Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pangangaral at Pagtuturo sa Buong Lupa

Pangangaral at Pagtuturo sa Buong Lupa

Pangangaral at Pagtuturo sa Buong Lupa

SA BUONG DAIGDIG

LUPAIN 239

MAMAMAHAYAG 7,782,346

KABUUANG ORAS NA GINUGOL SA LARANGAN 1,748,697,447

PAG-AARAL SA BIBLIYA 8,759,988

APRIKA

LUPAIN 58

POPULASYON 968,989,710

MAMAMAHAYAG 1,312,429

PAG-AARAL SA BIBLIYA 2,999,639

Hindi Na Magpapalaglag.

Nakatira si Saba sa Addis Ababa, ang kabisera ng Ethiopia. May tindahan siya. Isang araw, dalawang sister ang lumapit at nag-alok ng magasing Gumising! tungkol sa aborsiyon. Pinapasok sila ni Saba at naluluhang sinabi na nagpaplano nga siyang magpalaglag. Habang nag-uusap, hindi napigilan ng tatlo ang kanilang emosyon at nag-iyakan sila. Nang mismong araw na iyon, nagdesisyon si Saba na hindi na magpalaglag at matatag niyang sinabi ito sa asawa. Nang maglaon, isang magandang sanggol na babae ang isinilang niya. Nag-aral din siya ng Bibliya at nabautismuhan. Isa nang masayang payunir si Saba. Nag-study rin ang asawa niya at isa nang brother ngayon. Noong Abril 2012, dalawa sa mga anak nila ang nabautismuhan.

‘Puwede ba Siyang Makausap?’

Isang tagapangasiwa ng sirkito sa Ethiopia ang nagbahay-bahay kasama ng isang brother. Sa isang pinto, tinanong nila ang kasambahay kung puwede nilang makausap ang may-ari ng bahay. Nang sabihin nitong hindi posible, nagtanong sila kung puwede na lang silang mag-iwan ng literatura. Pumasok ang kasambahay para magpaalam sa may-ari. Pagbalik, sinabi nitong gusto munang makita ng may-ari ang literatura.

Kaya nagbigay ng magasin ang mga brother. Pagkaraan ng ilang minuto, bumalik ang kasambahay at sinabing pumayag ang may-ari na basahin ang mga magasin. Sinabi ng isa sa mga brother, “Kung hindi siya puwedeng lumabas, puwede kaya kaming pumasok para makausap siya?” Muling pumasok ang kasambahay para tanungin ang may-ari. Pero mas matagal siya ngayon sa loob, kaya nag-iisip ang mga brother kung lalabas pa ba siya. Nang maglaon, bumalik ang kasambahay at pinapasok sila. Nakita ng mga brother na ang lalaking may-ari ng bahay, si Yirgu, ay may-edad na at sampung taon nang nakaratay sa higaan at hindi man lang kayang umupo. Kaya pala nagtagal ang kasambahay ay para bihisan si Yirgu at imisin ang kuwarto.

Ibinahagi ng mga brother ang mabuting balita. Nagustuhan ito ni Yirgu at pumayag siyang magpa-Bible study. Habang nagpapatuloy ang pag-aaral, bumubuti ang kalusugan ni Yirgu. Di-nagtagal, nakakabangon na siya at nakakakilos sakay ng wheelchair. Nang maglaon, dumadalo na siya sa pulong at nabautismuhan nitong nakaraang pandistritong kombensiyon.

Ang Relihiyong Pinanggalingan ng mga Aklat ng Tatay Niya

Taga-Zimbabwe si Calvin. Apat na taon lang siya nang mamatay ang tatay niya. Ang tanging iniwan nito sa kaniya ay isang bag na may Bagong Sanlibutang Salin at aklat na Hula ni Isaias—Liwanag Para sa Buong Sangkatauhan, Tomo 1. “Huwag kang hihiwalay sa relihiyong pinanggalingan ng mga aklat na ’to,” ang bilin ng tatay niya. “Sila ang nagtuturo ng katotohanan.”

Pagkamatay naman ng nanay ni Calvin, kinupkop siya ng lola niya. Sa loob ng siyam na taon, hindi sumama si Calvin sa lola niya sa simbahan dahil naniniwala siyang matatagpuan din niya ang relihiyong pinanggalingan ng mga aklat ng tatay niya.

Isang araw, may nakausap na sister ang lola. Walang kamalay-malay na Saksi ang sister, sinabi ng lola na may apo siyang napakatigas ng ulo at ayaw sumama sa kaniya sa simbahan. Tuwing Linggo, imbes na magsimba, binabasa ni Calvin ang aklat na iniwan ng tatay niya. Itinanong ng sister kung anong aklat iyon. Sinabi ng lola na isa iyon sa “walang-kuwentang aklat ng Watchtower.”

Sinabi ng sister na gusto niyang makilala ang bata. Nang magkita sila, tuwang-tuwa si Calvin. Noon mismo, sinimulan ng sister ang study gamit ang aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? Agad na dumalo si Calvin sa pulong kahit na galít na galít ang lola niya. Desidido siyang manindigan sa katotohanan at sabik na sabik siya sa panahong bubuhaying-muli ang mga magulang niya. Nabautismuhan si Calvin noong Agosto 2012.

“Malakas ang Diyos na Sinasamba Mo”

Si Caro ay taga-Uganda. Isang buwan pa lang siyang nagba-Bible study, sinalansang na siya ng asawa niyang si Martin, na nangkukulam. “Dahil sa mga aklat mo, hindi na makapasok ang espiritu ng mga ninuno natin,” ang bintang nito. Minaltrato nito si Caro at pinagbantaang papatayin kapag hindi tumigil sa Bible study. Pinabayaan na rin nito ang pamilya. Pero nanatiling kalmado si Caro. Nagtanim siya para may makain ang pamilya at nagpatuloy sa study. Nang makita ni Caro na nanganganib na ang buhay niya, umalis siya sa kanila. Nahirapan siyang iraos ang sarili niya. Pero nang mabalitaan ni Caro may sakit ang mga anak niya, ipinambili niya ng gamot ang katiting na perang kinita niya.

Pagtagal-tagal, tumawag sa telepono ang asawa ni Caro. “Bumalik ka na sa bahay,” ang sabi nito. “Aminado akong malakas ang Diyos na sinasamba mo at lagi ka niyang tinutulungan. Pakisabi sa mga taong nagtuturo sa iyo na turuan din ako. Gusto ko nang magbago.” Seryoso si Martin. Ngayon, buo na ang pamilya nila at masaya sila. Sabay na nabautismuhan sina Martin at Caro sa kombensiyon noong Agosto 2012.

Nag-iisang Mángangarál sa Liblib na Nayon

Nakatira malayo sa pamilya sa Kenya si David nang magpa-Bible study siya sa mga Saksi. Pero di-nagtagal, kailangan na niyang bumalik sa Lokichar, isang liblib na nayon sa hilagang-kanluran ng Kenya. Mga 165 kilometro ang layo ng pinakamalapit na kongregasyon, sa nayon ng Lodwar. Apat na taóng halos walang kontak si David sa mga Saksi, pero ibinabahagi niya sa mga kapitbahay at mga kamag-anak ang mga natutuhan niya sa maikling pakikipag-aral niya ng Bibliya. May mga tumugon, at di-nagtagal, may mga Bible study na siya. Noong 2007, nakontak niya ang mga kapatid sa Lodwar at naipagpatuloy ang kaniyang study. Dalawang beses sa isang buwan siyang nagbibiyahe sakay ng motorsiklong taxi at minibus.

Habang natututo, mas nagiging masigasig sa ministeryo si David. Kahit hindi pa bautisado, nagtayo na siya ng pansamantalang “Kingdom Hall” na may pader na putik at bubong na pawid sa tabi ng bahay niya. Doon siya nagdaos ng pulong kasama ng mga interesado. Pero hindi lahat ay natuwa sa pangangaral niya, at sa loob ng dalawang taon, pinagsasalitaan siya at sinasaktan ng iba. Minsan nga, basta na lang siyang binugbog at pinagbintangang nagpapasok ng “pagsamba sa Diyablo.” Pero humingi ng tulong si David sa mga awtoridad kaya tumigil ang pananakit sa kaniya at nakapagpatuloy siya sa pangangaral. “Buhay ko ang katotohanan,” ani David. “Kahit anong pagsalansang sa akin, hindi ako titigil.”

Noong 2009, nabautismuhan si David, at isa na ngayong ministeryal na lingkod at regular pioneer. Siya lang at ang kaniyang 15-anyos na anak na lalaki ang mamamahayag sa lugar nila. Pero noong Abril 2012, mga 60 taganayon ang dumalo sa Memoryal ng kamatayan ni Kristo, na idinaos sa pansamantalang “Kingdom Hall” sa tabi ng bahay niya.

“Patunayan Mo sa Bibliya na Mali Siya”

Nagbabasa ng aklat na Itinuturo ng Bibliya ang regular pioneer sa Ghana na si Janet habang nagbibiyahe sa bus. May sumakay na ministro na nagsermon saka nanghingi ng donasyon sa mga pasahero. Sinabi ni Janet sa kaniya: “Sabi mo, si Jesus ay siya ring Diyos. E, sino ang nagsalita nang bautismuhan siya?”

Sumagot ang ministro, “Misteryo iyon.”

Binuksan ni Janet ang kabanata 4 ng Itinuturo ng Bibliya, pumili ng ilang teksto, at ipinabasa ang mga ito sa ilang pasahero. Ipinaliwanag niya ang pagkakaiba ni Jesus at ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat, si Jehova.

“Mangkukulam ka!” ang sabi ng ministro.

Ipinagtanggol ng mga pasahero si Janet at sinabi, “Patunayan mo sa Bibliya na mali siya imbes na pagbintangan mo siyang mangkukulam.” Sa galit, bumaba sa bus ang ministro. Sinabi ng babaing katabi ni Janet: “Akala ko ’yong Jehova, pangalan ng simbahan ng mga Saksi. Kung hindi pa kayo nagdiskusyon ng ministro, hindi ko malalaman na ’yon pala ang pangalan ng Diyos.”

Nagpatuloy ang pag-uusap nila, at kinuha ni Janet ang numero ng telepono ng babae at nangakong kokontakin siya. Pag-uwi ng babae, ikinuwento nito sa lola ang nangyari. Nagulat ang lola nang malamang Jehova pala ang pangalan ng Diyos. Isinaayos ni Janet na mapuntahan ng mga Saksi ang maglola at maipagpatuloy ang pag-uusap. Dumadalo na sa pulong ang maglola.

MGA LUPAIN SA AMERIKA

LUPAIN 57

POPULASYON 946,087,916

MAMAMAHAYAG 3,861,145

PAG-AARAL SA BIBLIYA 4,196,922

Natagpuan ang Katotohanan sa Lugar na Hindi Inaasahan

Nagwawala at nagmumura ang 20-anyos na si Andrea na taga-Bolivia habang ipinapasok siya sa bilangguan. Malakas siya at bayolente kaya kinatatakutan siya. Pero hindi si Leidy, isang Saksi ni Jehova na nakulong dahil sa maling paratang. Sa halip, naawa pa nga siya kay Andrea. Tuwing umaga, nakasanayan ni Leidy na basahin nang malakas ang mga liriko ng isang awit sa ating songbook. Nang marinig ito ni Andrea, nagtanong siya, “Saksi ni Jehova ka ba?”

Nang sabihin ni Leidy na Saksi nga siya, sinabi ni Andrea: “Saksi ni Jehova ang nanay ko, at dumadalo ako noon kasama niya. Tinuruan din niya ako sa Bible.” Napahagulhol si Andrea. Nang sumunod na mga araw, kinausap ni Leidy si Andrea tungkol sa Bibliya, at nang lilitisin na si Andrea, nanalangin sila na tulungan siya ni Jehova. Nakalaya si Andrea at nagpatuloy sa pagkuha ng kaalaman tungkol kay Jehova. Naging kuwalipikado siya agad na maging di-bautisadong mamamahayag, at naghahanda na ngayon para sa bautismo.

Sinamantala ni Leidy ang pagkakakulong niya. Nakapagbukas siya ng 21 Bible study bago siya lumaya. Dumadalaw siya ngayon sa bilangguan tatlong araw sa isang linggo para ipagpatuloy ang kanilang study.

Dahil sa www.dan124.com

Araw ng Linggo noon, tagsibol ng 2011, nang pumasok sa Kingdom Hall sa Canada ang isang mag-asawang bihís na bihís kasama ang kanilang dalawang maliliit na anak. Inisip ng lahat na mga Saksi ni Jehova sila na tagaibang lunsod. Namukhaan agad ni Dominic, isang ministeryal na lingkod, ang asawang lalaki, at nakilala rin siya nito. Na-study pala ni Dominic ang lalaki 17 taon na ang nakakaraan. At dalawang taon na palang nagda-download at nagbabasa ng mga magasing Bantayan at Gumising! mula sa www.dan124.com ang mag-asawang Marc-André at Josée. Natanto nilang dapat silang dumalo sa Kingdom Hall. Nasimulan ang Bible study, at dumalo na sa lahat ng pulong ang pamilya. Dalawang buwan pa lang silang nag-aaral, mayroon na silang lingguhang Pampamilyang Pagsamba. Patuloy silang sumusulong, at nagkaroon na ng bahagi sa Paaralang Teokratiko ang misis na si Josée noong Mayo 2012.

‘Ibinigay Niya sa Akin ang Kaniyang Tanghalian at Sombrero’

Sa isang pandistritong kombensiyon noong 2010 sa Chile, napansin ng sampung-taóng gulang na si Marcelo na walang publikasyon ang mamang katabi niya.

“Wala pong Bibliya ’yong mama,” bulong niya sa kaniyang nanay.

“E ’di i-share mo ang Bibliya mo,” sabi ng nanay. Kaya tinabihan ni Marcelo ang lalaking may-edad, na nagngangalang Victor, at binuklat ang bawat tekstong binabanggit. Nang mag-intermisyon, sinabi ni Marcelo sa nanay niya, “Nay, wala siyang tanghalian.” Sinabi ng nanay niya na hatian niya ng pagkain si Victor. Kaya binigyan ni Marcelo ng sandwich at isang tasang tsaa ang lalaki. Habang kumakain si Victor, ipinapakita ni Marcelo sa kaniya ang lahat ng tekstong alam niya.

Kinahapunan, tirik na tirik ang araw. Muling lumingon si Marcelo sa nanay niya at sinabi, “Wala po siyang sombrero.”

Sumagot ang nanay niya, “Ibigay mo ’yong sa iyo.” Ginawa nga ito ni Marcelo. Pagkatapos ng kombensiyon, nagpaalam na sina Victor at Marcelo sa isa’t isa.

Nang sumunod na pandistritong kombensiyon, hinanap ni Marcelo si Victor. Tuwang-tuwa siya dahil nandoon nga si Victor at nakakurbata pa! Nang makita ni Victor si Marcelo, sinabi niya sa mga naroroon: “Nandito ako ngayon dahil sa batang ito. Noong isang taon, nabigyan ako ng imbitasyon sa kombensiyon, kaya dumalo ako. Pinasalo ako ng batang ito sa kaniyang Bibliya at ibinigay sa akin ang kaniyang tanghalian at sombrero. Ngayon, nag-aaral na ako ng Bibliya!” Naging di-bautisadong mamamahayag si Victor.

Pinuri ng Isang Peryodista

Sa isang kolum sa pahayagan, isinulat ng isang kilalang peryodistang babae sa Venezuela ang karanasan niya nang tumawag siya sa customer service ng isang kompanya ng telepono. Isang operator na walang galang ang unang nakausap niya at wala siyang napala sa sagot nito. Sumubok siya ulit at ang nakasagot ay isang kabataang nagpakilalang “Misael.” Magalang na sinagot ni Misael ang kaniyang tanong at natulungan siya nito. Isinulat niya: “Hindi matatawaran ang kabaitan, respeto, at pagiging handang tumulong ng kabataang ito. Sa tulong niya, nalutas ko ang problema at alam ko na rin ang gagawin kapag nagkaproblema ako ulit.”

Nang purihin siya ng peryodista, sinabi ni Misael na isa siyang Saksi ni Jehova at sinisikap niyang tratuhin ang kaniyang kapuwa sa paraang itinuro ni Jesus. Kinausap ng peryodista ang supervisor ni Misael. Pinuri niya ang mahusay na serbisyo ng kanilang empleado. Sa kaniyang kolum, isinulat niyang si Misael ay isang huwarang mamamayan ng Venezuela at isang Saksi ni Jehova. Bilang konklusyon, sinabi niya: “Kailangan natin sa serbisyo-publiko ang mga tulad niya.”

“Huwag Matigas ang Ulo N’yo”

Tuwang-tuwa ang 15-anyos na si Gabriela, isang bingi, nang mabautismuhan siya noong Oktubre 2011 sa isang pandistritong kombensiyon sa wikang pasenyas sa Ecuador. Kinalunisan sa paaralan, sa sobrang saya niya, hiniling niya sa titser kung puwede siyang magbigay ng maikling patalastas sa klase. Pumayag naman ang titser, kaya tumayo si Gabriela at sinabi sa klase sa wikang pasenyas: “Gusto kong malaman ninyo na nitong nakaraang Biyernes, Sabado, at Linggo, dumalo ako sa kombensiyon at nabautismuhan bilang isang Saksi ni Jehova. Gusto ko ring malaman ninyo na nasa mga huling araw na tayo. Kaunting panahon na lang ang natitira! Magbago na kayo. Huwag matigas ang ulo n’yo. Matakot kayo sa Diyos!” Humanga ang mga kaklase niya.

Nang mag-lunch break, lumapit kay Gabriela ang kaklase niyang si Katty, isa ring bingi at di-aktibong Saksi, para magtanong tungkol sa kombensiyon. Deretsahang sinabi ni Gabriela: “Napakaganda! Ngayong bautisadong Saksi na ako, gusto kong manatiling tapat kay Jehova. Kaya hindi na ako puwedeng makipagkaibigan sa iyo, kasi marumi ang pamumuhay mo. Baka masira ang kaugnayan ko sa Diyos kung kaibigan kita. Magbago ka na. Importanteng manalangin kay Jehova at makipag-usap sa mga elder. Alam kong kaya mo iyan.” Salamat sa prangka pero mapagmahal na payo ni Gabriela, nakipag-usap si Katty sa mga elder, natulungan siyang magbago, at naging aktibo muli sa ministeryo.

Ginamit ang Laptop ng Titser

Isang 16-anyos na sister sa Estados Unidos ang tinanong ng buong klase tungkol sa relihiyon, pero wala siyang dalang literatura ni Bibliya man. Dahil gusto niyang masagot mula sa Bibliya ang mga tanong nila, hiniram niya ang laptop ng titser nila at in-access ang www.dan124.com. Nasagot niya ang lahat ng tanong nila at naipakita niya kung paano nila magagamit ang Web site. Sinabi niyang kapag may tanong sila sa Bibliya at wala silang makausap na Saksi, puwede nilang puntahan ang Web site para mahanap ang sagot. Makalipas ang ilang araw, napansin niyang hindi na gaanong nagtatanong ang mga kaklase niya. Nang alamin niya kung bakit, sinabi ng ilan na lagi na silang tumitingin sa Web site gamit ang kanilang cellphone, pati pala ang titser nila!

ASIA AT GITNANG SILANGAN

LUPAIN 48

POPULASYON 4,222,869,785

MAMAMAHAYAG 674,608

PAG-AARAL SA BIBLIYA 662,736

Nakaiwas sa Madugong Engkuwentro

Isang grupo ng mga Saksi ang dumaan sa isang maliit na nayon sa Indonesia para dumalo sa isang pahayag sa libing. Napansin ng isang payunir ang isang grupo ng mga kabataan sa kalsada. Kinausap niya sila at binigyan ng brosyur na Makinig sa Diyos at Mabuhay Magpakailanman. Nang isa namang sister na pauwi ang dumaan sa lugar na iyon, nilapitan siya ng isang lalaking may hawak na brosyur na Makinig sa Diyos. Nagpasalamat ito na nabigyan ng brosyur ang mga anak niya. “Iniligtas ng brosyur na ito ang buhay ng mga anak ko!” ang sabi ng lalaki. Nagtanong ang sister kung ano ang nangyari, palibhasa’y hindi rin alam kung sino ang nakapagbigay ng brosyur. Sinabi ng tatay na susugurin sana ng mga kabataan ang isang nayon dahil naagrabiyado ang kaibigan nila at kaugalian doon na ipaghiganti ito. Pero nang mabasa ng mga kabataan ang brosyur, natutuhan nila na ang mga taong nakikipag-away ay hindi magmamana ng darating na Paraiso. Kaya kumalma sila at hindi na itinuloy ang plano. Isang madugong engkuwentro ang naiwasan dahil sa mensahe ng Bibliya na nasa brosyur.

Nagbago ang Isang Transvestite

Lumaki si Rek sa isang tipikal na pamilya sa Cambodia, pero sa napakamurang edad, pakiramdam niya at ng kaniyang kakambal ay babae sila. Manika ang pinaglalaruan nila at gustung-gusto nila ang mga damit pambabae. Hindi ito maintindihan ng nanay nila at hiyang-hiya siya dahil hindi niya sila mapigilan. Papasok sila na nakaunipormeng panlalaki pero pagdating sa iskul, nagpapalit sila ng pambabae. Sa edad na 16, sumali ang kambal sa isang beauty contest para sa mga transvestite, o mga lalaking nag-aayos at nagdadamit-babae. Napansin sila ng industriya ng showbiz. Kaya nagsimula silang lumabas sa mga TV show at komedya. Nang maglaon, naging homoseksuwal si Rek at nakisama sa mga transvestite.

Nagsimulang magsimba ang nanay ni Rek at niyaya siya nito. Pumayag si Rek na magdamit panlalaki sa simbahan pero ayaw niyang ipaputol ang mahaba niyang buhok. Madalas siyang alipustain ng pastor pati ang istilo ng buhay niya. Pero inisip pa rin ni Rek na mag-aral ng Bibliya sa simbahan. Noong unang linggo, maaga siyang bumangon at nagbisikleta nang malayo papunta sa simbahan, pero walang gana ang pastor at sinabi nitong hindi niya matuturuan si Rek. Noong ikalawang linggo, naghihimutok si Rek nang hindi man lang magpakita ang pastor.

Pag-uwi ni Rek, sinabi ng kakambal niya na may babaing nagpunta sa kanila at nag-alok ng libreng pag-aaral sa Bibliya. Nag-iwan ito ng aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? Nakipag-aral ng Bibliya ang kambal sa sister at sa asawa nito. Pagkaraan ng anim na buwan, pakiramdam ng kakambal ni Rek, hindi pa siya handang magbago kaya huminto siyang mag-aral. Pero malaki ang naging epekto kay Rek ng 1 Corinto 6:9, 10, at naintindihan niya kung ano ang dapat niyang gawin. Sa pamamagitan ng masikap na pag-aaral, pagbabasa ng Bibliya, panalangin, at pagdalo sa mga pulong, nagawa niyang linisin ang kaniyang buhay. Nag-aaral na rin ng Bibliya ang nanay niya at maganda ang pagsulong nito. Nang mabautismuhan si Rek, naluluhang sinabi ng nanay niya, “Napakasaya ko na makitang mabautismuhan ang anak ko bilang isang lalaki.” Isa nang regular pioneer ngayon si Rek.

Tinalikuran ng Isang Espiritista ang Dating Buhay

Si Or-Ya ay isang babaing espiritista, albularyo, tagapayo, at manghuhula. Nakausap siya ng isang mag-asawang special pioneer na nagbabahay-bahay sa Haifa, Israel. Ang bati sa kanila ni Or-Ya: “Kung tungkol ’yan sa Diyos, pasok kayo!” Punung-puno ang bahay niya ng mga gamit sa espiritismo at mistika. Sinasabi niyang nakakatanggap siya ng mensahe mula sa Diyos, minsa’y sa pamamagitan ng “espiritu” ng namatay na mga rabbi.

Tinanggap niya ang alok na mag-aral ng Bibliya gamit ang aklat na Itinuturo ng Bibliya. Dalawang araw bago siya nakausap ng mag-asawa, nanalangin siya sa Diyos na sana’y may magpunta at magturo sa kaniya ng Bibliya na walang halong interpretasyon ng mga rabbi. Isang buwan pa lang siyang nakikipag-aral, nagtanong na siya, “May mga kasamahan ba kayo sa relihiyon n’yo?” Dumalo siya ng pulong at humanga sa mainit na pagtanggap sa kaniya. Mula noon, lagi na siyang dumadalo.

Pagkaraan ng dalawang buwan, nagtanong si Or-Ya tungkol sa nakaiskedyul na asamblea: “Sa mga asamblea nagpapabautismo, hindi ba? E ’di, mayroon na lang pala kayong dalawang buwan para ihanda ako sa bautismo!” Ang unang ginawa niya ay itapon ang lahat ng mamahaling gamit niya sa espiritismo. Tumigil na siya sa dati niyang propesyon at nagsimulang magpatotoo sa mga dati niyang pasyente at mga kliyente, gamit ang aklat na Itinuturo ng Bibliya at mga magasin. Nang magkasakit siya, hindi niya ginamit ang dati niyang paraan ng panggagamot. Dahil iniwan na niya ang kaniyang propesyon, apat na buwan siyang walang kita. Sa kabila nito, nagtakda siya ng kondisyon sa hahanapin niyang trabaho—apat na araw sa isang linggo, anim na oras kada araw—para hindi masagasaan ang oras niya sa teokratikong gawain. Nang maglaon, nakahanap siya ng angkop na trabaho. Ibinenta rin niya ang malaking bahay niya at umupa ng maliit na apartment.

Naging kuwalipikado si Or-Ya sa bautismo. Pero isang linggo bago ang asamblea, nabalian siya ng binti. Sa kabila nito, nagpabautismo pa rin siya kahit na nakasemento ang binti niya. Ngayon, aktibong mamamahayag si Or-Ya at nagpapatotoo sa mga dating kliyente niya at nagdaraos ng mga pag-aaral sa Bibliya.

Natagpuan ng Isang Miyembro ng Kulto ang Katotohanan

Napasimulan ng pag-aaral sa Bibliya ang isang kambal na bingi sa bulubunduking lugar sa Pilipinas. Ang kambal ay miyembro ng isang kulto na naniniwalang walang sandatang tatalab sa kanila hangga’t suot nila ang kanilang agimat at bandana. Sinanay ang kambal na gumamit ng kutsilyo, itak, at baril at sumabak na sila sa maraming engkuwentro laban sa mga rebelde sa kabundukan. Pinayagan sila ng kulto na makipag-aral ng Bibliya basta’t hindi sila pipilitin ng mga Saksi na iwan ang kulto.

Siyempre, hinimok ng mga brother ang kambal na magpasiya sa kanilang sarili salig sa natututuhan nila sa Bibliya. Pakiramdam ng isa sa mga kambal, hindi niya kayang magbago ayon sa pamantayan ng Diyos. Pero nagpatuloy ang isa. Para mapasigla siya, binuksan ng brother na nag-i-study sa kaniya ang Bibliya at sinabi sa wikang pasenyas: “Nasa Bibliya ang pangalan mo, Samuel. Ang Samuel sa Bibliya ay naglingkod sa tunay na Diyos, si Jehova, hanggang sa tumanda siya. Kaya mo ring maging tapat kay Jehova.” Napakilos nito si Samuel. “Kung nasa Bibliya ang pangalan ko,” ang katuwiran niya, “dapat nasa panig din ako ni Jehova.” Sinabi niya sa kulto na aalis na siya sa kabundukan. Sinunog niya ang lahat ng agimat at gamit niya sa espiritismo at mabilis siyang sumulong. Bautisado na siya ngayon at masigasig sa pagtulong sa mga bingi na matuto sa Bibliya.

Inusig ang Isang Bata

Nakatira si Rajiv sa isang malayong nayon sa hilaga ng India. Noong siyam na taóng gulang siya at nasa ikaapat na grado, tinuruan sila ng kanilang guro, na isang Saksi ni Jehova, ng tamang asal at paggawi gamit ang aklat na Matuto Mula sa Dakilang Guro. Nagustuhan ni Rajiv ang natutuhan niya at sinunod niya ito. Sinabi niya sa kaniyang guro na hindi na siya nagsisinungaling at nakikipag-away sa mga kaklase at hinahatian niya ng pagkain ang mga walang baong tanghalian.

Habang natututo pa nang higit tungkol sa pangakong Paraiso sa lupa, sinasabi niya ang mabuting balitang ito sa mga tao sa kanilang nayon at sa mga nakakasakay niya sa tren. Nainis at napahiya ang mga magulang niya. Pinagsabihan nila siya na huwag nang magsalita tungkol kay Jehova at kay Jesus. Nang hindi siya tumigil, binugbog nila siya. Itinatago ng nanay niya ang mga damit niya para hindi siya makalabas pagkagaling sa iskul at sabihin sa mga tao ang kaniyang bagong paniniwala. Hindi nila siya pinatulog sa kaniyang higaan at tinipid siya sa pagkain. Nang hindi rin umepekto kay Rajiv ang mga ito, nagpatawag na sila ng pari.

Ilang araw sa bahay nina Rajiv ang pari at pinupuwersa siya nito na lumuhod sa rebulto. Nang mangatuwiran si Rajiv na bato lang at hindi buháy na diyos ang rebulto, sinabi ng pari na kung ‘bubuksan niya ang mga mata ng kaniyang puso’ makikita raw niya ang diyos sa rebulto. Kumuha si Rajiv ng isang papel at sinulatan iyon ng “100 rupee.” Ibinigay niya ito sa pari at sinabing bumili ito ng tsokolate at ibalik sa kaniya ang sukli. Sinabi ng pari na hindi siya utu-uto; papel lang iyon at walang halaga. “Buksan n’yo lang po ang mata ng inyong puso,” ang sagot ni Rajiv, “at makikita n’yo ang pera sa papel na ito.” Sa galit ng pari, isinubsob nito ang ulo ni Rajiv sa harap ng rebulto. “Napayuko n’yo ang ulo ko sa harap ng rebultong ito,” ang sabi ni Rajiv, “pero hindi n’yo mapapayuko ang puso ko.” Nagsawa ang pari at umalis; sinabi nitong imposibleng mareporma ang bata at kung magtatagal pa siya roon, baka pati siya’y mawalan ng pananampalataya. Kaya inilipat ng mga magulang si Rajiv sa ibang iskul. Pero tuloy pa rin siya sa pagsasabi tungkol kay Jehova at sa pangako Niyang Paraiso sa mga handang makinig. Sampung taóng gulang na ngayon si Rajiv, at patuloy siyang nagtitiwala kay Jehova na palakasin ang kaniyang pananampalataya.

Nakita Niya ang Bibliyang Hinahanap Niya

Habang nagpapatotoo si Larisa sa isang tindera sa bookstore sa Armenia, isang babae ang pumasok at nagtanong kung mayroon silang Bibliyang “Bagong Sanlibutan.” Sinabi ng tindera na wala silang ganoong Bibliya pero mayroon silang Bibliya sa wikang Armenian. “Madali bang maintindihan?” ang tanong ng kostumer. Bumasa ng ilang talata ang tindera at sinabi, “Naiintindihan naman po.” Hindi kumbinsido ang babae at ang Bibliyang “Bagong Sanlibutan” pa rin ang hanap niya. Naalala ni Larisa na dala niya ang kaniyang Bibliyang Armenian. Ipinakita niya iyon sa babae at ipinabasa ang titulo. Nabasa ng babae, “Bagong Sanlibutang Salin.” Iyon mismo ang Bibliyang hinahanap niya!

Sinabi ng kostumer na nakikipag-aral na ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova sa Greece ang kaniyang anak na babae at manugang. Pero dahil hindi pa sila marunong ng wikang Griego, nakisuyo sila sa kaniya na magdala ng Bagong Sanlibutang Salin sa wikang Armenian sa susunod na pagdalaw niya. Ibinigay ni Larisa ang kaniyang Bibliya sa babae at sinabi, “Ibigay n’yo po ito sa kanila at pakisabing regalo ito ni Jehova.” Lalo pang natuwa ang babae nang alukin siya ni Larisa ng Bible study. Nagbigayan sila ng numero ng telepono para makapag-Bible study ang babae pagbalik nito mula sa Greece.

EUROPA

LUPAIN 47

POPULASYON 738,679,198

MAMAMAHAYAG 1,595,888

PAG-AARAL SA BIBLIYA 841,260

Isinauli Niya ang Pitaka

Nagdaraos ng pag-aaral sa Bibliya ang regular pioneer na si Nina sa isang pamilyang Roma sa Bosnia. Habang naglalakad, nakapulot ng pitaka ang sampung-taóng-gulang na anak na babae ng pamilya. May laman itong pera, mga credit card, at mga dokumento. Kung hindi siya nag-aaral ng Bibliya, iisipin niyang magandang regalo iyon. Pero matapos magtanong sa nanay niya, nagpasiya siyang dalhin iyon sa pulis. Kahanga-hanga ang ginawa niya dahil napakahirap ng buhay nila at wala man lang silang pambili ng tinapay. Makaraan ang mga dalawang oras pagkabigay ng pitaka sa pulis, na takang-taka, tinawagan sila para bumalik sa presinto. Naghihintay roon ang may-ari ng pitaka at gusto silang bigyan ng pabuya. Binigyan sila ng halagang katumbas ng dalawang-araw na kita, o mga $30 (U.S.).

Naintriga sa Pamagat

Katatapos lang magbahay-bahay ni Nihad na taga-Bosnia. Habang palapit sa kotse niya, may napansin siyang lalaki malapit dito. Nang batiin ito ni Nihad, sinabi ng lalaki: “Napansin ko kasi y’ong magasin sa loob ng kotse mo, y’ong may pamagat na ‘Kung Paano Magiging Isang Mabuting Ama.’ Gusto ko sanang magkaroon ng kopya. Isang oras na akong naghihintay rito. Puwede bang sa akin na lang ’yon?” Tuwang-tuwa naman si Nihad na ibigay sa lalaki ang magasin at nagpatotoo rin siya rito.

Inaliw ang Tripulante ng Isang Barko

Nang dalawin ng isang mag-asawang nangangaral sa daungan sa Rotterdam, sa Netherlands, ang isang barko, napakalungkot ng tripulante nito. Naluluhang sinabi ng chief engineer na sunud-sunod na problema ang sinapit ng kanilang barko. Ilang beses itong muntik bumangga at halos magkasira-sira. Kaya nagtanong siya, “Puwede n’yo ba kaming ipagdasal?” Sinabi ng mag-asawa na puwedeng makapakinig ang tripulante ng barko ng isang pahayag mula sa Bibliya. Kinabukasan, alas siyete ng gabi, bumalik sa barko ang mga mamamahayag, kasama ang dalawa pang mag-asawa. Nagkatipon sa plataporma ng barko ang 15 sa 16 na tauhan nito. Pagkatapos ng panalangin, nagpahayag ang isang brother sa paksang “Mga Sakuna—Kagagawan ba ng Diyos?” Nabasa ng tripulante ang binanggit na mga teksto dahil nagdala ang mga mamamahayag ng ekstrang Bibliya at tinulungan sila na mabuklat ang mga ito. Pagkatapos ng pansarang panalangin, nanatili ang tripulante at nakipag-usap sa mga kapatid. Laking pasasalamat nila at naginhawahan sila. Sinabi ng isa, “Ito ang sagot sa mga dasal namin.” Kumuha ang tripulante ng 20 aklat pati ng mga Bibliya at iba pang publikasyon. Pagkatapos, nag-abot ang kapitan ng isang sobreng naglalaman ng $200 (U.S.) bilang kontribusyon sa mga literatura.

Nanalanging Makatulong Siya

Sumulat si Irene, na taga-Sweden: “Otsenta anyos ako, at hindi na ako makapagbahay-bahay dahil sa mga kirot sa katawan. Nanalangin ako kay Jehova na sana matulungan ko ang isa na nadalaw ko noon at handa na uli ngayong makinig o madalaw.

“Isang araw, nag-ring ang telepono, at sinagot ito ng asawa ko. Sinabi ng babaing tumawag: ‘Excuse me, kayo lang po ang natatandaan ko, kaya tinawagan ko kayo. Puwede po kaya akong dalawin ng misis n’yo para makipag-usap sa akin tungkol sa Salita ng Diyos? Mga 15 o 20 taon ang nakakaraan, nagpa-Bible study po ako, pero ayaw na ayaw ito ng namatay kong asawa kaya tumigil ako.’

“Naalala ko na pinuntahan ko ang babaing ito, kasama ang isang sister, na siyang nag-study sa kaniya. Laking gulat ko na natandaan niya ako. Tuwang-tuwa akong makipagkita sa kaniya. Mula noon, linggu-linggo na kaming nag-aaral. Dumalo siya sa Memoryal at sa espesyal na pahayag. Dumadalo na rin siya sa pulong. Salamat kay Jehova na sinagot niya ang panalangin ko.”

Hindi Puwede ang Tsokolate sa Kahon ng Kontribusyon

Gusto ng walong-taóng-gulang na si Sergio, na taga-Italya, na patunayan sa mga elder na handa na siyang maging di-bautisadong mamamahayag. Isang araw, sumama siya sa tatay niya na papunta sa isang mag-asawang mahigit nang 70 anyos para ayusin ang kandado ng kanilang bahay. Nagdala si Sergio ng mga magasin. “Habang nagtatrabaho si Tatay,” ang paliwanag niya, “inalok ko po ng magasin ang matandang lalaki. Nagulat po siya at tinawag ang kaniyang asawa para ipakita ang mga magasin. Isinulat ko ang pangalan nila, adres, at numero ng telepono para makausap ko sila ulit. Tapos, binigyan ako ng ale ng malaking tsokolate.” Makalipas ang ilang araw, bumalik si Sergio sa mag-asawa kasama ang isang elder. Tumimbre si Sergio, at nang buksan ng may-edad nang babae ang pinto, ipinaliwanag niya na gusto niyang ibigay sa kanila ang aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? Masayang tinanggap iyon ng may-edad nang babae. Binigyan siya ulit nito ng tsokolate. “Hindi ko naman po puwedeng ihulog sa kahon ng kontribusyon ang tsokolate kaya kinain ko na lang po,” ang sabi ni Sergio. Idinagdag pa niya, “Nakita po ng mga elder na gustung-gusto ko na talagang maging unbaptized publisher.”

Gusto Pang Matuto ng Pastor

Si Simeon ay pastor ng isang simbahan sa Gurkovo, Bulgaria. Walang Saksi roon. Sa sarili niyang pag-aaral ng Bibliya, nakita niya ang kaibahan ng sinasabi ng Bibliya at ng itinuturo ng simbahan. Isang araw, nakatanggap siya ng ating mga magasin habang nasa tren. Laking tuwa ni Simeon nang malaman niyang si Jehova ang tunay na Diyos at na walang Trinidad. Sa kagustuhang matuto pa, sumulat siya sa tanggapang pansangay at sa lahat ng simbahang alam niya. Isang simbahan lang ang sumagot, na nagsabing huwag na niyang intindihin ang mga bagay na “walang kuwenta.” Sa kabaligtaran, isinaayos ng sangay na dalawang Saksi ang magbiyahe nang mga 35 kilometro mula Kazanlŭk. Nakapagsimula sila ng Bible study kay Simeon at sa pamilya nito. Gustung-gusto ni Simeon ang natututuhan niya, at niyaya pa niya ang mga kapitbahay at kaibigan para makinig. Di-nagtagal, 25 na ang dumadalo sa Bible study nila linggu-linggo. Matapos dumalo sa isang study sa kauna-unahang pagkakataon, isang 75-anyos na babae ang naluluhang nagsabi, “Mas marami pa akong naintindihan sa loob ng isang oras kaysa sa 30 taóng pagsisimba ko.” Mga 60 katao ang dumadalo sa pulong sa Gurkovo na idinaraos buwan-buwan ng mga kapatid na taga-Kazanlŭk, at 79 ang dumalo sa Memoryal.

“Huwag Kang Aalis sa Relihiyon Mo”

Napansin ng 15-anyos na sister sa Ukraine na si Valya na nang pumasok ang kaniyang titser, nakaitim ito at namumugto ang mga mata. Nang malaman niyang kamamatay lang pala ng nanay nito, naisip ni Valya na ipakita ang mga teksto tungkol sa pagkabuhay-muli para gumaan ang pakiramdam nito. Nagdala siya ng Bibliya at dalawang brosyur, Ano ang Nangyayari sa Atin Kapag Tayo ay Namatay? at Kapag Namatay ang Iyong Minamahal. Balak niyang puntahan ang titser pagkatapos ng klase. Sinabi niya: “Grabe ang kaba ko habang naghihintay sa labas ng opisina niya, kaya nag-pray ako kay Jehova.”

Pagpasok ni Valya sa opisina ng titser, tinanong siya nito, “Ano’ng kailangan mo?”

“Nakikiramay po ako. Alam kong nalulungkot kayo. Namatay rin po ang lolo ko ilang taon lang ang nakakaraan.”

Naantig ang titser. Umiiyak nitong sinabi na wala man lang sa mga kamag-anak niya o katrabaho ang nakiramay nang tulad ni Valya. Binasa at ipinaliwanag ni Valya ang Apocalipsis 21:3, 4. Tapos, tinanggap ng titser ang mga brosyur at sinabi, “Ibang-iba ka sa mga estudyante dito.”

Sumagot si Valya, “Sinisikap ko pong basahin ang Bibliya at sundin ang sinasabi nito, at nakikinig po ako sa mga magulang ko.”

Bumalik si Valya dahil humiling ang titser ng Bibliya at ng aklat na Itinuturo ng Bibliya. Muling nagpasalamat ang titser at sinabi: “Ang relihiyon mo ang tunay na relihiyon, at napakabuti ng mga magulang mo dahil itinuturo nila sa iyo kung ano ang tama. Huwag kang aalis sa relihiyon mo.”

Maling Numero ang Na-dial Niya

Sa unang araw ng 2011 pandistritong kombensiyon sa Malakasa, Greece, tinatawagan ni Natalie sa cellphone ang tatay niya tungkol sa bus na sasakyan papunta sa kombensiyon. Pero maling numero ang na-dial niya, at walang sumagot. Mayamaya, nakita ng taong natawagan ang numero ni Natalie at tumawag ito para alamin kung sino ang tumawag sa kaniya. Pero nagsimula na ang programa, at imbes na mapatay ni Natalie ang cellphone, iba ang napindot niya kaya pumasok ang tawag. Walang kaalam-alam si Natalie na napakinggan ng lalaki ang ilang bahagi ng pahayag ng chairman, at naging interesado ito.

Nagtext ang lalaki: “Sino po ito? Pari ba kayo?” Pagkatapos ng pang-umagang sesyon, nakita ni Natalie ang text at nag-reply: “Hindi po. Saksi ni Jehova po ako, at nasa kombensiyon ako ngayon.”

Tumawag ulit ang lalaki noong Sabado at nagtanong kung mayroon pa bang kombensiyon. Nakapagpatotoo sa lalaki ang tatay ni Natalie. Pagkatapos, sinabi ng lalaki, “Sa loob lang ng ilang minuto, nasagot ng pahayag na napakinggan ko sa cellphone ang mga tanong na gumugulo sa isip ko.” Nililigalig pala ng masasamang espiritu ang pamilya ng lalaki at hindi nila alam kung sino ang masasamang espiritu at kung bakit nangyayari iyon. Sinabi pa ng lalaki: “Noon, hindi ako nakikipag-usap sa mga Saksi, pero ngayon, kung posible, gusto ko sanang makausap ang lalaking nagpahayag.”

Siyempre, posible iyon. Dumalo ang lalaki sa kombensiyon nang Linggo at humanga siya sa nakita niya—mga pamilyang bihís na bihís at masasaya. Walang basura, walang nagmumura, walang naninigarilyo. “Hindi ko akalaing may ganito palang mga tao sa mundo!” ang sabi niya. “Para akong nasa ibang planeta.” Dinala ng tatay ni Natalie sa chairman’s office ang lalaki, at nakausap nito ang chairman. Tumatak sa lalaki ang mismong kombensiyon at ang mga sagot sa tanong niya. Tumanggap siya ng Bibliya, aklat na Itinuturo ng Bibliya, at ilang magasin, at naisaayos na madalaw siya.

OCEANIA

LUPAIN 29

POPULASYON 38,495,300

MAMAMAHAYAG 94,924

PAG-AARAL SA BIBLIYA 59,431

“Ang Pinakamagandang Awit na Narinig Ko”

Sa Savaii, Samoa, nagsisimula ang araw ng mga mag-aarál sa pag-awit ng isang himno. Pero magalang na nagsabi sa lalaking prinsipal sina Celina, edad lima, at Levaai, edad anim, na hindi sila sasali sa pag-awit dahil mga Saksi ni Jehova sila. Puwede silang maparusahan dahil dito. Pero inisip ng prinsipal na mapapasunod din niya ang mga bata kung ipapahiya niya ang mga ito, kaya sinabi niya, “O sige, kung hindi kayo puwedeng kumanta ng awit namin, e ’di kumanta na lang kayo ng awit n’yo.” Kaya kinanta nina Celina at Levaai ang awit bilang 111, “Tatawag Siya,” na kailan lang ay natutuhan nila sa Pampamilyang Pagsamba. Pagkatapos ng awit, mangiyak-ngiyak ang prinsipal. Sinabi nito: “Iyan ang pinakamagandang awit na narinig ko. Isa pa nga.” Muli silang umawit. Sinabi ng prinsipal, “Mula ngayon, pakakantahin ko kayo, hindi ng awit namin, kundi ng awit n’yo.”

Buong Buhay Siyang Nananalangin kay Jesus

Isang lalaking ministro ng simbahan sa Fiji ang nakisali sa Bible study ng iba. Narinig niya sa study na hindi pala si Jesus ang Diyos. Naguluhan siya at hindi nakatulog. Nang mapansin iyon ng asawa niya, sinabi nito, “Huwag ka nang babalik d’on ha!” Pero hindi pa rin niya iyon maalis-alis sa isip. Nang sumunod na linggo, sumali ulit siya sa Bible study. Ilang araw makalipas ang ikalawang pagsali niya, pumunta siya sa simbahan at nagbitiw bilang ministro. Nagulat at nagalit ang mga kamag-anak niya pati ang mga miyembro ng simbahan. Hindi lang simbahan ang tinatalikuran niya kundi pati trabahong malaki ang kita. Naging malinaw sa kaniya ang itinuturo ng Bibliya tungkol kay Jesus, pero nahirapan siyang manalangin kay Jehova dahil buong buhay niya, kay Jesus siya nananalangin. Gayunman, pagtagal-tagal, nagawa rin niyang manalangin kay Jehova. Ibinabahagi na niya sa iba ang mabuting balita at tinutulungan silang makilala at ibigin si Jehova.

Tumanggap ng Katotohanan ang Isang Maliit na Komunidad

Sa Timog Pasipiko, sa isla ng Makatea, 62 lang ang nakatira. Isang kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa Tahiti ang tumutulong sa espirituwal na pangangailangan ng mga tagarito. Siyam ang regular na ini-study sa telepono. Umaabot sa 15 ang nagtitipun-tipon sa bahay ng isa sa mga Bible study para makinig sa mga pulong na ginaganap sa Tahiti. Isa sa mga ini-study ngayon ang isang babaing prominente sa kanilang simbahan at inaasahang maging diyakonisa. Hindi pa natatagalan, bumalik siya sa simbahan at nagpaliwanag kung bakit hindi na siya nagsisimba roon. Ipinakita niya sa Bibliya kung bakit hindi dapat magturo sa kongregasyon ang babae. Ipinaliwanag din niya ang papel ni Jesu-Kristo at ang ibig sabihin ng Hapunan ng Panginoon, na minsan sa isang taon lang dapat gunitain at hindi tuwing Linggo. Ipinaliwanag din niya na 144,000 lang ang makakasama ni Kristo sa langit at na ang mga ito lang ang puwedeng kumain at uminom ng mga emblema sa Memoryal. Napatibay sa halimbawa niya ang isa pang babae kaya umalis din ito sa simbahan at regular na ngayong nakikipag-aral sa mga Saksi.

Tinanggap ng Pamilya ang Imbitasyon

Dahil sa pagsisikap na maanyayahan sa Memoryal ng kamatayan ni Kristo ang mga di-aktibo, dalawang elder sa Solomon Islands ang dumalaw kay Joshua, na hindi na dumadalo mula pa 1998. Dalawang oras na naglakad si Joshua at ang 20 kapamilya niya para dumalo sa Memoryal. Napaluha si Joshua sa mainit na pagtanggap sa kanila ng kongregasyon. Marami rin sa pamilya niya ang dumalo sa espesyal na pahayag at nagsabi sa mga elder na gusto nilang magpa-Bible study. Naisaayos na ma-study ang 15 sa kanila.

Alam Niya ang Sagot

Sa mahigit 1,000 pulo at isla na teritoryo ng sangay sa Guam, mahigit 100 ang may naninirahan. Pero 13 lang sa mga ito ang malapit sa isang kongregasyon. Marami pang isla ang hindi napupuntahan ng mga Saksi ni Jehova kaya patuloy silang nagsisikap na makapangaral sa mga ito. Noong Abril 2012, isang grupo ng mga mamamahayag ang nagbangka papunta sa Polowat, isa sa pinakamalayong isla. Halos wala pang nakakarating na dayuhan sa Polowat. Nakabahag ang mga lalaki, gumagawa ng bangka, at nagsasaka.

Isa sa mga Saksing nagpunta roon ang nagtanong sa isang binatilyo, “Ano ang nangyayari sa atin kapag namatay tayo?”

“Alam ko!” sagot nito. Bigla itong tumayo at kinuha ang aklat na Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa sa wikang Chuukese. Pagkabuklat sa talaan ng nilalaman, itinuro niya ang kabanata 8, “Ano ang Nangyayari Kapag ang Isa’y Namatay?” at tuwang-tuwang ipinaliwanag ang natutuhan niya sa aklat.

Pero paano siya nagkaroon ng aklat na iyon? Noong 2009, nangaral sa pantalan ang mga mamamahayag sa malaking isla ng Chuuk, para mapatotohanan ang mga taong papunta sa malalayong isla. Namahagi sila ng aklat na Mabuhay Magpakailanman. Isang papunta sa Polowat ang pumayag magdala ng isang kahon ng mga aklat para ipamahagi sa mga kapitbahay, at isa sa mga ito ang binatilyo.

Bago umalis sa Polowat, ilang beses na dinalaw ng mga brother ang binatilyo para patibayin ito at turuan kung paano mag-aaral. Tinuruan din nila itong mahanap ang mga teksto at magnota sa gilid ng aklat.

Nakakatuwang malaman na kahit sa malalayong islang ito na walang TV, radyo, diyaryo, o Internet, may mga publikasyon tayong nakakatulong sa mga tao na malaman ang katotohanan sa sarili nilang wika!

Tatlong Bala, Tatlong Dahilan

Mahigit 20 anyos lang ang di-bautisadong mamamahayag na si Anna nang uminit ang gera sibil sa Bougainville, sa Papua New Guinea. Noong 1991, kasama siya sa grupo na may anim na adulto at pitong bata mula sa Arawa Congregation na napilitang lumikas tungo sa kagubatan. Iilang bagay lang ang nadala nila. Dalawang taon silang nanirahan sa abandonadong mga bahay at nagtiyagang maghanap ng makakain. Nagpupulong sila gamit ang dadalawang aklat na dala nila—ang Bibliya ni Anna at isang kopya ng Nagkakaisa sa Pagsamba ng Tanging Tunay na Diyos. Nananalangin silang magkakasama, umaawit ng mga Kingdom song, at nangangaral sa sinumang makita nila.

Natagpuan sila ng mga rebelde at gustong isama ng mga ito sa hukbo ang dalawang brother, pero nirespeto ng mga ito ang neutralidad ng mga Saksi. Minsan, isang sundalo ang nagpakita kay Anna ng tatlong bala at nagsabi, “Pakasal ka sa ’kin, kundi mamamatay ka!” Tatlong dahilan ang ibinigay ni Anna—isa para sa bawat bala—kung bakit hindi siya puwedeng magpakasal dito, at ang unang-una ay dahil sinasabi ng Bibliya na mag-asawa “tangi lamang sa Panginoon.” (1 Cor. 7:39) Umalis na lang ang lalaki.

Noong 2012, nalaman ni Anna, na isa nang regular pioneer, ang malaking pangangailangan sa Arawa kaya bumalik siya roon kasama ng isa pang payunir para tumulong sa pagtatatag ng isang grupo. Tinanong siya kung natakot ba siyang bumalik sa lugar na marami siyang nasaksihang patayan at naranasang hirap sa panahon ng gera. “Natutuwa akong bumalik sa lugar na ito,” sagot niya. “Walang makakahadlang sa gawain ni Jehova, kahit pa gera sibil.”

[Larawan sa pahina 42, 43]

Maine, E.U.A.: Tinutularan ng ating mga kapatid ang halimbawa ni Jesus bilang “mga mangingisda ng mga tao”

[Larawan sa pahina 44]

Kaokoland, Namibia: Magagandang publikasyon na nakakatawag-pansin sa mga tao anuman ang edad. Ang Makinig sa Diyos at Mabuhay Magpakailanman ay makukuha sa 452 wika!

[Larawan sa pahina 50]

Peru: Pangangaral sa mga magsasaka sa tuktok ng Utcubamba Valley

[Larawan sa pahina 54]

Mexico City, Mexico: Marami sa mahigit isang milyong Bible study sa bansa ay nasimulan ng mga mamamahayag habang nagpapatotoo sa lansangan

[Larawan sa pahina 56]

Shau Kei Wan, Hong Kong: Nagpapatotoo sa isang kabataang babae sa palengke

[Blurb sa pahina 59]

“E ’di, mayroon na lang pala kayong dalawang buwan para ihanda ako sa bautismo!”

[Larawan sa pahina 61]

Erdenet, Mongolia: Isang Bible study ang idinaraos sa isang babae sa malayong kapatagan

[Blurb sa pahina 62]

“Napayuko n’yo ang ulo ko sa harap ng rebultong ito, pero hindi n’yo mapapayuko ang puso ko”

[Larawan sa pahina 64]

Gjógv, Faroe Islands: Nagkaroon ng peak na 118 mamamahayag sa mga islang ito noong 2012

[Blurb sa pahina 68]

“Mas marami pa akong naintindihan sa loob ng isang oras kaysa sa 30 taóng pagsisimba ko”

[Larawan sa pahina 68]

Georgia: Pangangaral sa ubasan

[Larawan sa pahina 71]

Pittenweem, Scotland: Pangangaral sa daungan

[Larawan sa pahina 72]

Timor-Leste: Sa bansang ito na dating winasak ng digmaan, dumami nang 9 na porsiyento ang bilang ng mamamahayag

[Blurb sa pahina 73]

“Mula ngayon, pakakantahin ko kayo, hindi ng awit namin, kundi ng awit n’yo”

[Larawan sa pahina 75]

Kingston, Norfolk Island: Pagpapatotoo sa lansangan ng Quality Row

[Blurb sa pahina 77]

“Walang makakahadlang sa gawain ni Jehova, kahit pa gera sibil”