Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

SIERRA LEONE AT GUINEA

Tinawag Nila Siyang “Bible” Brown

William R. Brown

Tinawag Nila Siyang “Bible” Brown
  • ISINILANG 1879

  • NABAUTISMUHAN 1908

  • Pinangunahan ang pangangaral sa Kanlurang Aprika.

HABANG nagtatrabaho sa konstruksiyon ng Panama Canal noong 1907, napadaan si William sa isang kanto kung saan naglelektyur si Isaiah Richards, isang Estudyante ng Bibliya, gaya ng tawag noon sa mga Saksi ni Jehova. Ang pahayag ni Richards ay batay sa “Chart of the Ages,” isang dayagram na ginagamit para ipaliwanag ang layunin ng Diyos. Agad na tinanggap ni William ang katotohanan at bumalik sa Jamaica para ibahagi iyon sa kaniyang ina at kapatid. Nang maglaon, sila rin ay naging mga Estudyante ng Bibliya.

Si Brother Brown ay sandaling naglingkod sa Panama City, Panama. Doon niya nakilala si Evander J. Coward, isang naglalakbay na kinatawan ng mga Estudyante ng Bibliya na dumadalaw sa Panama para maglektyur. Masiglang magpahayag si Coward at may awtoridad magsalita, kaya dinudumog ng mga tao ang kaniyang lektyur. Nang mapansin niya ang sigasig ni William sa katotohanan, inanyayahan niya itong samahan siya sa pangangaral sa Trinidad.

Nang sumunod na sampung taon o higit pa, nilibot ni William ang West Indies para magpayunir at patibayin ang maliliit na grupo roon. Noong 1920, nagpakasal sila ng tapat na sister na si Antonia. Dalawang araw pagkakasal, naglayag sina William at Antonia patungo sa maliit na isla ng Montserrat sa Leeward Islands. Dala nila ang “Photo-Drama of Creation”—pelikulang may apat na bahagi at slide presentation na batay sa Bibliya. Nangaral din sila sa mga isla ng Barbados, Dominica, at Grenada. Naging napakasaya ng kanilang honeymoon habang naglilingkod kay Jehova.

Pagkalipas ng dalawang taon, sumulat si William kay Joseph F. Rutherford, ang nangangasiwa sa gawain ng bayan ni Jehova noong panahong iyon: “Sa tulong ni Jehova, nakapagpatotoo ako sa kalakhang bahagi ng Caribbean Islands at nakagawa ng maraming alagad. Babalikan ko ba sila?” Pagkalipas ng ilang araw, sumagot si Brother Rutherford: “Pumunta ka sa Sierra Leone, Kanlurang Aprika, kasama ang iyong asawa’t anak.”

Sa loob ng 27 taon ng paglilingkod ni Brother Brown sa Kanlurang Aprika kasama ang kaniyang pamilya, mas gusto pa niyang mangaral kaysa sa magtrabaho sa opisina. Dahil idiniriin niya ang kahalagahan ng Bibliya, tinawag siya ng mga tao na “Bible” Brown.

Noong 1950, nang siya’y 71 anyos, si William Brown at ang kaniyang asawa ay bumalik sa Jamaica para magpayunir. Si William ay isang payunir hanggang sa matapos niya ang kaniyang buhay sa lupa noong 1967. Mahal na mahal niya ang pagpapayunir! Para sa kaniya, ito ang isa sa pinakadakilang pribilehiyong puwedeng maabot ng isang tao.