Pumunta sa nilalaman

HULYO 7, 2015
SOUTH KOREA

Handa Na Bang Sundin ng mga Hukom sa South Korea ang Internasyonal na Pamantayan Para sa mga Tumatangging Magsundalo?

Handa Na Bang Sundin ng mga Hukom sa South Korea ang Internasyonal na Pamantayan Para sa mga Tumatangging Magsundalo?

Minsan pang susuriin ng Constitutional Court ng South Korea kung ayon ba sa konstitusyon ang hindi pagkilala ng gobyerno sa karapatan na tumangging magsundalo udyok ng budhi. * Noong 2011, apat na taon pa lang ang nakalilipas, nagdesisyon ang Korte na ang pagpaparusa sa mga tumatangging magsundalo sa ilalim ng Military Service Act ng South Korea ay hindi paglabag sa konstitusyon. Iyan din ang naging desisyon ng Korte noong 2004.

Isasaalang-alang muli ng Korte ang usapin sa pamamagitan ng pagdinig sa pinagsamang kaso ng tatlong tumatangging magsundalo sa Hulyo 9, 2015. Iba’t ibang organisasyon ang nagsumite ng maikling sulat sa Korte na nagpapakita ng kanilang suporta sa karapatang ito. Yamang kinikilala na ngayon sa internasyonal na batas ang pagtangging magsundalo udyok ng budhi, ang hindi pagsunod dito ng South Korea ay nakatawag ng pansin ng buong daigdig.

Dumarami ang Sumusuri sa Daigdig

Nanawagan ang UN Human Rights Committee sa South Korea na magbago. Mula noong 2006, limang desisyon na ang inilabas ng komiteng ito may kaugnayan sa mahigit 500 tumatangging magsundalo udyok ng budhi * na nag-uutos sa South Korea na kumilos para itaguyod ang karapatan ng mga tumatangging magsundalo udyok ng budhi.

Bilang pagkilala sa International Day of Conscientious Objectors, itinawag-pansin ng Amnesty International, isang organisasyon tungkol sa karapatang pantao na nakabase sa London, sa isang artikulo na may petsang Mayo 13, 2015, ang pagtrato ng South Korea sa mga tumatangging magsundalo. Itinampok sa artikulo ang mga kabataang Saksi na nasa edad nang magsundalo at ang kanilang kalagayan sa kasalukuyang batas ng South Korea. Nang linggo ring iyon, iba’t ibang internasyonal na media outlet, gaya ng CNN at The Washington Post, ang naglabas ng mga artikulong nagtatampok sa pagtangging magsundalo udyok ng budhi at sa mga kabataang Saksi na may ganitong paninindigan.

Ang Hamong Kinakaharap ng mga Hukom

Kapag tumatangging magreport para magsundalo ang isang Saksi ni Jehova sa South Korea, hinahatulan siya ng mga hukom, batay sa patakaran, na may-sala dahil sinasadya niyang umiwas na makalap para magsundalo. Ngunit nababahala ang mga hukom na hinahatulan nila ang isang di-marahas na kabataan na ang tanging nagawang “krimen” ay sumunod sa kaniyang relihiyosong paniniwala. * Minsan, napaiyak ang punong hukom ng Suwon District Court habang sinesentensiyahan ang isang Saksi dahil wala siyang magawa kundi hatulan itong may-sala.

Noong Mayo 12, 2015, “walang sala” ang naging hatol ng isang hukom sa Gwangju District Court. Kinontra ng hukom na ito ang batas dahil hindi niya maatim na hatulang may-sala ang tatlong Saksi ni Jehova. Dahil gusto niyang simulan ang pagbabago, sinabi niya sa kanila: “Ito lang ang magagawa ko para sa inyo, sana ipagpatuloy ninyo ang nasimulan ko.” Inapela ng prosecutor ang desisyon.

Sa halip na hatulan ang mga tumatangging magsundalo udyok ng budhi, ipinaalam ng pitong hukom ng district court ang mga kasong ito sa Constitutional Court, sa kabila ng pasiya ng Korte noong 2004 at 2011 tungkol sa usapin. Ayaw sentensiyahan ng mga hukom na ito na mabilanggo ang isang kabataan dahil lang sa sinusunod niya ang kaniyang budhi. Sa isa sa mga kasong ito, sinabi ni Judge Young-hoon Kang ng Seoul North District Court na ang pagpaparusa sa mga tumatangging magsundalo udyok ng budhi ay “katumbas ng pagkakait ng kanilang karapatan at pagkakakilanlan. Tiyak na pagsira ito sa dignidad ng tao.”

Hinimok ang mga Hukom na “Gipitin ang mga Korte”

Noong Disyembre 2014, nagdaos ang Korean Bar Association ng isang komperensiya tungkol sa paksang pagtangging magsundalo udyok ng budhi. Sa kaniyang talumpati, tinawag ng dating Supreme Court Justice Su-an Cheon ang mga desisyon ng UN Human Rights Committee at ang mga resolusyon ng UN Human Rights Council laban sa South Korea na “isang kahihiyan ng bansa.” Sinabi ng hukom na ang “pagpapakulong sa daan-daang kabataan ay hindi maaaring ipagmatuwid” at hinimok niya ang mga hukom at mga abogado na naroroon na “gipitin ang mga korte” na magdesisyon sa mga kaso kaayon ng internasyonal na mga pamantayan.

Ito ang naging konklusyon ni Miss Cheon sa kaniyang talumpati: “Dapat nating ipatupad karaka-raka hangga’t maaari ang alternatibong serbisyo. ... Ang pagpapatupad ng alternatibong serbisyo ay magiging mahalagang pangyayari sa kasaysayan ng Korea, at isang malaking tagumpay sa larangan ng karapatang pantao sa ilalim na liderato ng unang babaeng pangulo. Tanging sa paggawa nito maaalis natin ang pagtuya sa atin bilang bansang napag-iwanan pagdating sa mga usapin sa karapatang pantao.”

Susundin Ba ng Constitutional Court ang Internasyonal na mga Pamantayan?

Sa loob ng mga dekada, libo-libong Saksi ni Jehova sa South Korea ang nagtiis na makulong dahil sa paninindigan sa kanilang mga paniniwala. Habang may-pananabik na hinihintay ang hatol ng Korte, ang tanong nila: Hahatol ba nang pabor sa mga tumatangging magsundalo udyok ng budhi ang mga hukom ng Constitutional Court? Kikilos ba ang South Korea kaayon ng internasyonal na mga pamantayan hinggil sa mga karapatang pantao?

^ par. 2 Hindi kinikilala ng Republic of Korea ang karapatan ng mga tumatangging magsundalo udyok ng budhi. Sa nakalipas na 60 taon, ipinabilanggo nito ang mahigit 18,000 Saksi ni Jehova na tumatangging magsundalo dahil sa paninindigan nila sa kanilang relihiyosong paniniwala. Para sa listahan ng mga Saksi na kasalukuyang nakabilanggo sa South Korea, tingnan ang “Nakabilanggo Dahil sa Kanilang Pananampalataya—South Korea.”

^ par. 5 Communications Nos. 1321/2004 and 1322/2004, U.N. Doc. CCPR/C/88/D/1321-1322/2004, 3 November 2006; Communications Nos. 1593 to 1603/2007, U.N. Doc. CCPR/C/98/D/1593-1603/2007, 23 March 2010; Communications No. 1642-1741/2007, U.N. Doc. CCPR/C/101/D/1642-1741/2007, 24 March 2011; Communication No. 1786/2008, U.N. Doc. CCPR/C/106/D/1786/2008, 25 October 2012; Communication No. 2179/2012, U.N. Doc. CCPR/C/112/D/2179/2012, 15 October 2014.