Pumunta sa nilalaman

Si Sister Olena sa harap ng bahay niya, na malubhang nasira dahil sa pagsabog ng missile. Agad siyang tinulungan ng mga kapatid

HULYO 4, 2022
UKRAINE

UPDATE #10 | Kitang-kita ang Pag-ibig ng mga Kapatid sa Nangyayaring Krisis sa Ukraine

Halimbawa ng “Lakas ng loob, Pagmamalasakit, at Pagiging Maaasahan”

UPDATE #10 | Kitang-kita ang Pag-ibig ng mga Kapatid sa Nangyayaring Krisis sa Ukraine

Walang-sawa pa ring sinusuportahan ng mga kapatid sa Ukraine ang mga kapananampalataya nila. Patuloy nilang ipinapakita ang pagmamahal nila sa isa’t isa.

Si Sister Olena ay 81 years old na. Noong Hunyo 6, isang missile ang tumama malapit sa bahay niya. Winasak ng missile ang bahay ng kapitbahay niya at nag-iwan ito ng hukay na 7 metro ang lalim. Sa sobrang lakas ng pagsabog, malaki ang nasira sa bahay ni Sister Olena.

Ikinuwento niya: “Natutulog ako nang biglang bumagsak malapit sa ulunan ko ang dingding. Napuno ng maitim at makapal na alikabok ang paligid. Nagkalat din ang mga bato at mga basag na salamin. Nagpapasalamat ako kay Jehova na buháy ako.” Ilang minuto lang pagkatapos ng pagsabog, dumating ang mga kapatid para tingnan si Sister Olena. Isa sa mga kapatid na ito ang malubha ring nasira ang bahay. Ikinuwento pa ni Sister Olena: “Hindi alam ng mga kapatid ang sasabihin nila nang dumating sila. Pero nang nakita ko sila, napatibay talaga ako. Mabuti na lang nandiyan sila.”

Sinabi naman ni Serhii, isang elder na regular na bumibisita kay Sister Olena kasama ng mga kabataan sa kongregasyon: “Nang malaman ko na may sumabog malapit sa bahay ni Sister Olena, takot na takot ako at nag-alala. Pero nang makita ko na hindi naman siya gaanong nasaktan at nasugatan at may ilang galos lang, nakahinga ako nang maluwag. Ang nakakatuwa, ang unang hinanap ni Sister Olena matapos masira ang bahay niya ay y’ong publikasyon sa Bibliya na tinanggap niya ilang araw bago nito.”

Sa ngayon, nakahanap na ang mga kamag-anak ni Sister Olena ng bagong matitirhan niya. Patuloy rin siyang tinutulungan ng kongregasyon at araw-araw siyang kinokontak ng mga elder. Binigyan din siya ng mga kapatid ng hearing aid para makinabang siya sa mga pulong ng kongregasyon. Sinabi niya: “Minsan pakiramdam ko wala akong magawa sa sitwasyon, pero napapalakas ako ng mga pulong. Madalas akong tinatawagan ng mga kapatid, at nagpapasalamat talaga ako d’on.”

Naalala naman ng mag-asawa ang naranasan nila nang magtago sila sa isang basement ng Kingdom Hall kasama ng 200 iba pang kapatid. Isinulat ng asawang babae: “Hangang-hanga talaga ako sa ipinakitang malasakit at pag-ibig ng mga elder. Naalala ko sa kanila si David, na nanganib ang buhay para sagipin ang tupa mula sa leon at oso. Nanganib din ang buhay ng mga elder para lang makakuha ng pagkain at tubig, pati na ng gasolina para magkailaw kami. Dahil dito, nakakapagpulong kami at nakakapagtipon para sa ministeryo. Kahit sa kasagsagan ng digmaan, regular na bumibisita ang mga elder sa mga kapatid na nasa bahay lang para hatiran sila ng mga pagkain at tubig, at patibayin sila. Lumalim talaga ang respeto ko sa kanila. Dati, mga guro at mangangaral ang tingin ko sa kanila, pero ngayon nakita kong maaasahang mga pastol sila. Talagang nagpapasalamat ako sa halimbawa nila ng lakas ng loob, pagmamalasakit, at pagiging maaasahan!”

Sumulat naman sa sangay sa Ukraine ang mga kapatid mula sa isang kongregasyon doon. Sinabi nila tungkol sa mga nangangasiwa sa relief work: “Sobra-sobra ang pasasalamat namin. Talagang humanga kami kung paano kami inalagaan ni Jehova sa tulong ng mga kapatid. Totoong-totoo talaga ang sinabi ni Jesus: ‘Kung mahal ninyo ang isa’t isa, malalaman ng lahat na kayo ay mga alagad ko.’”—Juan 13:35.

Hanggang nitong Hunyo 21, 2022, makikita sa ibaba ang mga report mula sa Ukraine. Ang mga ito ay batay sa mga kumpirmadong report ng mga kapatid doon. Pero posibleng mas mataas ang mga aktuwal na bilang, dahil sa ngayon, mahirap ang komunikasyon sa lahat ng rehiyon ng bansa.

Epekto sa mga Kapatid

  • 42 kapatid ang namatay

  • 83 kapatid ang nasugatan

  • 31,185 kapatid ang lumikas

  • 495 bahay ang nawasak

  • 557 bahay ang nagkaroon ng malaking pinsala

  • 1,429 na bahay ang bahagyang nasira

  • 5 Kingdom Hall ang nawasak

  • 8 Kingdom Hall ang nagkaroon ng malaking pinsala

  • 34 na Kingdom Hall ang bahagyang nasira

Relief Work

  • 27 Disaster Relief Committee (DRC) ang tumutulong sa Ukraine

  • 52,348 kapatid ang tinutulungan ng mga DRC na makahanap ng matutuluyan sa mas ligtas na mga lugar

  • 23,433 kapatid ang lumikas papuntang ibang bansa at tinutulungan sila ng mga kapatid doon