ENERO 23, 2019
SOUTH KOREA
Pinawalang-Sala
Sa Kauna-unahang Pagkakataon sa Kasaysayan ng South Korea, Inabsuwelto ng Korte ang mga Tumangging Magsundalo Dahil sa Relihiyosong Paniniwala
Sa kauna-unahang pagkakataon sa kasaysayan ng South Korea, hiniling ng mga prosecutor ng gobyerno sa appeal court na pawalang-sala ang limang kapatid natin sa pagtanggi nilang magsundalo. Bilang resulta, inabsuwelto ng korte ang mga kapatid at isinara ang kaso nila. Pinawalang-bisa ng desisyong ito ang hatol ng mas mababang hukuman na nagkasala ang mga kapatid natin dahil sa pagtanggi nilang magsundalo.
Ang hatol na nagpapawalang-sala sa mga kapatid natin, na ibinaba noong Disyembre 14, 2018, ay magsisilbing legal na basehan para pawalang-sala rin ang mahigit 900 brother na may ganoon ding kaso na nakabinbin sa mga korte sa Korea. Ang mga brother na naabsuwelto ay maghihintay kung anong alternatibong serbisyo ang puwede nilang gawin kapalit ng paglilingkod sa militar.
Ibinatay ng appeal court ang desisyon nito sa dalawang makasaysayang desisyon ng Constitutional Court at Korte Suprema ng Korea noong 2018. Winakasan ng mga desisyong iyon ang ginagawa sa loob ng 65 taon—ang pagbibilanggo sa mga tumatangging magsundalo, kahit dahil ito sa relihiyosong paninindigan.
Ang desisyon ng dalawang mataas na hukuman, na kumilala sa karapatan ng mga tumangging magsundalo dahil sa relihiyosong paniniwala, ay pinuri ng mga organisasyong nagtataguyod ng karapatang pantao. Sinabi ng National Human Rights Commission ng Korea: “Winakasan ng desisyon ng Korte Suprema ang masaklap na kasaysayan ng mga tumatangging magsundalo dahil sa relihiyosong paniniwala, na nagsimula noong dekada ’50 at nakaapekto sa halos 20,000 mamamayan . . . Gusto naming sabihin na lubusan naming iginagalang ang mga taong ito at ang pamilya nila dahil sa kanilang pagtitiis.”
Ngayon, hinihilingan ang mga tumatangging magsundalo na patunayan kung ang pagtanggi nila ay batay sa “malalim, matatag at tunay” na paniniwala. Tinagubilinan ang mga hukom na maghanap ng ebidensiya na talagang taimtim ang isang tumatangging magsundalo. Sinabi ng Korte Suprema, “Lahat ng bahagi ng buhay niya . . . ay dapat maimpluwensiyahan ng paniniwala niya.” Habang tinatanong sila ng mga hukom, nagkaroon ng magandang pagkakataon ang mga kapatid natin na magpatotoo tungkol sa personal nilang desisyon na umiwas sa digmaan at serbisyo militar.—1 Pedro 3:15.
Sa loob ng mahigit anim na dekada, ibinibilanggo ang mga Saksi ni Jehova sa Korea dahil sa pagtanggi nilang magsundalo, at matibay na ebidensiya ito na nananatili tayong neutral bilang mga Kristiyano dahil gusto nating sundin ang ikalawa sa pinakadakilang utos, na “mahalin ang iyong kapuwa gaya ng iyong sarili.”—Mateo 22:39.