NOBYEMBRE 8, 2018
UZBEKISTAN
Sinuportahan ng Matataas na Hukuman ng Uzbekistan ang Karapatan ng mga Saksi ni Jehova na Magkaroon ng mga Literaturang Salig sa Bibliya
Sa loob ng anim na buwan mula Marso 2018, ang Korte Suprema ng Uzbekistan at ang Administrative Court ng Karakalpakstan, isang rehiyon na may sariling gobyerno sa ilalim ng Uzbekistan, ay nagbaba ng desisyon na pabor sa mga Saksi ni Jehova sa mga kaso na may kinalaman sa kalayaan natin sa pagsamba. Binaligtad ng Korte Suprema ang apat na desisyon ng mas mababang hukuman laban sa mga kapatid natin, at binaligtad ng Administrative Court ang ikalimang desisyon.
Kinasuhan ang ilang kapatid natin dahil sa nakumpiska sa kanila ng mga pulis na mga salig-Bibliyang literatura at mga gadyet na may Bibliya. Bilang resulta, ang mga kapatid natin ay hinatulan ng mababang hukuman na nagkasala batay sa isang batas na para sa ilan ay nagbabawal ng pamamahagi ng relihiyosong publikasyon. Mabuti na lang, naglabas ng desisyon ang matataas na hukuman na nagpapawalang-sala sa mga kapatid natin; salungat ito sa mas maagang hatol ng mababang hukuman, at pinawawalang-bisa nito ang ipinataw na multa.
Masaya ang mga Saksi sa buong mundo sa mga pangyayaring ito. Nagpapasalamat sila sa mga awtoridad, at higit sa lahat, kay Jehova dahil sa kaniyang patnubay at suporta “sa pagtatanggol at legal na pagtatatag ng mabuting balita.”—Filipos 1:7.