SETYEMBRE 8, 2014
UNITED STATES
Lillian Gobitas Klose, Estudyante sa Makasaysayang Kaso ng Korte Suprema Noong 1940, Namatay sa Edad na 90
NEW YORK—Si Lillian Gobitas Klose, na naging sentro ng isang napakahalagang kaso sa Korte Suprema ng Estados Unidos dahil sa pagtangging sumaludo sa bandila, ay namatay sa kaniyang tahanan sa Fayetteville, Georgia, noong Agosto 22, 2014, sa edad na 90.
Matapos mapakinggan ang isang broadcast sa pambansang radyo noong Oktubre 6, 1935, tungkol sa utos ng Bibliya laban sa idolatriya, nagpasiya si Lillian Gobitas at ang nakababatang kapatid niya na si William, parehong mga Saksi ni Jehova, na hindi na sila sasaludo sa bandila. Pagkaraan ng ilang linggo, pinatalsik sila sa paaralan dahil sa kanilang paninindigan. Para maprotektahan ang kanilang karapatan, nagsampa ng kaso ang kanilang amang si Walter, at nanalo sa mga lokal na hukuman. Umapela naman ang school board sa Korte Suprema, kung kaya sa desisyon sa kasong Minersville School District v. Gobitis (mali ang ispeling ng apelyido sa mga rekord ng korte) noong Hunyo 3, 1940, natalo ang pamilya Gobitas. Pero makalipas ang tatlong taon, noong Flag Day ng Hunyo 14, 1943, binaligtad ng Korte Suprema ang desisyon nito sa kasong Gobitis ng 1940, nang magpasiya ito sa kasong West Virginia State Board of Education v. Barnette na pahintulutang makabalik sa paaralan ang mga estudyanteng Saksi. Ito ang unang pagkakataon sa kasaysayan ng U.S. na binaligtad ng Korte Suprema ang nauna nitong desisyon sa maikling panahon.
Isinilang si Lillian Gobitas sa Minersville, Pennsylvania, noong Nobyembre 2, 1923. Ang kaniyang mga magulang ay sina Walter at Ruth Gobitas. Nabautismuhan siya bilang Saksi ni Jehova noong Marso 14, 1935. Sa edad na 20, si Ms. Gobitas ay naging buong-panahong tagapagturo ng Bibliya (regular pioneer kung tawagin ng mga Saksi) at nang maglaon ay naglingkod sa pandaigdig na punong-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova sa Brooklyn, New York, mula Pebrero 1946 hanggang Abril 1953.
Sa isang kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova sa Europa noong 1951, nakilala ni Ms. Gobitas si Erwin Klose sa tanggapang pansangay ng mga Saksi sa Germany. Nagpatuloy ang kanilang komunikasyon habang nag-aaral si Mr. Klose sa Watchtower Bible School of Gilead, ang paaralan ng mga Saksi para sa mga misyonero, na nasa South Lansing, New York. Nagtapos siya noong 1952 at naatasan sa Vienna, Austria. Si Ms. Gobitas naman ay nagtapos din sa paaralang iyon noong Pebrero 1954.
Noong Marso 24, 1954, ikinasal sila ni Mr. Klose sa Vienna at nagpatuloy sa gawaing pagmimisyonero sa Austria. Pero sa pagtatapos ng taóng iyon, bumalik sila sa Estados Unidos dulot ng humihinang kalusugan ni Mr. Klose, na epekto ng brutal na pagmamaltrato sa kaniya sa kampong piitan ng mga Nazi dahil sa kaniyang pagiging Saksi ni Jehova. Nang maglaon, nagkaroon sila ng dalawang anak, sina Stephen Paul at Judith Deborah. Noong 1967, ang pamilya Klose ay lumipat sa Riverdale, Georgia, at nagpalawak ng kanilang ministeryo sa pagtuturo ng Bibliya bilang pamilya.
Naiwan ni Ms. Gobitas Klose ang kaniyang anak, si Judith Klose; dalawang kapatid na babae, sina Jeanne Fry at Grace Reinisch; at isang kapatid na lalaki, si Paul Gobitas. Naunang namatay sa kaniya ang kaniyang asawa, mga magulang, mga kapatid na sina William Gobitas at Joy Yubeta, at ang kaniyang anak, si Stephen Paul Klose.
Media Contact:
International: J. R. Brown, Office of Public Information, tel. +1 718 560 5000