Pumunta sa nilalaman

Kanan: Mga literatura natin sa wikang Sinhala nitong nakalipas na 75 taon. Gitna (itaas): Larawan ng dalaw ni Brother Charles Taze Russell sa Ceylon, ang tawag sa Sri Lanka noon. Gitna (ibaba): Pangangaral ng mabuting balita sa wikang Sinhala

PEBRERO 7, 2023
SRI LANKA

Pitumpu’t Limang Taon ng Pagsasalin sa Wikang Sinhala

Pitumpu’t Limang Taon ng Pagsasalin sa Wikang Sinhala

Ngayong 2023 ang ika-75 taon ng pagsasalin ng mga Saksi ni Jehova ng mga publikasyong salig sa Bibliya sa wikang Sinhala, na ginagamit ng karamihan sa Sri Lanka.

Ang mga publikasyon natin sa Sri Lanka ay available lang dati sa English. Ito kasi ang opisyal na wika ng bansa noong kolonya pa ito ng Britain. Pero noong 1948, ini-release ang unang publikasyon natin sa Sinhala, ang The Joy of All the People. Isang taon matapos i-release ang buklet na ito, dumami nang mahigit doble ang bilang ng mga mamamahayag sa Sri Lanka—mula 12 naging 25.

Ini-release ni Brother Lett ang Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan sa wikang Sinhala

Noong 1953, available na sa Sinhala ang buklet na Basis for Belief in a New World at ang aklat na Ang Katotohanan ang Magpapalaya sa Inyo. Pagkatapos ng ilang taon, noong Marso 1958, nagkaroon ng mahalagang pangyayari sa gawaing pagsasalin—ang pag-release ng unang isyu ng Bantayan sa wikang Sinhala.

Napakahalaga ng taóng 2009 para sa gawaing pagsasalin sa Sinhala. Dinalaw ni Brother Stephen Lett, miyembro ng Lupong Tagapamahala, ang Sri Lanka at ini-release ang Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan sa wikang Sinhala.

Sinabi ng isang brother na dumalo nang i-release ang Bibliya: “Nang matanggap ko ang Bagong Sanlibutang Salin sa Sinhala, talagang nagpasalamat ako kay Jehova, ang Dakilang Instruktor natin. Masarap basahin at madaling maintindihan ang Bibliyang ’to, kaya nakikita ko agad kung paano ko isasabuhay ang mga nababasa ko.”

Ang mga translator ng Sinhala sa tanggapang pansangay

Kitang-kita na pinagpapala ni Jehova ang 4,839 na mamamahayag sa 63 kongregasyong nagsasalita ng Sinhala, pati na ang lahat ng 7,121 mamamahayag sa Sri Lanka. Alam natin na patuloy silang pagpapalain ni Jehova habang nagsasalita sila at nagtuturo ng “dalisay na wika.”—Zefanias 3:9.