Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

PANGANGARAL AT PAGTUTURO SA BUONG LUPA

Oceania

Oceania
  • LUPAIN 29

  • POPULASYON 39,508,267

  • MAMAMAHAYAG 96,088

  • PAG-AARAL SA BIBLIYA 63,333

“Naiintindihan Ko Na”

Tuwang-tuwa si Freda, isang bingi, nang malaman niyang uugnay sila ng sister na nagtuturo sa kaniya ng Bibliya sa unang kongregasyon ng sign language sa Papua New Guinea. Naitatag ang kongregasyon noong Marso 1, 2013. Napansin ni Freda na mas naiintindihan niya ang mga pulong kapag nagpopokus siya sa mga visual aid at sa nagsa-sign sa plataporma sa halip na sa mga publikasyon. Dahil dito, napansin na lang din niyang hindi na siya nahihiyang makibahagi sa mga pulong at madalas nang nakakapagkomento. Noong Abril 2013, naging isa siyang di-bautisadong mamamahayag at marami siyang naisasamang bingi sa mga pulong. Nang tanungin kung bakit lagi siyang naiiyak kapag pulong, sinabi niya, “Naiintindihan ko na kasi.”

Mali ang Nasakyan Niyang Kotse

Sa Australia, habang papunta si Barbara sa kaniyang grupo sa paglilingkod sa larangan, pumarada siya saglit para tingnan kung dala niya ang listahan ng mga dadalawin niyang muli. Pero biglang may nagbukas ng pinto, at sumakay ang isang babae.

“Excuse me,” ang sabi ni Barbara, “nagkamali ka yata ng sinakyan.”

“Ay, sorry,” ang sabi ng babae. “Akala ko ikaw y’ong susundo sa akin.” Nang makita niya ang Bantayan at Gumising! ni Barbara, sinabi niya, “Dinadalhan ako ng ganiyang mga magasin noon ng dalawang babae na nagtuturo sa akin ng Bibliya.” Natuwa si Barbara at ibinigay ang mga magasin sa babae at nang maglaon ay napasimulan ang isang pag-aaral sa Bibliya.

“Mga Sulat Galing sa Diyos”

New Zealand: Marami ang napapaabutan ni Violet ng mensahe sa pamamagitan ng sulat

Si Violet ay 82-anyos na sister na taga-Christchurch, New Zealand. Mahina na ang kaniyang kalusugan, pero lagi siyang nagpapadala ng mga sulat at literatura sa Bibliya sa mga nursing home at hospisyo sa kanilang lugar. Sinabi ng mga nars doon na sabik na sabik ang mga may-edad sa sulat ni Violet na tinatawag ng mga ito na mga sulat galing sa Diyos. Kung minsan, nagpapalitan sila ng mga sulat at literatura pagkabasa nila sa mga ito. Binabasahan din nila ang malalabo ang mata. Sinabi rin ng mga nars na kumpara sa iba, ang mga nagbabasa ng mga sulat at literatura ay mas kalmado, mas positibo, at hindi nang-aaway. Sinabi ni Violet: “Pakiramdam ko, ginagamit pa rin ako ni Jehova para tulungan ang iba. Napapatibay talaga ako kapag ibinabahagi ko ang katotohanan sa ganitong paraan.”

Nagbasa Siya Tungkol sa mga Rosas

“Nabasa ko na ‘yan.” Iyan ang sagot kay Bernie ng kolehiyalang si Bernadette nang ialok niya rito ang pinakabagong isyu ng Bantayan isang Sabado ng umaga sa isla ng Saipan. Takang-taka si Bernie. Kumuha siya ng ibang magasin sa kaniyang bag, pero sinabi ni Bernadette, “Nabasa ko na rin ‘yan.” Kaya nagtanong na si Bernie: “Saan mo nabasa ‘tong mga magasin? Saksi ni Jehova ka rin ba na nagbabakasyon lang dito?” Ipinaliwanag ni Bernadette na hindi siya Saksi, pero nabasa niya ang mga magasin sa Internet. Isang araw, naghahanap siya ng impormasyon sa Internet tungkol sa mga bulaklak. Nang i-type niya ang salitang “roses,” isa sa mga lumabas na resulta ang “Kaakit-akit na mga Rosas Mula sa Aprika,” isang artikulo sa Gumising! na nasa Web site ng mga Saksi ni Jehova. Nagustuhan daw niya ang artikulo kaya lalo pa siyang nag-explore sa Web site. Sa umpisa, puro tungkol sa mga halaman at hayop ang binabasa niya pero naging interesado rin siya sa mga kahanga-hangang bagay tungkol sa Bibliya. Dahil napansin ni Bernie na interesado si Bernadette, nag-alok siya ng isang libreng pantahanang pag-aaral sa Bibliya. Pagbalik niya, nagdala siya ng aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? At sa ikatlong pagdalaw, pinag-aralan na nila ang unang kabanata ng aklat. Wala pang isang taon ang nakalilipas, nabautismuhan si Bernadette noong Nobyembre 2012. Sa bilis ng pagsulong niya, lagi siyang binibiro ng kaniyang mga kaibigan na “kumaripas” siya sa katotohanan. At malaki ang naitulong ng Web site.