Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pambuong-Daigdig na Ulat

Pambuong-Daigdig na Ulat

Pambuong-Daigdig na Ulat

APRIKA

Bilang ng mga lupain: 56

Populasyon: 770,301,093

Bilang ng mga mamamahayag: 983,057

Bilang ng mga pag-aaral sa Bibliya: 1,769,182

Alam mo bang ipinangangaral na ang mabuting balita sa Sahara? Ang 17-taóng-gulang na si Nafissatou ay nakatira sa isang minahang bayan sa hilagang Niger. Nang mapunta sa pornograpya ang usapan nilang magkakaeskuwela, lumayo na si Nafissatou. Sinundan siya ng isang estudyante at itinanong kung ano ang problema. Sinabi ni Nafissatou na ayaw niya ng gayong uri ng usapan. Sa pasimula’y tinukso siya ng kabataang babae, na sinasabing wala namang masamang epekto ang pagtingin lamang sa pornograpya. Sumagot si Nafissatou na maselan iyon dahil ayaw ng Maylalang ang mga bagay na iyon. Saka niya kinuha sa kaniyang bag ang aklat na Ang mga Tanong ng mga Kabataan​—Mga Sagot na Lumulutas at ipinakita sa kabataang babae ang bahaging tumatalakay sa mga panganib ng pornograpya. Pagkatapos ay kinuha niya ang kaniyang Bibliya at binasa sa kabataang babae ang 2 Corinto 7:1. Inamin ng kabataang babae na kapag nanonood siya ng imoral na mga video, may nararamdaman siyang kakaiba at matinding damdamin na hindi niya maipaliwanag. Humingi siya ng isang kopya ng aklat na Ang mga Kabataan ay Nagtatanong. Binigyan siya ni Nafissatou ng isang kopya at pagkaraan ay sinabi: “Nang magkita uli kami, nag-iisa lang siya, kaya itinanong ko kung nasaan ang mga kaibigan niya. Ang sabi niya, ‘Ang aklat na ito ang kaibigan ko.’ Sinimulan ko ang pakikipag-aral sa kaniya, at dumalo siya sa Memoryal.”

Mahigit 15 taon na ang nakalipas, isang babae ang nakipag-aral ng Bibliya sa isang misyonera sa Tanzania. Ilang taon ding idinaos ang pag-aaral. Nag-atubili ang babae na manindigan sa katotohanan dahil sa pagsalansang ng kaniyang pamilya, hanggang sa napatigil na ang pag-aaral. Gayunman, tahimik palang nakikinig ang kaniyang dalawang anak na babae habang nakikipag-aral noon ang kanilang nanay. Nang lumipat na ng bahay ang nakatatandang anak sa edad na 18, agad siyang pumunta sa Kingdom Hall at humiling ng pag-aaral. Mabilis siyang sumulong at nagpabautismo. Humiling din ng pag-aaral sa Bibliya ang nakababatang kapatid, at siya rin ay nabautismuhan. Dahil sa napatibay ng matatag na paninindigan sa katotohanan ng kaniyang dalawang anak na babae, nagpasiya ang nanay na ituloy ang pakikipag-aral sa Bibliya. Sa pagkakataong ito ay napagtagumpayan niya ang takot sa tao na pumigil sa kaniya noon, at nabautismuhan siya sa pansirkitong asamblea noong Mayo 2004.

Kapag sinusunod ng kongregasyon ang utos na “alagaan ang mga ulila at mga babaing balo sa kanilang kapighatian,” tiyak na ang kasunod nito ay pagpapala ni Jehova. (Sant. 1:27) Nagkatotoo ito sa isang kongregasyon sa Lesotho. Isa sa mga bautisadong miyembro ng kongregasyon ay nagsosolong magulang na nagngangalang Mapolo, ina ng apat na kabataang lalaki. Alam ni Mapolo na may taning na ang kaniyang buhay dahil sa isang karamdaman at inihanda niya ang kaniyang mga anak na mapangalagaan ang kanilang sarili. Pinagdausan niya sila ng pag-aaral sa Bibliya, isinama sa mga pulong, at tinuruang gumawa ng mga walis, na maipagbibili nila sa tabing daan. Nang mamatay si Mapolo noong 1998, ang naulila niyang mga anak ay inalagaan ng kanilang lola. Pumunta sa ahensiya ng social welfare ang misyonerang tumulong kay Mapolo na maging bautisadong Saksi para maikuha ng benepisyo ang mga naulila at ng pambayad sa pag-aaral nila. Ang ibang mga Saksi naman ay nagbigay ng damit sa mga bata. Pagkaraan ay namatay naman ang lola. Isang kapatid sa kongregasyon ang nagdaos ng pag-aaral ng Bibliya sa kanila at nagbayad ng upa nila sa bahay. Ang lahat ng apat na batang lalaking ito ay regular na dumadalo sa mga pulong. Ang dalawa ay naging di-bautisadong mamamahayag, at ang panganay na si Rantso, 20 taóng gulang na ngayon, ay nabautismuhan sa pansirkitong asamblea noong Marso 2004. Nagdaos siya ng pag-aaral ng Bibliya sa kaniyang pinsan, si Retselisitsoe, na nabautismuhan din nang araw na iyon. Gayon na lamang ang pasasalamat ni Rantso sa maibiging pangangalaga ng mga kapatid sa kanilang magkakapatid sa loob ng maraming taon.

Isang misyonero sa Cameroon ang nag-ulat: “Linggu-linggo, tuwing magdaraos ako ng pag-aaral ng Bibliya sa isang kabataang lalaki, may naririnig ako sa loob ng bahay na kumakanta ng relihiyosong mga awitin. Tinanong ko ang aking estudyante, ‘Sino ang misteryosong mang-aawit na iyon?’ Kapatid pala niya iyon, si Stephen, isang bulag. Gamit ang audiocassette sa brosyur na Ano ang Hinihiling ng Diyos sa Atin?, pinasimulan ko kay Stephen ang isang pag-aaral sa Bibliya. Naging tunguhin namin na sauluhin ang isang talata sa Bibliya sa bawat leksiyon. Napakatalas ng memorya ni Stephen kung kaya natutuhan niya ang maraming talata sa Bibliya. Dumadalo rin siya sa pulong at madalas na nagkokomento. Kamakailan, nagbigay siya ng kaniyang unang pahayag sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo. Pagbabasa iyon sa Bibliya, at palibhasa’y hindi naman marunong ng Braille si Stephen, kinailangan niyang sauluhin ito. Sabik na akong maakay siya sa kamay at makasama sa ministeryo. Ang isa sa mga paborito ni Stephen na talata sa Bibliya ay ang Isaias 35:5, na nagsasabi: ‘Madidilat ang mga mata ng mga bulag.’ Natutuwa si Stephen na nadilat na ang kaniyang espirituwal na mga mata, at umaawit na siya ngayon ng mga papuri kay Jehova, anupat nagpapasalamat sa kaniya na isasauli rin ang kaniyang pisikal na paningin sa hinaharap.”

Sa Liberia na ginigiyagis ng digmaan, isang babaing nagngangalang Nancy ang lumapit sa isang Saksi at humiling ng pag-aaral sa Bibliya. Sinabi sa kaniya ng kanilang pastor ng simbahan na itatapon ng Diyos ang mga Saksi ni Jehova sa impiyerno dahil mga huwad na Kristiyano sila. Pero may ilan siyang kapitbahay na Saksi, at naoobserbahan niya na kapag tumigil na ang putukan, inaalam ng mga elder doon ang kalagayan ng kanilang mga kapatid. Napapansin din niya na kapag tahimik ang paligid, sinasamantala ito ng mga Saksi para magpatotoo sa iba. Si Nancy at ang marami pang iba sa bayan ay humanga nang unang makatawid ang isang sasakyan ng tanggapang pansangay sa hangganan ng magkalabang pangkat dala ang kailangang-kailangang mga suplay na donasyon ng mga Saksi mula sa Pransiya at Belgium. “Sa palagay ko’y nasa inyo ang katotohanan,” ang sabi niya. Mabilis siyang sumusulong sa kaniyang pakikipag-aral.

Isang kabataang lalaki ang dumating sa isang nayon sa Uganda upang magsemento sa isang bahay na pinagpupulungan ng mga kapatid. Sinamantala ng isa sa mga payunir ang pagkakataon na makapagpatotoo sa mason, na nasiyahan naman sa kaniyang narinig. Kaya lamang, malapit na siyang umuwi sa kanilang nayon na nasa itaas pa ng bundok. Dahil walang mga Saksi sa tinitirhan ng lalaki, ipinaliwanag ng payunir kung saan niya makikita ang pinakamalapit na Kingdom Hall. Namisikleta ang lalaki nang 30 kilometro sa makitid at di-sementadong daan pababa ng bundok para hanapin ang mga kapatid. Nang wala siyang makitang tao sa Kingdom Hall, nag-iwan siya ng nota sa ilalim ng pinto, na humihiling ng isang pag-aaral sa Bibliya. Nang hanapin siya sa kanilang nayon ng isang payunir, nagulat ito nang makitang mga 200 katao ang naghihintay na makarinig ng mensahe ng Bibliya! Marami sa kanila ang nagpakita ng tunay na interes sa pag-aaral sa Bibliya. Nagdaraos na ngayon ng mga pulong sa liblib na lugar na ito.

Isang gabi sa isang maliit na nayon na may mga 600 katao sa timog-silangang Nigeria, nakakita ang mga taganayon ng isang maningning na liwanag sa kalangitan na naaaninag sa ilog. Parang papalapit nang papalapit sa kanilang kinaroroonan ang liwanag, kaya nagtakbuhan ang mga taganayon para tumakas. Inakala ng marami na ito na ang pagkawasak na ipinangangaral ng mga Saksi ni Jehova, kaya nagtakbuhan sila patungong Kingdom Hall, na sinasabi, “Hindi wawasakin ng Armagedon ang gusaling ito.” Nang dakong huli, pagsapit ng mga 10:00 n.g., napagtanto ng mga taganayon na sa isang malaking sunog sa kakahuyan pala nanggagaling ang liwanag. Nang tanungin ng mga kapatid ang mga taganayon kung bakit hindi sila tumakbo sa malapit na simbahan, isang lalaki ang sumagot: “Ang iba’y walang-kabuluhang mga simbahan. Wawasakin ng Armagedon ninyo ang mga ito pero hindi ang Kingdom Hall.”

Isang regular pioneer na sister sa isang kampo ng mga lumikas sa Guinea ang nagkuwento: “Habang nagbabahay-bahay, nakasumpong ako ng isang walong-taóng-gulang na batang babae sa kanilang tahanan. May kapansanan siya. Sinabi niya sa akin na palagi siyang iniiwan maghapon ng kaniyang mga magulang sa bahay at ikinakandado ang pinto. Sinabi ko sa kaniya na gusto ko siyang maging kaibigan. Pagkatapos ay tinanong ko siya kung ano ang gusto niyang gawin ng Diyos para sa kaniya. Sinabi niya sa akin na gusto niyang palakarin siya ng Diyos. Binuksan ko ang Bibliya sa Isaias 35:5, 6 at ipinakita sa kaniya na nangangako si Jehova na makalalakad ang mga pilay. Saka ko binuksan ang brosyur na Tamasahin ang Buhay sa Lupa Magpakailanman! sa larawan na doo’y ipinakikita si Jesus habang pinagagaling ang mga maysakit. Sinabi ko rin sa kaniya na mapapasakaniya ang mga pagpapalang ito kung mag-aaral siya ng Bibliya at gagawin ang hinihiling ni Jehova sa kaniya. Pumayag siya sa isang pantahanang pag-aaral sa Bibliya. Natapos na namin ang brosyur na Buhay sa Lupa at halos matatapos na rin ang brosyur na Maaari Kang Maging Kaibigan ng Diyos! Pagkalipas ng tatlong linggong pag-aaral, nagpahayag siya ng pagnanais na makadalo sa mga pulong. Yamang hindi siya makalakad patungong pulong, sinusundo ko siya sa kanilang bahay at pinapasan patungo sa mga pulong. Gustung-gusto niya ang mga pulong anupat sumasamâ ang loob niya sa akin kapag hindi ko siya nasusundo at umiiyak pa nga.”

MGA LUPAIN SA AMERIKA

Bilang ng mga lupain: 56

Populasyon: 868,871,739

Bilang ng mga mamamahayag: 3,165,925

Bilang ng mga pag-aaral sa Bibliya: 3,089,453

Si Marie na taga-Guadeloupe ay nag-ulat: “Sa dalampasigang malapit sa otel na pinagtatrabahuhan ko, itinawag-pansin sa akin ng ilang kostumer na may mga damit at sapatos na dalawang araw nang naiwan sa isang malaking bato. Kinuha ko ang mga ito sa pag-asang makakuha ng impormasyong magpapakilala sa may-ari. Nakita ko ang isang pitaka na may 1,067 euro [$1,372 U.S.]! Inudyukan ako ng ilang naroroon na paghati-hatian na lamang namin ang pera. Sinabi ko agad sa kanila na isa akong Saksi ni Jehova at na inuudyukan ako ng aking budhi na maging tapat. Kaya dinala kong lahat iyon sa reception desk ng otel. Nagtaka rin ang mga empleado roon kung bakit hindi ko kinuha ang pera. Ipinaliwanag ko uli ang aking paninindigan. Pagbalik ko sa dalampasigan, may ilang naroroon na gustung-gustong makaalam pa ng tungkol sa ating mga paniniwala. Gamit ang Bibliya, nagpatotoo ako sa kanila. Kabilang sa kanila ang isang babae na nagsabi, ‘Mga Saksi ni Jehova lamang ang kukunin kong trabahador.’ ” Pagkaraan, nakita rin ang may-ari, at binati ng mga pulis ang sister dahil sa kaniyang pagkamatapat.

Sinasamantala ni Antonio, isang Bethelite sa Mexico, ang bawat pagkakataon na makausap ang mga tao tungkol sa katotohanan. Kamakailan, habang nasa bus padalo sa pulong ng kongregasyon, nakapagpasakamay siya ng tract sa isang lalaki at babaing bihis na bihis. Sinundan ito ng magandang pag-uusap. “Nagpaalam na ako sa kanila nang tumigil ang bus sa aking bababaan,” ang sabi ni Antonio, “pero laking gulat ko nang sumabay sila sa akin para ituloy ang pag-uusap kahit hindi pa sila dapat bumaba. Pagbaba namin, nagpatuloy pa nang kaunti ang aming pag-uusap, at nagpaalam na ako uli. Nagtanong sila, ‘Saan ka ba papunta?’ ‘Sa pulong ng aming kongregasyon,’ ang sagot ko. Nagtinginan silang dalawa at pagkatapos ay nagtanong, ‘Puwede ba kaming sumama sa ’yo?’ ‘Aba, puwedeng-puwede!’ ang sagot ko.” Ang babae na isang abogada, at ang pamangkin nito na isang estudyante sa unibersidad, ay pareho palang nakarinig na ng mensahe ng katotohanan ilang taon na ang nakalilipas pero hindi sila nagpatuloy dahil sa pagsalansang ng pamilya. Habang patungo sila sa pulong kasama ni Antonio, nabanggit nila na sana’y makita nila ang taong unang nakipag-usap sa kanila tungkol sa Bibliya. Tuwang-tuwa sila nang makita nga nila roon ang sister na iyon! Tuwang-tuwa sila sa kanilang pagdalo at gustung-gusto na nilang mag-aral ng Bibliya. “Si Jehova ang umakay sa amin dito, at mula ngayon ay magpapatuloy na kami sa pag-aaral at pagdalo,” ang sabi ng babae. Isinaayos ang pag-aaral, na idinaraos nang dalawang beses sa isang linggo.

Sa Haiti, magkasamang nangangaral noon si Jacqueline, asawa ng tagapangasiwa ng sirkito, at ang isang sister na payunir nang makita nila ang isang babaing nakaupong mag-isa sa tabing daan at umiiyak. Lumapit sa kaniya ang mga sister at nagtanong kung ano ang bumabagabag sa kaniya. Sa simula, ayaw sumagot ng babae, pero dahil sa mabait na panghihikayat, sumagot siya, “Nagawa ko na ang gusto kong gawin.” Palibhasa’y naisip agad na baka uminom ito ng lason, tinanong siya ni Jacqueline at tumangô siya. Agad siyang isinugod ng mga sister sa ospital para magamot. Nang sumunod na linggo, binalikan siya ng sister na payunir para dalawin at patibayin. Napasimulan ang pag-aaral sa Bibliya.

Nang nagbabayad na si Lourdes sa counter ng isang supermarket sa Paraguay, gulat na gulat siya nang malaman na peke pala ang kaniyang ibinabayad na perang papel. Agad na tumawag ng guwardiya ang kahera. Si Lourdes at ang limang-taóng-gulang niyang anak na si Ingrid ay dinala sa isang maliit na kuwarto para hintayin doon ang pulis. Pilit na itinatanong ng manedyer ng supermarket at ng guwardiya kung saan kinuha ng sister ang pekeng pera. Hindi na maalaala ni Lourdes kung saan galing iyon at sinabi sa kanilang hindi niya alam na peke pala iyon. Dahil sa inis, tiningnan ni Ingrid ang manedyer at ang guwardiya at sinabi: “Para naman po kaming magnanakaw kung tratuhin ninyo. Hindi po magnanakaw ang nanay ko. Mga Saksi ni Jehova po kami, at hindi po kami marunong magsinungaling sa mga tao.” Tinanong ng manedyer si Lourdes kung Saksi nga ba siya, at sinabi niyang opo. Sa wakas ay nakumbinsi rin ang mga lalaki na talagang Saksi nga si Lourdes matapos nilang tawagan sa telepono ang tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova. Humingi sila ng paumanhin kina Lourdes at Ingrid dahil sa abala at pinaalis na sila. Pagkaraan, sinabi ni Ingrid na ang pinakamasaklap sa pangyayaring ito ay na hindi tuloy siya nakabili ng popcorn na gustung-gusto sana niya.

Isang brother ang nangangaral sa Costa Rica at nagpasiyang lapitan ang kaniyang kapitbahay na Katoliko para mabigyan ng patotoo. Natatakot ang brother dahil galit ang lalaking ito sa mga Saksi; pinagsasalitaan pa nga sila nito. Laking gulat ng brother nang patuluyin siya ng lalaki at magpaliwanag kung bakit siya nagbago ng pakikitungo. Niyaya raw siya ng kaniyang kaibigan na pumunta sa isang malayong komunidad upang dumalo sa simbahan ng Evangelical. Pagdating nila roon, inanyayahan ang lalaki na magbigay ng kaniyang personal na “testimonya.” Sinabi lamang niya na siya’y Katoliko. Hindi ito nagustuhan ng mga naroroon at pinalabas ng simbahan ang lalaki, sabay sabi sa kaibigan na isinapanganib nito ang sarili na mahatulan dahil sa pakikisama niya sa isang Katoliko. Umalis ang lalaki sa simbahan, pero dahil hindi siya pamilyar sa lugar na iyon na malayo sa kanila, hindi niya malaman kung saan siya magpapalipas ng gabi. Pumunta siya sa isang bahay at ipinaliwanag niya ang nangyari, at pinatuloy naman siya. Pinakain siya roon, at binigyan ng isang lugar na matutulugan. Nangaral din sa lalaking ito ang mga may-ari ng bahay. Oo, mga Saksi ni Jehova sila. Kaylaking patotoo sa lalaking ito na mapatunayang tunay ngang umiibig sa kanilang kapuwa ang mga Saksi! Nakikipag-aral na siya ngayon ng Bibliya sa mga Saksi.

Isang sister sa Trinidad ang sumulat: “Habang nagpapatotoo ako sa lansangan, may isang babaing lumapit sa akin at humiling ng mga bagong magasin. Matapos kong maipasakamay sa kaniya ang ilang magasin, inalok ko siya ng libreng pantahanang pag-aaral sa Bibliya. Sinabi ng babae na nag-aral na siya noon pero napahinto nang lumipat siya sa lugar na ito. Hiningi ko ang kaniyang pangalan at adres, pero tumanggi ang babae, na sinasabing kung tunay na Diyos daw ang pinaglilingkuran namin, ituturo sa akin ng Diyos ang bahay niya. Kinabukasan habang nagbabahay-bahay, kumatok ako sa isang pinto, at ang babaing iyon ang lumabas. Nang makita niya ako at ang aking kasama, nagtataka siyang napatawa at nagsabi, ‘Paano ninyo ako nakita agad?’ Tinanong ko siya kung naaalaala pa niya ang sinabi niya sa akin noong nakaraang araw. Pinatuloy niya kami sa kaniyang bahay, at pinasimulan namin ang pag-aaral. Ang babaing ito ngayon ay isa nang di-bautisadong mamamahayag.”

ASIA AT GITNANG SILANGAN

Bilang ng mga lupain: 47

Populasyon: 3,971,703,969

Bilang ng mga mamamahayag: 574,927

Bilang ng mga pag-aaral sa Bibliya: 444,717

Si Ghanshyam ay isang regular pioneer sa Nepal. Kumikita siya sa pamamasada ng taksi. Sa kaniyang trabaho, nakakatagpo niya ang mga tao mula sa iba’t ibang pinagmulan at lagi niyang nakikitang nagmamadali ang karamihan sa kanila, kahit sa gabi, at halos walang panahon para makipag-usap. Gayunman, sinisikap pa rin niyang makapagpasimula ng pag-uusap. Hangga’t maaari, binibigyan niya ang kaniyang mga pasahero ng angkop na tract at adres ng pinakamalapit na Kingdom Hall. Marami naman sa kaniyang mga pasahero ang natuwa. Lima sa kanila ang nakikipag-aral na ngayon ng Bibliya kay Ghanshyam.

Sa Taiwan, madalas na ginagamit ng asawa ng isang sister ang malakas niyang boses upang pagalitan ang kaniyang asawa, lalo na kapag padalo na ito sa pulong Kristiyano. Hanggang sa isang araw ay bigla siyang naistrok. Naparalisa siya at naospital. Matiyaga siyang inalagaan ng sister at mataktikang tinulungan na maunawaan ang katotohanan sa Bibliya habang nagpapagaling siya. Ang sabi ng sister: “Kailangan ng iyong utak ang ehersisyo, kaya magsasabi ako sa iyo ng ilang impormasyon, at tatandaan mo ito, OK?” Alam niyang kailangan niya talagang mag-isip, kaya pumayag siya. Ginamit ng sister ang mga impormasyon mula sa iba’t ibang brosyur para ituro sa kaniya ang ilang saligang katotohanan, gaya ng pangalan at mga katangian ng Diyos at ang tema ng Bibliya. Bukod dito, maraming kapatid ang dumadalaw sa kaniya at nagpapakita sa kaniya ng kabaitan. Naantig nito ang kaniyang damdamin anupat pag-uwi ng bahay mula sa ospital, pumayag na siyang mag-aral ng Bibliya. Dumadalo na siya ngayon sa mga pulong nang nakasilyang de-gulong at ginagamit ang malakas niyang boses sa pagkokomento.

Si Rohana, isang lalaking special pioneer na nagtatrabaho sa isang lalawigan ng Sri Lanka, ay napaharap sa pagsalansang ng isang lalaking drayber ng pedicab​—tricycle na may dalawang upuan ng pasahero. Kapag nakikita ng lalaking ito si Rohana sa ministeryo, pasigaw niya itong minumura. Minsan, tinakot niya si Rohana na kung hindi ito titigil sa kaniyang pangangaral sa lugar na iyon, posibleng masaksak siya. Naging mahinahon naman ang tugon ni Rohana. Nang maglaon, naaksidente ang lalaking ito at naospital dahil sa natamong malulubhang sugat. Dinalaw siya ni Rohana sa ospital at dinalhan niya ito ng regalo. Nang makita ng lalaki kung sino ang dumalaw sa kaniya, napaiyak siya at humingi ng tawad kay Rohana sa lahat ng masasamang pakikitungo niya rito. “Ginoo, dahil sa pakikitungo ko sa iyo, dapat sana’y pinalo mo na lamang ako ng dos por dos kaysa nagbiyahe ka pa nang malayo para aliwin lamang ako,” ang sabi ng lalaki. Nakalabas na siya ngayon sa ospital at patuloy sa kaniyang pamamasada ng pedicab. Regular din siyang nagbabasa ng ating mga magasin.

Napakaraming dumarayo sa Hong Kong upang magtrabaho bilang mga domestic helper. Isa sa mga babaing ito ang nagsimula nang mag-aral sa brosyur na Ano ang Hinihiling ng Diyos sa Atin? sa Pilipinas at nagnanais na makapagpatuloy sa kaniyang pag-aaral ng Bibliya. Kaya lamang, hindi niya alam kung saan matatagpuan ang mga Saksi, kaya nanalangin siyang makita sana niya sila. Noong araw na wala siyang trabaho, tumawid siya ng daungan patungo sa pangunahing distrito ng negosyo at lugar ng central park na pinupuntahan ng maraming Pilipino tuwing dulo ng sanlinggo. Naghanap siya pero wala siyang makitang mukhang Saksi ni Jehova, bagaman regular silang nagpapatotoo sa parke tuwing dulo ng sanlinggo. Gayunman, may nakita siyang brosyur na Hinihiling na itinapon sa basurahan. Pinulot ng babae ang brosyur at nakita niyang may nakasulat ditong numero ng telepono. Sa sister na nagpasakamay ng brosyur ang numerong iyon. Gulat na gulat at tuwang-tuwa ang babae nang malaman niyang sa housing complex din na pinapasukan niya nagtatrabaho ang sister. Nagpatuloy siya sa kaniyang pag-aaral ng Bibliya at dumadalo na siya sa mga pulong.

Tamang-tama ang panahon ng pagpapastol ng isang tagapangasiwa ng sirkito at ng isang elder sa Republic of Korea. Dinalaw nila ang isang sister na sampung taon nang di-aktibo. Nagpasiya ang kaniyang asawa, isang ateista, na magsimba matapos maoperahan. Nang dumalaw ang mga brother, nakilala nila ang asawa ng sister, na tumanggap ng brosyur na Hinihiling pagkatapos ng palakaibigang pag-uusap. Pinatibay ng elder ang sister habang pinagdarausan niya ng pag-aaral ang asawa nito. Pumayag ang asawang lalaki nang anyayahan siyang dumalo sa pandistritong kombensiyon, at pagkatapos nito ay hindi na siya nagsimba at naging regular na sa pagdalo sa mga pulong. Sumulong din ang sister at humiling na dalawin din sana ang kanilang apat na anak na nakatira sa kabilang lunsod. Bilang resulta, ang asawa ng sister, ang kaniyang panganay na anak na babae at ang asawa nito, at ang kaniyang bunsong anak na babae ay nabautismuhan. Nang maglaon, nabautismuhan din ang kaniyang panganay na anak na lalaki at ang asawa nito, anupat lahat-lahat ay umabot sa anim na bagong mga Saksi.

Naging mahirap para kay Yuki, estudyante sa haiskul sa Hapon, na sabihin sa kaniyang mga kaklase na isa siyang Saksi ni Jehova. Palibhasa’y alam niyang kailangan siyang magpatotoo, napag-isip-isip niya na siya ang dapat magsimula ng pakikipag-usap, yamang hindi kailanman napag-uusapan ng kaniyang mga kaklase ang tungkol sa relihiyon. Nagpasiya siyang ipakita sa kaniyang mga kaibigan na mananalangin muna siya bago kumain nang tanghaliang iyon. Buong umaga siyang taimtim na nanalangin na magkaroon sana siya ng lakas ng loob. Pagkatapos, sa halip na madaliin niya ang kaniyang panalangin noong tanghaliang iyon upang walang makapansin, itinungó niya ang kaniyang ulo at nanalangin nang mahaba-haba. Nang matapos siya, nagtanong ang isa niyang kaklase kung may dinaramdam siya. Pero hindi pa rin nakapagpatotoo si Yuki. Dahil sa lungkot na lungkot siya sa nangyari, humingi siya ng paumanhin kay Jehova sa panalangin at muli siyang humiling ng lakas ng loob. Nang sumunod na araw, pagkapanalangin ni Yuki, kinumusta uli siya ng kaniyang kaklase, at inisip ni Yuki, ‘Ngayon na!’ Ipinaliwanag niyang siya ay Saksi ni Jehova. Nagulat noong una ang kaklase niya, pero pagkaraan ay pinaulanan niya si Yuki ng sunud-sunod na mga tanong​—Ano ang idinadasal mo? Ano ang pangalan ng Diyos? Sino ba si Jesus? at iba pa. Tuwang-tuwa si Yuki.

Sa Kupang, Indonesia, kilala si Glenn bilang lasenggo at sugapa sa droga. Inuupahan siya ng mga tao para takutin o bugbugin ang iba. Nakikitira siya sa bahay ng kaniyang mga magulang nang dumalaw ang dalawang Saksi ni Jehova at nakipag-usap sa kanila tungkol sa Bibliya. Di-nagtagal, tinanggap ni Glenn ang pag-aaral sa Bibliya at buong-pagsisikap na dinaig ang kaniyang di-kanais-nais na mga paggawi. Isang araw, binigyan siya agad ng isang may-ari ng tindahan ng napakalaking halaga upang bugbugin ang isang lalaki. Pinag-isipan ni Glenn ang alok na iyon ngunit nagpasiya siyang huwag nang tumanggap ng gayong trabaho. Isinauli niya ang pera at tinanggihan ang trabaho. Pagkaraan, nang pumunta si Glenn sa isa pang tindahan, natakot ang may-ari sa pag-aakalang pumunta ito para bugbugin siya. Kinumbinsi ni Glenn ang may-ari na nag-aaral na siya ngayon ng Bibliya at namumuhay na nang tahimik. Tinanggap ng may-ari ng tindahan ang pag-aaral sa Bibliya at binigyan din siya ng trabaho sa tindahan. Sa pandistritong kombensiyon noong nakaraang taon, nabautismuhan si Glenn, at naroroon din ang may-ari ng tindahan.

EUROPA

Bilang ng mga lupain: 46

Populasyon: 728,373,014

Bilang ng mga mamamahayag: 1,490,345

Bilang ng mga pag-aaral sa Bibliya: 733,728

Pagkamatay ni Jacoba, 88-taóng-gulang na sister sa Netherlands, tumanggap ang kaniyang mga kamag-anak ng opisyal na liham mula sa istasyon ng pulisya roon. Walang palya ang pagdadala niya ng mga magasin sa kanila sa loob ng maraming taon. Ganito ang mababasa sa isang bahagi ng liham: “Malapit siya sa puso namin. Palagi niya kaming dinadalaw sa aming istasyon, at gustung-gusto namin siyang kasalo sa pag-inom ng tsa. Hanga kami sa lakas ng kaniyang loob​—sa edad niyang iyon ay nakapamimisikleta pa siya, umulan man o umaraw, upang mapuntahan ang mga tao para sabihin ang kaniyang mga paniniwala. Hahanap-hanapin namin siya.”

Sa Switzerland naman galing ang karanasang ito. Ipinagkatiwala ng isang magbabakasyong pamilyang Saksi ni Jehova ang mga susi ng kanilang apartment sa anak ng isa pang pamilyang Saksi, at ipinakisuyo na habang wala sila, pakanin niya ang mga isda sa akwaryum. Sa unang pagpunta ng batang lalaki sa apartment, hindi niya mabuksan-buksan ang pinto. Narinig ng isang babae sa kabilang apartment ang ingay at sumilip siya sa kaniyang pinto. Nang makita niyang pilit na binubuksan ng batang lalaki ang pinto ng apartment, inakala niyang ito’y magnanakaw at tumawag siya ng pulis. Pagkatapos na mapakain ng batang lalaki ang mga isda, lumabas na siya at hinarap siya ng dalawang armadong pulis! “Ano’ng ginagawa mo rito?” ang tanong nila. “Pinakain ko lang po ang mga isda na ibinilin sa akin,” ang sagot niya. Hindi siya pinaniwalaan ng mga pulis. Nagpaliwanag siya: “Isa po akong Saksi ni Jehova, at gayundin po ang pamilyang nakatira rito. Pinagbilinan po nila akong gawin ito habang wala sila, kaya ibinigay nila sa akin ang kanilang susi.” Hindi nakumbinsi ang mga pulis at gusto nilang dalhin siya sa istasyon ng pulisya. “Sandali lang po,” ang sabi ng bata. “Iniwan po ng aking mga kaibigan ang numero ng kanilang cellphone sa papel na ito; puwede po ninyo silang tawagan ngayon at tanungin kung totoo ang sinasabi ko.” Tinawagan ng pulis ang numero at napatunayang totoo nga ang sinasabi ng bata. Dahil dito, humingi sila ng paumanhin at umalis na. Pag-uwi ng pamilya mula sa bakasyon, kinausap nila ang babae sa kabilang apartment, na kalilipat lamang doon. Pinasalamatan nila siya sa kaniyang pagmamalasakit. Saka nila ipinaliwanag na tulad nila, ang batang lalaking iyon ay Saksi ni Jehova at na siya’y lubos na mapagkakatiwalaan. Dahil walang kaalam-alam ang babae tungkol sa mga Saksi ni Jehova, nagpatuloy ang kanilang pag-uusap at tumanggap siya ng pag-aaral sa Bibliya.

Habang nagbabahay-bahay sa Italya, nagkaroon ng pagkakataon ang isang sister na makausap ang isang inang abala sa pagtatrabaho. Pagkatapos mabigo sa maraming ulit na pagsisikap na makausap siyang muli, ipinasiya ng sister na tawagan siya sa telepono. Sa telepono, ipinaliwanag ng babae na talagang wala siyang panahong makipag-usap tungkol sa Bibliya. Ang sabi ng sister: “Sa loob ng 10 o 15 minuto, may matututuhan kang bago, kahit sa telepono lamang.” “Aba, kung sa telepono, OK lang sa akin!” ang sagot ng babae. Kamakailan, iniwan ng sister sa kaniya ang aklat na Ang Kaalaman na Umaakay sa Buhay na Walang-Hanggan at pinasimulan ang pag-aaral sa telepono. Nag-aaral sila tuwing Sabado ng umaga, pero ang 10 o 15 minuto ay naging 30 minuto na ngayon.

Si Angela ay isa sa dumaraming mamamahayag sa Britanya na tumanggap ng hamon na magpatotoo sa maraming dayuhang naninirahan ngayon doon. Nang pumasok siya sa isang tindahan ng mga pagkaing Tsino, sinenyasan siyang lumabas ng isang nagtatrabaho roon. Pero nang paalis na si Angela, isang Tsina ang tumatakbong papalabas mula sa likod ng tindahan, habang isinisigaw ang pangalan ng Diyos sa wikang Tsino. Pagkatapos ng unang pag-uusap na iyon, regular nang nag-iiwan si Angela ng mga magasin sa kaniya. Bagaman nagustuhan naman ng babae ang mga publikasyon, ipinaliwanag niyang hindi niya mapaniwalaan na ang Diyos ang gumawa ng uniberso. Para sa kaniya, lahat ng bagay ay umiral nang di-sinasadya.

Ang trabaho ng babae sa tindahan ng pagkain ay ang magluto ng lumpiang prito. Tinanong siya ni Angela kung ilang sangkap ang ginagamit niya para makapagluto ng lumpiang prito. Sumagot siya: “Lima.” Saka iminungkahi ni Angela na sa susunod na pagluluto niya ng lumpiang prito, ihagis niyang pataas ang limang sangkap at tingnan niya kung ilang lumpiang prito ang maluluto nito. Pagpunta ni Angela sa tindahan nang sumunod na linggo, sinalubong siya ng Tsina, ibinigay sa kaniya ang bagong-luto na lumpiang prito, at sinabing naniniwala na siyang Diyos nga ang gumawa ng uniberso. Pinasimulan ang regular na pag-aaral sa Bibliya, at mabilis na sumusulong ang babaing ito sa pag-aaral ng katotohanan mula sa Salita ng Diyos.

Sa Alemanya, kapag ibinibiyahe sa tren ang mga basurang radyoaktibo na galing sa plantang nuklear, madalas na nagpoprotesta ang mga aktibistang pangkapaligiran. Kaya naman guwardiyado ng mga pulis ang istasyon ng tren at tinitiyak na walang makasasagabal sa pagdaan ng tren. Noong Nobyembre 2003, naganap ang ganitong pagbabantay malapit sa lugar kung saan nagpapayunir si Gudrun. “Nakikini-kinita ko ang mga pulis na ilang oras na nakaupo at naghihintay,” ang paliwanag niya, “kaya ipinasiya kong lapitan sila at bigyan ng mababasa.” Napansin ni Gudrun na medyo palakaibigan naman ang mga pulis. Bitbit ang isang basket na punô ng mga kopya ng Ang Bantayan at Gumising!, madali siyang nakahingi ng pahintulot na makausap ang mga pulis. Kinunan pa nga siya ng litrato ng isang grupo mula sa Bavaria habang inaalukan niya sila ng Gumising! sa kanilang sasakyan. Sa loob ng dalawang araw, naglakbay siya nang mahigit 120 kilometro habang nakikipag-usap sa mahigit 100 pulis sa buong ruta. Nakapagpasakamay siya ng 184 na magasin. “Hinding-hindi ko malilimutan ang karanasang ito!” ang masigla niyang sinabi.

Sa Espanya, pagkatapos ng trabaho isang araw, pumunta si Ana María sa hintuan ng bus, at habang naghihintay roon, binasá-basá niya ang ilang nakapaskil na paunawa. Agad na natawag ang pansin niya sa isa sa mga ito. Ganito ang mababasa: “Kailangan kong makakita agad ng mga Saksi ni Jehova upang maipagpatuloy ko ang aking pag-aaral sa Bibliya.” Agad na tinawagan ni Ana María ang numero ng telepono at isinaayos na makipagkita sa babae, na Felicitas ang pangalan. Kalilipat lamang niya mula sa Ecuador, kung saan dalawang taon siyang nag-aral ng Bibliya. Agad na ipinagpatuloy ang pag-aaral sa Bibliya, at mula noon ay dumadalo na sa lahat ng pulong si Felicitas at ang kaniyang anak na lalaki. Natutuwa sila na hindi naantala nang matagal ang kanilang pagsulong sa espirituwal.

Isang babae sa Bulgaria ang nakisali sa kaniyang apong lalaki sa pakikipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi. Tuwang-tuwa siya nang malaman na Jehova ang pangalan ng Diyos. Dahil wala ang pangalan ng Diyos sa kaniyang Bibliya, ipinasiya niyang pumunta sa isang tindahan ng mga aklat para bumili ng isa na mayroon nito. Tinanong siya ng tindero kung ano ang hinahanap niya. Nang sabihin niya sa tindero, sinigawan siya nito: “Kabilang ka sa sektang iyon!” Tamang-tama, isang pari ang pumasok sa tindahan. Nang tanungin ang pari, “Ano po ang pangalan ng Diyos?” sumagot siya: “Siyempre, Jehova. Kaya tigilan mo na ang kasisigaw sa babaing ito.” Nagulantang ang tindero. Mahusay na sumusulong sa espirituwal ang babae at ang tatlong miyembro ng kaniyang pamilya.

Isang pamilya sa Russia ang dumanas ng trahedya: ang mga magulang ay namatayan ng kanilang pinakamamahal na anak na lalaki. Isang araw bago ang libing, tinawagan ng ina ang lahat ng kaibigan ng kaniyang anak, gamit ang mga numero ng telepono na nakita sa kuwaderno nito. Naroon din sa kuwaderno ang numero ng telepono ng isang pamilyang Saksi ni Jehova, na inanyayahan din ng ina sa libing. Hindi kilala ng pamilyang Saksing ito ang ina, ngunit ipinasiya nilang samantalahin ang pagkakataon na maaliw ang pamilya ng namatay. Ipinakipag-usap ng brother sa ama ng namatay ang tungkol sa pagkabuhay-muli at iniwanan niya ito ng brosyur na Kapag Namatay ang Iyong Minamahal. Dinalaw siya ng brother pagkalipas ng dalawang araw. Ang sabi ng ama: “Naantig kami sa brosyur. Ipinasiya naming maglaan ng panahon para pag-aralan ang Bibliya.” Nagpatala na ang asawang babae sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo at naghahanda nang maging di-bautisadong mamamahayag.

OCEANIA

Bilang ng mga lupain: 30

Populasyon: 34,820,382

Bilang ng mga mamamahayag: 94,087

Bilang ng mga pag-aaral sa Bibliya: 48,307

Si Olena ay 12 taóng gulang pa lamang nang mabautismuhan noong Disyembre 2003, sa Hawaii. Di-gaya ng mga kabataan na walang ginagawa kundi maglibang, si Olena ay may espesipikong espirituwal na mga tunguhin. Ang sabi niya: “Masayang-masaya ako sa aking pag-o-auxiliary pioneer noong Marso at Mayo, at tuwang-tuwa akong makasama ang mga payunir at mga may edad na. Halimbawa, nagkapribilehiyo ako na makasama ng dating misyonera sa kaniyang pagdalaw at pagdaraos ng pag-aaral sa Bibliya sa wikang Tsino tuwing Sabado ng hapon. Nagustuhan ko ang wikang iyon. Pangarap kong maging regular pioneer sa isang kongregasyon na iba ang wika. Para matupad ang tunguhing iyan, nangangaral ako paglabas ko sa paaralan tuwing Miyerkules gayundin tuwing Sabado at Linggo. Plano ko rin na palaging mag-auxiliary pioneer hangga’t maaari.” Ano pa kaya sa palagay ni Olena ang makatutulong sa kaniya na maabot ang mga tunguhin niya? “Ang pag-iingat sa aking puso ay nangangahulugang dapat kong ipakita sa aking mga kilos na mahalaga sa akin ang pagpapalugod kay Jehova,” ang sabi niya. “Ang pakikisama sa mga tulad kong umiibig kay Jehova ay makatutulong sa akin na manatili sa landas ng katuwiran. Ang paggugol ng higit na panahon sa paglilingkod kay Jehova ay nangangahulugan ng paggugol ng mas kaunting panahon sa pakikisama sa mga taong may makasanlibutang paggawi. Iniingatan ako nito upang huwag isipin na ang makapagpapaligaya sa akin ay ang materyal na mga bagay at imoral na mga libangan.”

Naging kaugalian na para sa mga magulang sa Solomon Islands na ipamigay ang isa o dalawa sa kanilang mga anak sa mga kamag-anak para palakihin. Nang malaman kung ano ang inaasahan ni Jehova sa mga magulang, isinaayos ng isang mag-asawa na mabawi ang kanilang anak na babae, si Deborah, na noon ay tin-edyer na. Ano kaya ang mangyayari kapag bigla niyang nasumpungan ang kaniyang sarili na bahagi ng isang pamilyang Saksi, na may abalang iskedyul ng mga pulong, pagpapatotoo, at pampamilyang pag-aaral sa Bibliya? Naaalaala pa ni Deborah: “Noon pa mang unang pagdalo ko, nadama ko agad na tuwang-tuwa sa aking pagdating ang mga naroroon. Akala ko’y makakakita ako ng ilang klerigo na may ibang kasuutan, pero wala pala. Waring lahat ay nakikibahagi sa mga pulong, kahit ang maliliit na bata.” Di-nagtagal at nakibahagi na rin si Deborah. Ang isa pang ikinahahanga niya ay ang paraan ng pagtuturo ng tatay niya sa kaniya at sa kaniyang mga kapatid. Ang sabi niya: “Tinutulungan kami ni Itay na pag-isipang mabuti ang mga halimbawa ng mga tao sa Bibliya. Talagang nakakatulong ito sa akin kapag may problema ako.” Ayon kay Deborah, di-bautisadong mamamahayag na ngayon, tuwang-tuwa siya at napakilos ng katotohanan mula sa Salita ng Diyos ang kaniyang mga magulang na mapabalik siya sa pamilya at sa daan ng buhay.

May mga bulubunduking bahagi sa Papua New Guinea, at maraming nayon ang walang kalye. Ilan sa mga nayong ito ay hindi pa nararating ng modernong sibilisasyon. Gayunman, may paraan ang mabuting balita ng Kaharian para mapasok kahit ang mga lugar na ito. Isang lalaking nagngangalang Leanna ang dumalo sa isang pulong ng kongregasyon sa kabiserang Port Moresby. Nagulat ang mga kapatid nang malaman nilang siya’y pinuno ng nakabukod na nayon sa itaas ng bundok, kung saan ang kaniyang mga sakop ay inosente sa anumang modernong kaalwanan. Inabot si Leanna nang limang araw na paglalakad sa mga palumpungan patungong haywey. Mula roon ay sumakay siya sa trak patungong kabisera. Sinabi niyang mga apat na taon na ang nakalilipas, bumaba siya sa kabayanan, at nakilala niya ang isang brother sa lansangan na nagpasakamay sa kaniya ng isang magasing Bantayan. Iniuwi ni Leanna ang magasin sa kanilang nayon, at pagkabasa nito, nagsimula na siyang magturo sa mga tao sa kanilang nayon mula sa magasin. Ginagawa niya ito tuwing Linggo sa loob ng ilang taon, anupat maingat na ibinabalot sa plastik ang magasin upang maingatan ito. Nang dakong huli, hinimok siya ng mga taganayon na hanapin ang mga tagapaglathala ng magasing iyon. Bumaba siyang muli sa kabayanan at nakausap ang mga kapatid, na nagsaayos ng pakikipag-aral sa kaniya. Mga dalawang linggong nakitira si Leanna sa isang pamilyang Saksi at natapos ang pag-aaral sa brosyur na Hinihiling. Nang ipaliwanag sa kaniya na may kongregasyon sa isang bayan na di-kalayuan sa kanilang nayon, tuwang-tuwa siya at napabulalas: “Madali lang iyan! Dalawang araw lamang na lakarín iyan mula sa aming nayon!” Taglay ang isang bag na punô ng literatura at mas malalim na unawa sa katotohanan ng Salita ng Diyos, yumaon siya sa malayong paglalakbay pauwi sa kaniyang nayon. Isinaayos na madalaw ang nayong iyon sa malapit na hinaharap upang tumpak na maturuan sa Bibliya ang mga tao roon.

Sa islang bansa ng Kiribati, ikinuwento ng isang sister na nagtatrabaho sa tanggapan ng pagsasalin ng mga Saksi ni Jehova ang karanasang ito: “Isang umaga, inilagay ko sa aking bag ang isang magasing Bantayan na tumatalakay sa paksang impiyerno at ipinasiyang ialok ito, kahit luma na. Ako at ang aking kasama ay nakatagpo ng isang lalaki. Nagpakilala kami at ipinakita namin sa kaniya ang magasin, matapos banggitin sa maikli ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa impiyerno. Tumungó siya at matagal na hindi nakapagsalita, kaya tinanong ko siya kung may dinaramdam ba siya. Nang iangat niya ang kaniyang ulo, napansin kong umiiyak siya. Sinabi niya sa amin na lubha siyang naantig sa paksa ng magasin. Ilang linggo pa lamang namamayapa ang kaniyang anak na lalaki, at nagdadalamhati pa rin silang mag-asawa. Kapuwa sila patuloy na nananalangin na pagaanin sana ng Diyos ang kanilang dibdib dahil naniniwala silang nasa nag-aapoy na impiyerno ang kanilang anak. Nang marinig ang sinasabi mismo ng Bibliya tungkol sa kalagayan ng mga patay, ang lalaki ay manghang-mangha at tuwang-tuwa. Pinasimulan ang pag-aaral nang balikan siyang muli. Madalas niyang sabihin na nananalangin siya sa Diyos na ipakita sana sa kaniya ang katotohanan at na nasasabik siyang makasumpong ng relihiyon na talagang nagtuturo ng Bibliya. Nagsimula na siyang dumalo sa mga pulong at naghahandang mabuti upang taimtim na makasagot sa Pag-aaral sa Bantayan.”

Noong Disyembre 2003, mahigit 60,000 delegado ang dumalo sa pinakamalaking kombensiyon na idinaos ng mga Saksi ni Jehova sa Australia. Pag-uwi mula sa kombensiyon sa Sydney, sabik na sabik ang anim-na-taóng-gulang na si Alyscea na ipakita sa kaniyang mga kaeskuwela ang bagong aklat na, Matuto Mula sa Dakilang Guro. Nang sunduin siya nang hapong iyon, nagulat ang nanay ni Alyscea nang makita ang mga salitang “Magbigay ng Kaluwalhatian sa Diyos” na nakasulat sa malalaking titik sa pisara ng silid-aralan. Nang umagang iyon, ibinahagi pala ni Alyscea sa tatlong guro at sa 24 niyang kaklase ang kaniyang ulat sa kombensiyon. Lahat ay humanga sa bagong aklat at sa masiglang pagrerepaso ni Alyscea sa ilang tampok na bahagi sa programa. Ang mga salitang “Magbigay ng Kaluwalhatian sa Diyos” ay maghapong nakasulat sa pisara.

[Larawan sa pahina 43]

Nafissatou, Niger

[Larawan sa pahina 43]

Si Rantso (pangalawa mula sa kanan) kasama ang kaniyang pinsan at mga kapatid, Lesotho

[Larawan sa pahina 48]

Marie, Guadeloupe

[Larawan sa pahina 48]

Antonio, Mexico

[Larawan sa pahina 52]

Ghanshyam, Nepal

[Larawan sa pahina 56]

Jacoba, Netherlands

[Larawan sa pahina 58]

Angela, Britanya

[Larawan sa pahina 61]

Olena, Hawaii