Pumunta sa nilalaman

MAYO 9, 2016
SOUTH KOREA

Poprotektahan Ba ng South Korea ang Kalayaan sa Budhi?

Poprotektahan Ba ng South Korea ang Kalayaan sa Budhi?

Nakakaharap ngayon ni Seon-hyeok Kim ang isa sa pinakamalaking hamon sa buhay niya. Noong pasimula ng 2015, ang 28-anyos na asawa at ama na ito ay humarap sa korte sa paratang na pagtangging magsundalo udyok ng budhi. Kaayon ng internasyonal na mga pamantayan, ipinahayag ng Gwangju District Court na siya ay walang-sala. Natatangi ang desisyong ito sa South Korea dahil sa loob ng mga dekada, libo-libong tumatangging magsundalo udyok ng budhi ang nahatulan at nabilanggo. Pero binaligtad ng appeal court ang hatol kay Mr. Kim at sinentensiyahan siya ng 18 buwan na pagkabilanggo. Ang apela niya ay naghihintay pa sa Supreme Court ng South Korea.

Nitong nakaraang mga taon, dumarami ang pagtatalo sa South Korea tungkol sa pagtanggi nito na kilalanin ang karapatang tumangging magsundalo udyok ng budhi. Inaapela at pinawawalang-bisa ang desisyon ng mga hukom na lakas-loob na nagtataguyod ng internasyonal na mga pamantayan sa usaping ito.

Itinaguyod ng Trial Court ang Karapatan sa Kalayaan sa Budhi

Noong Mayo 12, 2015, nang pawalang-sala ni Judge Chang-seok Choi ng Gwangju District Court si Mr. Kim sa paratang na pagtangging magsundalo, ikinatuwiran niya na hindi ipinagwawalang-bahala ni Mr. Kim ang tungkulin nito sa bansa. Sa halip, alam niya na si Mr. Kim, na isang Saksi ni Jehova, ay relihiyosong tao na hindi pinapayagan ng kaniyang budhi na magsundalo. Sinabi ng hukom na si Mr. Kim ay handang magsagawa ng alternatibong serbisyong pansibilyan na walang kaugnayan sa militar. *

Sa kaniyang desisyon, ikinatuwiran pa ni Judge Choi na si Mr. Kim ay tumangging magsundalo batay sa kaniyang kalayaan sa budhi at na ang “kalayaan sa budhi ay talagang dapat protektahan.” Lakas-loob na iginalang ni Judge Choi ang pasiya ni Mr. Kim. Ang kaniyang desisyon ay salungat sa dati nang mga desisyon ng kaniyang bansa sa katulad na mga kaso, pero kaayon naman ng internasyonal na mga pamantayan para sa tumatangging magsundalo udyok ng budhi.

“Ang kalayaan sa budhi ay talagang dapat protektahan, na madali namang gawin nang hindi isinasaisantabi ang tungkulin na ipagtanggol ang bansa.”—Judge Chang-seok Choi, Gwangju District Court

Sa limang magkakahiwalay na desisyon may kaugnayan sa mahigit 500 reklamo, kinondena ng UN Human Rights Committee (CCPR) ang South Korea dahil sa pagpaparusa sa mga tumatangging magsundalo udyok ng budhi. Sa isang desisyon kamakailan, sinabi ng CCPR na ang pagbibilanggo sa kanila ay katumbas ng arbitrary dentention, o di-makatuwirang pagbibilanggo, sa ilalim ng Article 9 ng International Covenant on Civil and Political Rights (ICCPR). * Hinikayat ng CCPR at ng iba pang internasyonal na pangkat ang South Korea na gumawa ng batas na maglalaan ng alternatibong serbisyong pansibilyan para sa mga tumatangging magsundalo udyok ng budhi. Bagaman kusang nagpasakop ang South Korea noong 1990 sa ICCPR at sa First Optional Protocol nito, tumatanggi itong gumawa ng higit pang hakbang para ipatupad ang mga desisyong ito.

May-sala o Wala?

Hiniling ng prosecutor sa appeal court na baligtarin ang pagpapawalang-sala kay Mr. Kim, anupat ikinakatuwirang ang pagtanggi nitong magsundalo udyok ng budhi ay banta sa seguridad ng bansa. * Noong Nobyembre 26, 2015, binaligtad ng appeal court ang hatol na walang-sala ng trial court at sinentensiyahan si Mr. Kim ng 18 buwan na pagkabilanggo dahil diumano sa pagtangging magsundalo.

Bagaman kinikilala ng appeal court ang desisyon ng CCPR, pinanindigan nito na hinahalinhan ng awtoridad ng mga korte sa South Korea ang internasyonal na batas sa kasong ito. Kaagad na umapela si Mr. Kim sa Supreme Court at nagsumite ng reklamo sa UN Working Group on Arbitrary Detention. * Naghihintay siya sa kalalabasan ng dalawang desisyong ito.

Patuloy na tumatanggi ang Supreme Court at ang Constitutional Court na kilalanin ang mga karapatan ng mga tumatangging magsundalo udyok ng budhi. Noong 2004 at muli noong 2011, sinabi ng Constitutional Court na ang Military Service Law ay naaayon sa konstitusyon. Sinusuri ngayon ng Constitutional Court sa ikatlong pagkakataon ang pagiging naaayon sa konstitusyon ng Military Service Law at inaasahan na ilalabas nito ang desisyon sa lalong madaling panahon.

Mula noong 1953, mahigit 18,000 Saksi ni Jehova na ang hinatulan ng mga hukuman sa South Korea na mabilanggo dahil sa pagtangging magsundalo.

Kikilalanin Kaya sa Wakas ng South Korea ang Internasyonal na mga Pamantayan?

Kung tatanggihan ng Supreme Court ang apela ni Mr. Kim, kaagad siyang ibibilanggo. Nag-aalala siya dahil sa kaniyang 18-buwang pagkakabilanggo, walang aalalay sa kaniyang pamilya sa emosyonal at pinansiyal na paraan. Ang kaniyang asawa ang magiging tanging tagapaglaan at tagapag-alaga sa dalawang maliliit nilang anak. Pagkalaya naman niya, mahihirapan na siyang humanap ng trabaho dahil sa kaniyang kriminal na rekord.

Nagpapasalamat ang mga Saksi ni Jehova na itinataguyod ng mga gobyerno sa buong daigdig ang internasyonal na pamantayan na kilalanin ang karapatan ng mga tumatangging magsundalo udyok ng budhi. Kasama ni Seon-hyeok Kim, ang mga Saksi ni Jehova sa South Korea ay umaasa na lulutasin ng mga hukuman ang usaping ito. Susundin ba ng Supreme Court at ng Constitutional Court ang internasyonal na mga pamantayan na dito ay kusa silang nagpasakop? Igagalang kaya ng South Korea ang pagtangging magsundalo udyok ng budhi bilang isang saligang karapatan ng mga mamamayan nito?

^ par. 5 Noong 2015, inilabas ng Gwangju District Court ang hatol na “walang-sala” sa kaso ng tatlo pang Saksi. Pinawalang-sala rin ng Suwon District Court ang dalawang Saksi sa paratang na pagtangging magsundalo.

^ par. 7 Human Rights Committee, Views, Young-kwan Kim et al. v. Republic of Korea, Communication No. 2179/2012, UN Doc. CCPR/C/112/D/2179/2012 (October 15, 2014).

^ par. 9 Sinabi ng prosecutor na ang pagtangging magsundalo udyok ng budhi ay magkakaroon ng negatibong epekto sa seguridad ng bansa. Pero hindi naman sang-ayon ang ibang eksperto sa batas. Halimbawa, sinabi ni Judge Gwan-gu Kim ng Changwon Masan District Court, “Walang matibay at espesipikong ebidensiya o impormasyon na nagsasabing pahihinain ng paglalaan ng alternatibong serbisyo ang pambansang seguridad.”

^ par. 10 Ang WGAD ay naglalaan ng paraan para mag-apelang pigilan ang pag-aresto kung ang dahilan ng pag-aresto at pagbibilanggo ay ang paggamit ng saligang karapatan o kalayaan na ginagarantiyahan ng internasyonal na mga batas para sa karapatang pantao.