw ng Russia sa mga Saksi ni Jehova. Gaya ng binanggit sa pinakahuli sa regular na ulat ng United Nations Human Rights Committee, maraming mapagkukunan ng impormasyon ang nagsasabing patuloy na “hinihigpitan [ng Russia] ang kalayaan sa pagpapahayag, . . . at kalayaan sa relihiyon, na pinupuntirya, bukod sa iba pa, ang mga Saksi ni Jehova.”
Ang Human Rights Committee ay may atas na imonitor ang pagsunod sa International Covenant on Civil and Political Rights (ICCPR), kung saan isang partido ang Russia. Si Heiner Bielefeldt, UN Special Rapporteur tungkol sa kalayaan sa relihiyon o paniniwala, ay nagsabi: “Kinikilala ng mga bumuo ng ICCPR na napakahalaga ng kalayaan sa relihiyon o paniniwala, kaya naman sa loob ng saklaw nito, ginawa nila itong non-derogable [hindi maaaring ipagkait o sirain] kahit sa panahon ng kagipitan (Article 4.2). Iilang kategorya lang ng karapatang pantao ang itinuturing na non-derogable.” Kasunod ng ika-113 sesyon nito (tingnan ang larawan sa pinakaitaas), inilabas ng Committee ang pinakahuli sa pana-panahong ulat nito tungkol sa Russian Federation at sinabing bagaman sa tingin ay pinoprotektahan ng Russia ang kalayaan sa relihiyon dahil partido ito sa Covenant, may-kamaliang ginagamit ng mga korte sa buong pederasyon ang mga batas na kontra-ekstremista laban sa mga Saksi.
Ang Federal Law “On Combating Extremist Activity” (No. 114-FZ) ng Russia, ay pinagtibay noong 2002, at isang layunin nito ang pagsugpo sa terorismo. Pero inamyendahan ng Russia ang batas na ito noong 2006, 2007, at 2008 kung kaya saklaw na nito ang “higit pa sa anumang pagkatakot sa ekstremismo na nauugnay sa terorismo,” ayon sa artikulong “Russia’s Extremism Law Violates Human Rights,” na inilathala sa The Moscow Times. Ngayon, “sinasamantala [ng batas] ang pananalitang ‘terorista’ na naging pangkaraniwan sa buong daigdig mula nang salakayin ang Twin Towers sa [New York City] noong 9/11, at ginagamit ito upang tumukoy sa inaayawang mga relihiyon sa Russia,” ang sabi ni Derek H. Davis, dating direktor ng J.M. Dawson Institute of Church-State Studies sa Baylor University. Sa gayon, “ang bansag na ‘ekstremista’ ay ginamit laban sa mga Saksi ni Jehova sa paraang di-makatarungan at di-angkop,” ang sabi ni Mr. Davis.
Napansin ng Human Rights Committee na ang ugat ng problema ay ang malabong kahulugang ibinigay ng batas sa ekstremistang gawain. Ipinaliwanag ni Geraldine Fagan, awtor ng Believing in Russia—Religious Policy After Communism, sa The Washington Post na ang malawak na pananalita ng batas ay napakadaling gamitin ng mga lokal na korte para “tumawag ng ilang diumano’y eksperto na maaaring ayaw sa mga Saksi ni Jehova at pasulatin sila ng isang report na nagsasabing ekstremista ang literatura ng mga ito.”
Ganiyan ang nangyari sa pasimula ng taóng ito, nang ang negatibong testimonyo ng isang eksperto sa wika ay gamitin ng isang hukom sa Vyborg City Court para ideklarang ekstremista ang dalawang magasin ng mga Saksi. Ang tagausig sa kasong iyon ay nagsampa rin ng reklamo para maideklarang ekstremista ang New World Translation, ang Bibliyang salin ng mga Saksi. Nagsimula ang mga pagdinig noong Marso 15, 2016.
Ang nakababalisang mga pangyayari noong 2015 ang senyales ng legal na problema ng mga Saksi nitong 2016. Ang sabi nga ni Roman Lunkin, pinuno ng Center for Religion and Society Studies sa Institute of Europe Russian Academy of Sciences sa Moscow, “hindi lang mas tumindi ang pag-uusig noong 2015 kundi naging mas madalas pa ito.” Noong buwan ng Marso, hinarang ng mga awtoridad ng Russia ang lahat ng inangkat na literatura ng mga Saksi, kahit ang mga literatura na nasuri na ng mga korte sa Russia at idineklarang hindi ekstremista. Noong Hulyo, sinimulang harangin ng mga opisyal ng customs ang inangkat na mga Bibliya sa wikang Russian na inilathala ng mga Saksi. Noon ding Hulyo, ipinagbawal ng Russian Federation ang jw.org, opisyal na website ng mga Saksi, sa gayon ay naging ang kaisa-isang bansa sa daigdig na gumawa nito. Noong Nobyembre, hindi pinahintulutan ang mga Saksi ni Jehova sa pag-angkat ng mga Russian Synodal Bible na karaniwang ginagamit ng iba pang mga Kristiyanong komunidad sa Russia—pati na ng Russian Orthodox Church. Nagtapos ang taon sa isang pangyayari na inilarawan ng The Washington Post bilang “isa sa pinakamalalaking paglilitis sa Russia laban sa ekstremismo na naganap kamakailan,” kung saan hinatulan ng isang hukom sa daungang lunsod ng Taganrog ang 16 na Saksi ni Jehova sa paratang na pag-oorganisa at pagdalo sa mapayapang relihiyosong pagtitipon.
Gaya ng iba pang kasong tulad nito, may kakatwa sa kasong Taganrog. “Ang mas matandang henerasyon ng mga Saksi ni Jehova na pinag-uusig ay may hawak nang mga sertipiko bilang mga biktima ng paniniil,” ang sabi ni Mr. Lunkin. Noong panahong Sobyet, libo-libong Saksi ni Jehova ang ibinilanggo. Noong 1990, pinalaya ng Russia ang huling mga Saksing bilanggo. Opisyal na pinawalang-sala ang mga dating bilanggong ito at bawat isa ay binigyan ng Sertipiko ng Rehabilitasyon, na nagsasabing hindi sila “mga kaaway ng bansa,” kundi mga inosenteng biktima. Kaya ikinakatuwiran ni Mr. Lunkin, “ngayon naman, sa pamamagitan ng batas kontra-ekstremista, sa diwa ay pinawawalang-bisa ng mga awtoridad sa Russia ang rehabilitasyong iyon.”
Gayunman, ang mga Saksi ni Jehova sa Russia ay nagtamo ng isang pambihirang tagumpay sa korte noong Mayo 27, 2015, nang ibalik ng Russian Federation Ministry of Justice ang pagkakarehistro ng mga Saksi ni Jehova bilang isang Local Religious Organization (LRO) sa Moscow, isang katayuang naiwala ng mga Saksi nang buwagin ang kanilang legal na korporasyon sa Moscow noong Marso 26, 2004. Bago nito, umapela ang mga Saksi sa European Court of Human Rights (ECHR), at noong Hunyo 10, 2010, inutusan ng ECHR ang Russia na ibalik ang pagkakarehistro ng mga Saksi sa Moscow at bayaran sila ng danyos.
“Sang-ayon ako sa desisyon ng ECHR,” ang sabi ng UN Special Rapporteur. “Ang pagkakait sa karapatan ng mga Saksi ni Jehova na organisahin ang kanilang sarili kaayon ng kanilang relihiyon ay ‘sobra’ at ‘di-angkop,’ at labag sa kalayaan sa relihiyon.” Bilang pagsunod sa ECHR, nagbayad ng danyos ang gobyerno ng Russia; pero hinintay muna nilang maibalik ang legal na korporasyon ng mga Saksi noong nakaraang Mayo—halos limang taon pagkatapos ng desisyon ng ECHR.
Sinabi ni Yaroslav Sivulskiy, isang tagapagsalita ng mga Saksi ni Jehova sa Russia: “Ang Moscow ay tahanan ng mahigit 9,600 Saksi ni Jehova, at tinatayang 175,000 Saksi ang nakatira sa buong pederasyon. Lahat ng Saksi sa Russia, pati na ang aming pandaigdig na kapatiran na mahigit 8 milyong mananamba, ay patuloy na umaasang ang pagkakarehistrong ibinigay mula sa kabisera ng Russia ay nagbabadya ng tunay na kalayaan sa relihiyon sa buong pederasyon.” Pero sinasabi ng mga ekspertong gaya ni Mr. Davis na ang pagsasauli ng Russia sa mga Saksi ni Jehova bilang LRO, “bagaman mahalaga sa panlabas na obligasyon nitong itaguyod ang kalayaan sa relihiyon, ay dapat ituring na pangunahin nang dahil sa politika para payapain ang pandaigdig na komunidad.”
Noong 2015, inulit ng Human Rights Committee ang mga rekomendasyon nito noong 2003 at 2009, na dapat “baguhin agad [ng Russia] ang Federal Law on Combating Extremist Activity,” linawin ang kahulugan ng “ekstremistang gawain,” tiyaking sangkot dito ang karahasan o pagkapoot at sabihin nang malinaw kung bakit maituturing na ekstremista ang isang materyal. Nakiusap din sa Russia ang Committee na “gawin ang lahat ng kailangang gawin para maiwasan ang di-makatuwirang paggamit ng batas at rebisahin ang Federal List of Extremist Materials.”
“Ang diskriminasyon laban sa komunidad ng mga Saksi ni Jehova ay pag-uusig sa relihiyon sa tunay na diwa nito,” sabi ni Mr. Lunkin, “samantalang nagagawa ng ibang mga kinikilalang relihiyon ang kapareho ng gawain ng mga Saksi ni Jehova at hindi naman pinarurusahan.” Pero sa kabila ng lahat ng legal na akusasyon, na kadalasa’y sinasabayan ng agresibong mga kampanya sa media laban sa kanila, sinabi ni Mr. Lunkin bilang pagtatapos, “Ang mga Saksi ni Jehova ay nananatiling isang organisasyon sa buong bansa, at patuloy na dumarami ang mga tagasunod nila.”
Media Contact(s):
International: David A. Semonian, Office of Public Information, tel. +1 718 560 5000
Russia: Yaroslav Sivulskiy, tel. +7 812 702 2691