Pumunta sa nilalaman

DISYEMBRE 12, 2014
SOUTH KOREA

Balita sa Internasyonal na Kombensiyon: Mga Saksi Naglabas ng Bibliya sa World Cup Stadium sa Seoul

Balita sa Internasyonal na Kombensiyon: Mga Saksi Naglabas ng Bibliya sa World Cup Stadium sa Seoul

Inilabas ni David Splane, miyembro ng Lupong Tagapamahala, ang nirebisang New World Translation of the Holy Scriptures sa Korean.

SEOUL—Inilabas ng mga Saksi ni Jehova ang nirebisang New World Translation of the Holy Scriptures sa Korean sa idinaos nilang “Patuloy na Hanapin Muna ang Kaharian ng Diyos!” na Internasyonal na Kombensiyon sa Seoul, Korea. Ginanap ito sa Seoul World Cup Stadium noong Setyembre 6-8, 2014. Ang mga Bibliya ay ipinamahagi nang libre sa lahat ng 56,867 dumalo, pati na sa 59,091 na nasa iba pang lokasyon sa Busan, Daejeon, Gwangju, Jeju, Suwon, at Yeosu na ikinonekta sa pamamagitan ng video. “Ang pinaka-di-malilimutang bahagi ng kombensiyong ito ay ang paglalabas ng nirebisang New World Translation,” ang sabi ng isang nakadalo na si Joon-yeong Choi.

Ang mahigit 56,000 dumalo sa istadyum ay nasiyahan sa programang salig sa Bibliya.

Ang mga Saksi mula sa Canada, Finland, Pilipinas, Poland, at United States ay naglakbay para makadalo sa programa sa Seoul. Sinabi ni Dae-il Hong, isang tagapagsalita ng mga Saksi ni Jehova sa Korea: “Talagang pinaghandaan namin nang husto ang nakaaantig at nakapagtuturong okasyon na ito, at hindi namin inaasahan na magiging ganito kaganda ang kombensiyon. Karangalan namin na maging host para sa espesyal na okasyong ito.”

Ang malalaking Bibliya na dekorasyon.

Tuwang-tuwa ang mga nasa Seoul World Cup Stadium nang makita nila na ang pinakadekorasyong tatlong malalaking Bibliya ay mga baptismal pool pala. May 630 nabautismuhan sa Seoul at 596 naman sa iba pang lokasyon, kaya ang kabuuang bilang ay 1,226.

Ginamit na baptismal pool ang malalaking Bibliya.

Media Contacts:

International: J. R. Brown, Office of Public Information, tel. +1 718 560 5000

Republic of Korea: Dae-il Hong, tel. +82 31 690 0033