OKTUBRE 11, 2024
SPAIN
Pinagtibay ng Grand Chamber ng European Court ang Karapatan ng mga Saksi ni Jehova na Pumili ng Panggagamot
Sang-ayon ang Lahat ng Hukom sa Desisyon sa Kaso na Pindo Mulla v. Spain
Noong Setyembre 17, 2024, nagkaisa ang lahat ng hukom sa Grand Chamber ng European Court of Human Rights sa desisyon na dapat igalang ang karapatan ng isang pasyente na pumili ng panggagamot na kaayon ng kanilang paniniwala. Ang napakahalagang desisyong ito ay dapat igalang, hindi lang ng Spain, kundi ng lahat ng 46 na estado na miyembro ng Council of Europe.
Noong Hunyo 2018, naospital ang 47-anyos na si Sister Rosa Pindo Mulla sa Spain, para sa operasyon na hindi naman komplikado. Bago nito, ibinigay ni Rosa sa mga doktor niya ang isang advance health-care directive. Sinabi niya ang kaniyang personal na mga paniniwala at na tumatanggi siyang magpasalin ng dugo dahil sa kaniyang konsensiyang sinanay sa Bibliya. (Gawa 15:28, 29) Isinulat ng mga staff sa ospital ang kahilingan ni Rosa sa kaniyang medical chart. Pero walang kaalam-alam si Rosa na isang hukom ang nagbigay ng pahintulot sa mga doktor ni Rosa na isagawa ang isang komplikadong operasyon at salinan siya ng dugo. Pagkatapos ng operasyon, lumong-lumo si Rosa nang malaman niya na hindi sinunod ng staff sa ospital ang kahilingan niya at sinalinan siya ng dugo na maliwanag na tinanggihan niya.
Sa hatol sa kaso na Pindo Mulla v. Spain, nagkaisa ang lahat ng 17 hukom ng Grand Chamber na “ang isang adultong pasyente ay may karapatang tumanggi” sa anumang panggagamot na hindi niya gusto. Pinagtibay din ng korte na “isa sa pinakamahalagang tuntunin sa panggagamot ay ang igalang o sundin ang karapatan ng pasyente.”
Bilang isang nagkakaisa at pambuong-daigdig na kapatiran, natutuwa tayo sa desisyon ng korte na itaguyod ang karapatan ni Sister Pindo Mulla at ng milyon-milyong iba pa na pumili ng panggagamot na kaayon ng kanilang personal na paniniwala.