OKTUBRE 04, 2012
UKRAINE
Nanaig ang Katarungan sa Ukraine
Noong Setyembre 26, 2012, ibinasura ng Korte Suprema ng Ukraine ang ilegal na pagtatangkang angkinin ang malaking bahagi ng ari-ariang kinatatayuan ng tanggapang pansangay ng Mga Saksi ni Jehova sa Ukraine.
Binili ng mga Saksi ang ari-ariang iyon noong 1998. Pero noong 2008, ipinagbili ulit iyon ng dating may-ari, sa Sport Development Center LLC (SDC). Kilala sa Ukraine ang ganitong gawain bilang property raid.
Ayon sa desisyon ng lokal na hukuman, legal ang kontrata ng pagbebenta sa SDC, at ibinasura nito ang apela ng mga Saksi.
Pero nanaig ang katarungan. Noong Disyembre 2011, kinatigan ng mataas na hukuman ang mga Saksi, at noong Abril 2012, ibinasura nito ang apela ng SDC. Kinumpirma ng desisyong iyon na ang Mga Saksi ni Jehova ang may legal na karapatan sa ari-arian. Pagkaraan ng tatlong buwan, pinawalang-bisa ng appellate court sa Lviv ang di-makatarungang desisyon ng lokal na hukuman.
Sa kahuli-hulihan, ang desisyon noong Abril ay iniapela ng SDC sa Korte Suprema ng Ukraine. Pero noong Setyembre 26, agad na ibinasura ng korte ang apela, at sa wakas, naresolba ang kaso.
Kung nagtagumpay ang pang-aangkin, mawawala sa Mga Saksi ni Jehova ang kanilang pampangasiwaang gusali at ang malaking bahagi ng ari-arian nila, at mahahadlangan ang kanilang gawain sa punong-tanggapan sa Ukraine.